Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Malayo sa bituka

$
0
0

 

 Lagi ko itong sinasabi sa bawat pagkakataong maiimbitahan akong magsalita o kapag magsusulat hinggil sa mga paksang tungkol sa paglipana ng teknolohiya at ng social media platform, at uulitin ko ngayon: sa dami ng dapat nating matandaang pangyayari, napakadali na nating makalimot.

Halimbawa, kailangan nang ipaalala sa atin ng Facebook ang nangyari sa atin noon, by way of memories app, kung kailan makikita mo ang nangyari sa iyo, at least sa mga status at larawan o video na ini-upload mo; mga birtwal na kaibigang in-accept mo sa Facebook, sa eksaktong petsa ng mga nagdaang taon.

Hindi na nagkakasya sa standard 32 gigabytes na memory card ng mga gadget natin ang alaalang nais nating tipunin: mga larawan, aklat, kanta, laro, scanda...este video na binabalik-balikan hanggang sa maisalin sa mas malalaking hard drives na may kapasidad mag-imbak ng terrabytes worth ng impormasyon, alaala, at, sa iba, buhay.

Bihira na nating matandaan nang walang tulong ng search engine ang mga detalye ng kung anomang kakailanganin sa anomang okasyon. Kapag may nakalimutang detalye o pangyayari, i-search sa internet, tutal may data allowance naman ang gadget kung wala mang wifi sa paligid.

Bihira na ang nagsasabi ng parirala at idyomang "nasa dulo ng dila" nila ang salita. Baka nga hindi na ito alam ng mga millennial. Iyong salitang alam na alam dati pero hindi masabi-sabi.

Bihira na kasi ang walang access sa rumaragasang kaalaman. Kaalaman o impormasyon na, sadly, hindi katumbas ng karunungan o wisdom. Dahil oo nga't nariyan ang kaalaman, kung paano itong gagamitin ang siyang magpaparunong sa iyo. At kung sa kabutihan gagamitin, lalong magpapagaling at magpapabuti sa iyo. Teka, masyado na yatang didactic ang naisusulat ko, para na akong pastor o reberendo.

Bueno, kaugnay nito, gusto ko lang patotohanan uli na walang humpay ang dating ng maraming bagong impormasyon at maraming pangyayari. Marami na rin naman noon, pero mas mabilis lang ang pagkalat ngayon dahil sa iba't ibang communication at social media platform.

Sa dami, nagkakapatong-patong na nga sa pagbabalita. May lalabas na isyu na papatungan na naman ng panibangong isyung worth knowing and remembering din, o iyon kasi ang akala natin. At may lalabas na naman uling bagong isyu, parami nang parami, ad infinitum.

Halimbawa, sumasambulat ang balita nitong nagdaang mga araw. Kung sa media, parang wala nang proverbial slow news day. Paano ba naman, hindi pa man humuhupa ang isyu ng bukbuking bigas (kung may bigas pa dahil mukhang nagkakaubusan na nga kaya sumisirit ang presyo) at imported na galunggong na diumano’y formalin-laced, napatungan na ito ng inflation that exceeded all expectations. At hindi pa man umiinit ang sumisirit pataas ding inflation, hayun, ipinapaaresto na si Senador Trillanes.

Tapos sinisi ng Pangulo ang gobyerno ni Trump sa inflation. At kung paniniwalaan ang mga kaibigan kong pesimista, wala nang nakaalala sa nawawalang kontrabando ng droga. Dahil nga, hayun, nagkapatong-patong ang dapat maalala, nangingibabaw na nga dito ang parang peryahang pulitika.

Hindi ko tuloy masisi ang ibang kaibigang nagsasapantaha (big word, sapantaha!) na ang lahat ng isyu ng pulitika ngayon ay para makalimutan natin ang mga isyung malapit sa ating bituka.

Novelty ang pulitika lalo na ngayong panahon ng masidhi at kung minsa'y halos panatisismo (read: bulag, wala nang lohika) na pagsuporta sa pulitiko. At bago itong isyu ng pag-aresto—as if ito ang "makakaaresto" sa tumataas na inflation at presyo – mainit na usapin ang bigas at galunggong, mga isyung malapit, both in figurative and literal sense, sa bituka natin.

May parang kung anong manipulasyon para makalimutan natin ang napipinto nating pagkagutom; ang makalimutan nating malapit nang mawalan ng saysay ang pera dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Manipulasyon para matuon ang ating atensyon at alaala sa kung anong naiwang kaso ni Trillanes. Na para bang, oy, ito ang mas importante kesa lugmok na ekonomiya at bukbuking tsibog.

Huwag sana tayong padadala sa napapanahong usapin sa pulitika. Tandaan pa rin nating bahagya na tayong makabili ng pagkain. Huwag tayong makakalimot na malapit na tayong magutom, kung hindi man nagugutom na nga dahil dinig na dinig na ng marami sa atin ang kalam ng kanilang sikmura.

* * *

Isang walang-hiyang promotion at plugging: sa Linggo, September 16, dadalo ako sa pinakamalaking taunang book event sa bansa, ang Manila International Book Fair, na gaganapin sa SMX MOA.

Magkakaroon ako ng book signing sa dalawang booth, ang sa Visprint Incorporated, na naglathala sa mga aklat kong iSTATUS NATION, TITSER PANGKALAWAKAN at TROYA: 12 KUWENTO; at ang booth ng UST Publishing House, na naglathala naman ng libro kong PAUBAYA at ng bagong-bago, mainit-init pang FINDING TEO: Tula/Talambuhay

Lilipat naman ako sa booth ng UST Publishing House sa ground floor ng napakalawak na bulwagan 2-4 pm.Mabibili sa booth ng dalawang publishing companies na ito ang mga nasabing libro. Nasa Visprint booth ako sa second floor ng SMX bandang 12 pm hanggang bago mag-2 pm.

Sa Manila International Book Fair nagkakasama-sama ang lahat ng mahilig sa aklat sa Kalakhang Maynila maging mula sa kalapit-probinsya. May mangilan-ngilan din akong kakilala na nanggagaling pa sa Visayas at Mindanao at pinag-ipunan ang pamamakyaw ng libro sa event na ito.

Napakaraming aklat na pamimilian, napakaraming freebies at discounts, napakaraming meet-and-greet sa mga lokal na awtor sa bansa gaya ng isasagawa ko.

Magaganap ang Manila International Book Fair September 12-16. May murang bayad ang entrance sa exhibition area, pero maraming naglipanang promo sa social media para sa libreng ticket. O kaya punta kayo sa mga website ng academic publishing sa bansa. Karaniwang nagbibigay sila ng libreng ticket. Walang biro, ipapa-print 'nyo nga lang. Ang natipid ninyo sa pambili ng entrance ticket, ipandagdag sa bibilhing libro. Sige, kahit hindi ang sa akin, basta libro – para naman mapalayo kayo kahit sandali sa poltical memes at tahasang disinformation sa social media. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles