Heto na naman us. Like you know what I mean. To make habol sa about-to-conclude na national Buwan ng Wika celebs. Like most of the celebrations in schools were really lit and fab. Gosh. Kaya naging in na in na naman ang nagpilit managalog o mamilipinong variety show host o media on-air even if they are fluent naman in English talaga. Ow wait, hindi rin sila fluent in English! Or Filipino. Like. Hindi. Sila. Fluent. At. All. Tulfo twang. Lang. Pala.
Bueno, seryoso, inilabas at pinagkakitaan na naman ng mga higanteng mall ang mga stock nila ng Filipiniana costume dahil maraming bibong paslit at mga nagsipayat (o, #realtalk, nagsitaba) na titser ang napilitang bumili at manamit ng baro’t saya, kamisa at barong. Suwerte na kung may nagpatadyong o nagtapis ng malong. Marami, lalo na, ang napilitang sumambit-sambit ng mga salitang amoy-tokador o galing sa baul na amoy alkampor. Na para bang, sige, mahal ko ang sariling wika kasi nagamit ko na naman ang salitang “subalit” at “datapwat.” Kahit maskipaps.
Nauso na naman, sabi nga ng isang kaibigan kong propesor sa isang swanky university sumwhere in Taft, ang mga timpalak ng sabayang pagsigaw ek sabayang pagbigkas pala, pagsulat ng sanaysay (sumali ang anak ko kamakailan sa writing contest na kaugnay ng Buwan ng Wika, as of this writing, hindi ko pa alam kung olats). Patok na naman ang interpretative dance ng kantang “Bulag, Pipi, at Bingi,” “Ako’y Isang Pinoy,” at “Isang Lahi.” Pagbuo ng slogan na may sukat at tugmang talipapa. Idagdag pa ang beaucon na Ginoo at Lakambini ng Wika.
Marami na namang nagtalumpati gamit ang mga salita at tikas na inalmirolan. Suot ang mga barong na, gaya ng kanilang pananalita at tikas, naninigas. Tuyot na tuyot. Sagana lang sa kumpas at angas. Kahit pa pinilit ng tagapagsanay na kesyo lagyan dapat ng damdamin at buhay, dapat umaapaw. Panalo. Sa oras na isinusulat ko ito, nakompromiso na ako sa tatlong paaralan. Ako ang kanilang naging at magiging bisitang pandangal daw. Emphasis on “dangal.” Yayks.
Pero wala, tunay na wala pa rin ang ibig sabihin kung inensayo lang ang wika para sa tatlong hurado ng timpalak. Para sa audience na napilitang makinig dahil inobliga ng titser, pinasulat ng reaction paper, tungkol sa sinabi ni, ahm, sino na nga uli ang speaker?
Paano ba kasi, lutang na lutang ang pagiging hindi natural. At ano ba iyang damdaming ’yan? Sa totoo lang, wala silang kamalay-malay dahil nakamolde ang kanilang dapat isulat buhat sa teksbuk na inaamag. Sa karamihan, mahalaga lang ang medalya, ang certificate of appreciation sa titser na tagapayo. Basta nakasunod sa memo. Tapos.
Ayos na. Kumpleto na ang ritwal ng Buwan ng Wika na naging novelty at trivial na pagdiriwang na lamang. Ilang araw na lang, Setyembre na. Makikinig na tayo sa mga mapandustang kanta ni Jose Mari Chan hinggil sa walang hanggang pagdurusa ng mga kabataang ito: “Whenever I see girls and boys selling lanterns on the street....” Pariringgan na tayo ng mga mall na mag-impok para bilhin ang kanilang mga “we’ve got it all for you” para sa minamahal mo.
Pero, mind you, sa kabila ng sinabi ko, gusto ko pa rin ang may Buwan ng Wika sa ating bansa. Marami mang tumutuligsa (dahil sa bukod sa nabanggit ko nang gawing novelty ang okasyon, mayroong mga ayaw na tawaging Filipino ang pambansang wika na kesyo Tagalog lang naman daw talaga ang pinagbatayan ng “pambansang” wika, Tagalog-centricity raw, na nagdidikta sa lehitimo rin namang wika ng mga rehiyon na umangkop at magbago, parang ganyan), gusto kong may pinag-uusapan, may debate tuwing Agosto. Namumulat tayo kahit papaano sa isyu ng wika, kultura, at kasaysayan. Maiba man lang sa showbiz at pulitikang parang showbiz na rin sa kasalukuyan.
Gusto ko ang Buwan ng Wika dahil nagkakaroon ako ng pagkakataong mag-usisa. Oo nga’t alam na nating mahalagang daluyan ng impormasyon ang wika, mawawala ba ito kung hindi natin papansinin at kikilalanin tuwing Agosto? Siyempre hindi. Wala nang makagagapos sa kahit kaninong magpausbong ng mga kaibhan ng wika. Wala nang makapipigil na mag-loanword na, sa totoo lang, noon pa mang binabalangkas natin ang polisiyang pangwika, puro hiram na salita na ang gamit natin. Na, sa katagalan, tinawag na lang nating sariling atin.
Sa mga ganitong pagkakataon, nasa kritikal akong posisyon. Nasa uugod-ugod na akademya habang nagsusulat sa Rappler na akala mo nagra-rap. Nagtuturo, gumagabay, nangangaral sa kung paano ang maayos na pagpapahayag. Hindi lang iyong basta na lang naiintindihan. Dahil, gaya ng kahit anong wika, hindi lamang ito salita, hindi lamang grupo ng mga simbolo at espasyong nakapagitan. Hindi tunog na arbitraryo. May lugod ang wikang nakapagpapahayag ng mas malalim na nararamdaman. Mas may kabuluhan. Hindi iyong “you know, like, di bah, you know what I mean naman?”
Hindi. Kaya nga ako nangangaral. Hindi kita pipiliting mamilipit kapipilipino (panalo ang aliterasyong ito!). Hindi kita pagbabawalang umingles. Basta ayusin mo. Basta matatas. Basta makahulugan at magkakaunawaan tayo nang lubos. Tangay pati ang damdamin at kaibuturan ng sinasabi. Hindi nga iyong “Y’know what I mean” lang.
Dahil, sa totoo lang, mahirap diktahan ang isang indibidwal na umaasa sa galing sa wika ang kabuhayan. O kakawing ng wika ang trabahong naglalagay ng laman sa hapag-kainan, di ba, mga sir at ma’am? Lalo kung Ingles ang wikang iyon. Pero ayaw na ayaw ko rin naman na pilitin mong umingles (gaya ng ginagawa ng ilang tampalasang iskuwelahan) ang isang batang malinaw namang nakapagpapahayag ng damdamin sa kahit anong wikang kaniyang kinalakhan.
Mabuti sana kung ultimong nagtitinda ng samalamig at pisbol sa tarangkahan ng paaralan ay umiingles nang tama, emphasis on “umiingles nang tama.” Pero baka nga ang mismong titser ay hindi. Like, you know what I mean.
Hayaan munang tuklasin ng bata ang mundo niya; ang matuto gamit ang wikang sinasalita niya sa panaginip, sa paghalughog sa kaluluwa. Filipino language man ito or otherwise.
Hindi baleng maging bihasa sa anumang wika. Ang masama, tulad ng nangyayari sa kasalukuyan, ay iyong walang kakayahang isatinig ang kaniyang nararamdaman. Like, you know what I mean. Puro na lang you know what I mean. O gumawa ng meme.
Gusto ko rin namang malinang ang kakayahan ng marami sa atin sa ibang wikang ito. Malaking bagay na, for practical purposes, especially at this age of fluctuating intelligence of people in power, maging magaling kang mang-insulto sa anumang wikang gustuhin mo. Dahil ito ang tumatalab. Ito ang nakapagpapagalaw. Ito ang makapaghihimagsik. Dahil kung malabo ang lahat dahil kulang ang kakayahan mo sa kahit anong wika, ano pa ba, like, it’s always you know what I mean. It’s so blurry, like, you know what, this won’t pass as a decent entry to an essay writing contest ngayong Buwan ng Wikang Pambansa nor forevs. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.