Nagbabagang paksa ang bigas ngayon. Tumataas ang presyo, mahahaba ang pila sa mga outlet ng National Food Authority (NFA), at binabatikos ang gobyerno dahil hindi nito sineguro ang sapat na suplay.
Napag-alaman din na hindi maayos ang pag-imbak ng gobyerno sa inangkat na bigas. Naiulat pa na 330,000 sako ng inangkat na bigas ang kailangang gamutin ng pestisidyo dahil pineste na ng bukbok ang mga ito.
Dahil sa sitwasyong ito, nagpahayag ang kalihim ng Departamento ng Agrikultura na si Emmanuel Piñol na siya mismo ang kakain ng ginamot na bigas o di kaya ng bigas na hindi ginamot kaya’t puno ito ng bukbok. Di nagtagal at nagdeklara ang NFA na ginamot na nila ang mga binukbok na bigas na inangkat mula Thailand at Vietnam at maaari na itong kainin.
May mga video si Secretary Piñol na kumakain siya ng kanin na binukbok at ang mga opisyales ng NFA na kumakain ng sinaing na bigas na ginamot.
Ligtas ba ang bigas na may bukbok?
Sapat na ba ito para magtiwala ang publiko na ligtas ang bigas na may bukbok? Hindi po. May ilang tanong na kailangang sagutin ng gobyerno bago natin madesisyunan na puwedeng kainin ang bigas na ito.
Totoo na maraming Pilipino ang kumakain ng kanin mula sa bigas na binukbok. Ang mga bigas na inimbak ng mga magsasaka nang ilang buwan matapos ang ani ay pinepeste ng bukbok. Huhugasan lamang ang bigas nang ilang ulit hanggang wala nang nakikitang bukbok, at kinakain na ito.
Subalit hindi natin alam kung gaano kagrabe na ang impestasyon ng bigas na ibinebenta ng NFA.
Sa mga salita ni kalihim ng departamento ng kalusugan na si Francisco Duque III, maaaring isaing ang bigas na binukbok at kainin,“unless it has massively infected the rice supply, this poses no harm” (kung hindi naman grabe ang impestasyon, hindi ito mapanganib).
Ngunit ano kaya ang ibig sabihin ng “massively infected”?
Sinubok kong hanapin kung may pamantayan ang gobyerno para sa antas ng impeksiyon ng bigas na inaangkat natin sa ibang bansa. Wala akong makita.
Ayon din sa isang eksperto na kinonsulta ng Rappler, maaaring matanggal ng paghugas ang mga insekto mismo, ngunit hindi natin malalaman kung nahugasan na rin ang mga itlog at dumi nito.
Sa pananaliksik ko rin, maaaring magkasakit ang ilang indibiduwal kung malanghap nila ang alikabok na galing sa bigas na pineste ng bukbok.
Kaya’t hanggang hindi sinasabi ng gobyerno kung grabe o hindi ang impestasyon, mahirap sabihing ligtas ang NFA rice.
Paano naman ang bigas na ginamitan ng pestisidyo?
Ang pangalawang tanong ay kung ligtas ba ang bigas na ginamitan ng pestisidyo o panlason ng bukbok? Muli, hindi natin alam hanggang hindi sinasagot ng gobyerno ang ilang katanungan.
Una, ano ang ginamit na panlason? Ayon sa ilang pinagtanungan ko, maaaring ang ginamit ng NFA ay ang mga pestisidyong phosphogene o aluminum phosphide. Ayon sa sariling pananaliksik ang isa pang posibleng ginamit ay ang methyl bromide.
Ang 3 ay malakas na makapanglason (highly toxic) kung masinghot o makain ng tao. Kaya’t higit na mahalaga ang tamang paggamit ng mga ito.
Para sa kapakanan ng mga manggagawang nag-bubuga ng pestisidyo, dapat tanungin ang Department of Agriculture at ang Department of Health kung ano ang kanilang ginawa upang maseguro na ligtas ang mga manggagawang ito.
Para naman sa publikong magsasaing ng bigas, kailangang malaman kung gaano katapang ang anumang panlason ng insekto na ginamit. Para sa bawat pestisidyo, may antas na itinatakda ang mga eksperto. Hindi dapat humigit sa antas na iyon ang nilalamang lason ng bigas upang maging ligtas itong kainin araw-araw.
Mayroon ding itinatakdang panahon kung kailan hindi puwedeng ibenta ang bigas dahil kailangang bigyan ng oras na sumingaw ang lason. Kaya't higit akong nabahala nang inanunsiyo ng NFA na, matapos ang dalawang linggo, hinihikayat na nito ang tao na kainin ang bigas na ginamitan ng pestisidyo.
Ang isa pang kailangang itanong ay kung ilang beses nabugahan ang bigas. Ginamitan ba ito ng pestisidyo bago isinakay sa barko papuntang Pilipinas? Kung ganoon, may natitira pa bang lason na siya namang dinagdagan ng panibagong lason? Tumaas ba ang dose ng pestisidyo na naiwan sa bigas dahil dito?
May mga test na puwedeng gawin ang NFA upang malaman kung mababa ang antas ng pestisidyo sa ibinebenta nilang bigas. Ngunit ginawa ba nila ang test na ito? Paano? Sapat ba ang bilang ng sako na sinuri? Sa isang warehouse o sa lahat? Kung oo, dapat nilang ipaalam sa mga eksperto at sa publiko ang mga resulta.
Samakatuwid, hanggang hindi nasasagot ng gobyerno ang maraming katanungan tungkol sa kalidad ng bigas na pineste at ginamitan ng pestisidyo, mahirap sabihin kung ligtas nga itong kainin ng tao. Bilang isang manggagawang pangkalusugan, pinagpapayuhan ko si Secretary Piñol at ang iba pang opisyal ng NFA na tigilan na muna ang pagkain ng bigas na binukbok at tigilan na rin ang paghikayat sa mga mamamayan na tularan sila.
Pangkalahatang ginhawa
Hindi lamang pisikal na kalusugan ang dapat bigyan ng konsiderasyon kung bigas ang pag-uusapan.
Para sa nakararaming Pilipino, bigas ang pang-araw-araw na pagkain. Sukatan ito ng ating kaginhawahan sa buhay. Kapag masarap ang bigas, kahit simple na lang ang ulam. Bumababa ang ating pagtingin sa sarili kapag kumakain tayo ng mabaho, ginamot, o pinesteng bigas.
Sa larangan ng mga aralin tungkol sa pag-unlad, lalong nararamdaman ng mahihirap ang kawalan ng hustisya at nawawalan sila ng tiwala na kaya nilang umahon sa hirap, kapag ipinamumukha sa kanila ang kanilang pagkadukha.
Hindi ba ito ang ginagawa ng gobyerno sa kanilang solusyon sa krisis ng bigas? Ang ipamukha sa ating mamamayan na dapat na naman silang magtiis? Partikular sa mga kababaihan na siyang madalas na nagsasaing, hindi yata naiisip ng mga opisyales na ang payo nilang hugasan nang mabuti ang bigas upang matanggal ang bukbok o ang pestisidyo ay dagdag na pasakit. Mahirap mag-imbak ng tubig sa maraming lugar at magastos pa.
Sa halip na makipagtalo tungkol sa bukbok, iminumungkahi ko kay Secretary Piñol na magbitiw na lamang kung hindi niya kayang gumawa ng mga agarang hakbang upang maseguro na ang supply ng ating bigas ay ligtas, masarap, malinis, katanggap-tanggap, at sapat. – Rappler.com
Si Sylvia Estrada Claudio ay isang doktor ng medisina, doktor ng pilosopiya sa sikolohiya at dekana ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Unibersidad ng Pilipinas. Nais niyang pasalamatan si Dr. Lynn Crisanta Panganiban, ng National Poison Management & Control Center, sa pagbibigay niya ng mga teknikal na datos hinggil sa methyl bromide, phosphogene at aluminum phosphide. Ganunpaman, ang interpretasyon ng datos at mga opinyong nakasaad sa artikulong ito ay pawang kay Dr. Estrada Claudio lamang.