Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Pinakbet economics at pusit tactics

$
0
0

Paano magluto ng pinakbet sa gitna ng “sizzling inflation”? Aba’y unang una, dagdagan mo ang panggastos mo nang 25%! Problema mo na kung saang kamay ng Diyos mo 'yan huhugutin. 
 
Tumaas nang 25% ang presyo ng gulay sa Metro Manila, Bicol, at Mimaropa, pero mas lalong kawawa ang mga taga-Cagayan Valley dahil 35% ang iminahal ng gulay sa rehiyon nila.

At huwag na natin pag-usapan ang bigas at talagang nakaiinit ng ulo – sa pinakamalala, 12.5% ang itinaas nito (Bicol). May bukbok at kemikal pa!

Pinakbet economics

Sino'ng maysala sa walang habas na pagtaaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang inflation sa pagkain na umabot sa 8.5%?

Una nang sinisi ng economic managers ang mga problema sa sektor ng agrikultura. Pero hindi ba't malaki ang papel ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o Train Law sa paglobo ng mga presyo dahil tumaas ang buwis sa krudo at matatamis na inumin? Hindi ba't pinuna na ng pribadong sektor ang "wrong timing" ng Train na sumabay sa pinakamalalang pagsadsad ng piso at pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis? 

Maganda ang blueprint ng administrasyon para sa programang Build, Build, Build, pero tila sablay ang implementasyon at tiyempo, lalo na kung sinasabotahe ng mga gahaman. 

Ayon sa ekonomista at ngayo’y kongresista na si Joey Salceda (na, paalala, ay hindi taga-oposisyon), hindi na puwedeng isisi ng gobyerno sa mga oportunista at rice hoarders ang pagtaas ng presyo sa bansa, lalo na't malusog ang minana nitong ekonomiya mula sa dating administrasyon. 

Sabi ni Salceda, “Ang 6.4% ay dahil sa wala o napakaliit ng ating ginawa.” Sabi niya, nakakabalisa ito dahil binubura nito ang mga naipundar sa larangan ng pagbabawas ng kahirapan at gutom.

Kaunti na lang ay tatalunin na ng yugtong ito ang 2009 sa ilalim ng dating presidenteng si Gloria Arroyo. Sa panahon niya umabot sa 6.6% ang inflation.

May iba namang saltik itong kalihim ng agrikultura na si Manny Piñol. Tanggalin na lang daw sa inflation index ang pagkain. Piñol, hindi hokus-pokus ang kailangan para talunin ang inflation. 

Habang naninimbang sa Train, world crude at interest rates ang ekonomiya, parang may sira-ulong tumulak kay Juan dela Cruz sa bangin. 'Yan ang National Food Authority sa ilalim ni Jason Aquino, na tila inuna ang interes ng mga negosyante ng bigas kaysa sambayanan. Bakit pinayagan nilang nakatambak nang dalawang buwan sa mga barko ang inangkat na bigas kaya nagkabukbok ang mga ito?

Squid tactics 

Pasok sa eksena si "bright" Solicitor General Jose Calida. Siya ang batikang tirador ni Pangulong Duterte na nagpakulo ng quo warranto laban kay Maria Lourdes Sereno at nangharang sa paglaya ni Senadora Leila de Lima. Dahil sa kanya, nabura ang pangalang Sereno sa listahan ng mga chief justice. Ngayon, layon din niyang burahin ang pangalan ng isang Antonio Trillanes IV sa listahan ng ginawaran ng amnestiya. 

Medyo halata ang timing ng tirada kay Trillanes. Hindi lamang ito nasabay sa hearing na pinamunuan ni Trillanes sa Senado tungkol sa mga kontrata ni Calida sa gobyerno. Natabunan din nito ang pag-aalburoto ng mga ekonomista. Pero duda kaming natabunan nito ang malulutong na mura ng mamimili sa grocery at palengke.

Kung maaayos ang kamada sa pagtatanggal kay Sereno sa Korte Suprema, barubal ang Oplan Back-to-Barracks para kay Sonny. Wala bang nagsabi sa kanila na sa bayang ito, "Old soldiers don't fade away, they become senators and presidents"? 

Hindi lang sila nabigo na ikulong ang media-savvy na si Trillanes, naging komedya ang pagbabasura ng kanyang amnestiya at tangkang ibalik siya sa militar para mapailalim sa court martial.

Una, mabilis na napabulaanan ang mga batayan ng pagkansela ng amnesty – malinaw na nag-apply si Trillanes at umamin siya sa kasalanan. Pangalawa, hilong-talilong ang Department of Justice sa patong-patong na request sa mga korte para sa arrest warrant. Pangatlo, lalong kakatwa ang pagbubuo ng isang "court martial" para sa senador at ang planong warrantless arrest sa kanya. 

Dito talagang napakamot kami ng ulo: ang pinakamalalang magagawa ng court martial ay itiwalag siya sa serbisyo. Ito'y sa kabila ng dokumentadong pagbititiw na ni Trillanes na dating Lieutenant First Grade sa Navy 4 na taon bago pa makakuha ng amnestiya. (BASAHIN: Don't mess with the military)

Kailangan bang aliwin ng mga alipores si Poong Digong kaya't nagkumahog na lutuin ang hilaw na Proklamasyon 572 bago siya makabalik galing Israel?

Todo-tanggi man ang tagapagsalita niyang si Harry Roque, kahihiyan ang sumalubong kay Duterte sa Israel. Hindi pinalampas ng media doon ang nagbabanggang imahe ng isang lider na nagkumpara sa sarili kay Hitler na dumalaw sa puntod ng mga biktima ng Holocaust. Ganoon din ang pagbisita ng lider na nang-alipusta sa Diyos sa lupain na nagsilang kay Kristo. Ayon sa isang pulitikong Israeli, kinailangan daw nilang lumulon ng gamot para di maduwal habang naandoon si Duterte.

Paglapag ni Digong sa Pilipinas, sinalubong siya ng 8 puntos na pagdausdos ng tiwala sa kanya ng taumbayan, ayon sa kalalabas lang na resulta ng 2nd quarter survey. Ito ang kasagsagan ng "God is stupid" na pahayag ng Pangulo. Hindi pa pasok dito ang matinding hagupit ng nagliliparang presyo ng Agosto. 

Incompetent bully

Sa larangan ng pulitika, muling ipinamalas ng kampo ni Duterte sa Trillanes amnesty fiasco na babaluktutin nito ang batas upang matupad ang mga balakin laban sa mga kritiko. 

Eto pa rin ang small-town politics na tatak ng pamamahala ni Duterte – arogante, magaspang, walang preno. Sa pananaw niya at ng kanyang mga alipores, lahat ay kayang paluhurin ng dahas ng kapangyarihan. 

Sa larangan ng ekonomiya, ipinamalas naman ng Duterte managers na kahit pagsamasamahin ang mga PhD nila, kulang ang Keynessian economics nila kung walang puso para sa masa. Dahil ang economics ay tungkol sa tao – na ngayon ay hirap nang makapag-ulam ng pinakbet. 

Sigang liderato. Nagtataasang presyo. Eto na ba ang katapusan ng honeymoon period ng mga Pinoy kay Digong? – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>