Walang ‘sing husay ang unos magpalitaw ng tunay na kulay.
Sa kalagitnaan ng agam-agam sa banta ng pananalanta ni Ompong, naupo ang Presidente sa isang panayam kaharap ang kanyang legal counsel.
Walang bago sa kanilang kwentuhan at nakita natin ang dati na nating alam. Una, na patalon-talon ang utak niya – parang tren na laging nadidiskaril sa riles. Pangalawa, na hindi mabusisi sa detalye ang Presidente. Pangatlo, salat sa kaalaman ang Pangulo sa ekonomiya.
Walang kurap ang sagot niya na ang nilulumot na konsepto ng “barter trade” ang sagot sa lumalalang krisis sa bigas. Sa ‘di mapigilang pagtaas ng presyo ng bilihin, wala siyang paliwanag maliban sa “tinatrabaho na 'yan” ng mga economic managers.
Papasok ang ikatlong taon sa kanyang termino, anong klaseng lider si Duterte?
Hindi raw siya diktador, kahit sa kampanya pa lang ay nagbanta na siyang gagawing pagkain ng isda ang mga mambabatas na kakalaban sa kanya.
Mukhang nagkakatotoo na ito. Nabura na sa talaan ng Korte Suprema ang ngalan ni Maria Lourdes Sereno bilang chief justice kahit 5 taon siyang nanilbihan sa puwestong iyon. Kahit na isang minority chief justice si Sereno at talo sa botohan laban sa mga itinalaga niyang mahistrado.
Dati na niyang naipakulong si Senadora Leila de Lima na nag-imbestiga sa Davao Death Squad noong mayor pa siya. Ngayon ay si Senador Sonny Trillanes naman ang tinanggalan ng amnestiya. Maingay nga si Trillanes, pero may kinahinatnan ba ang imbestigasyon niya sa mga bank account ni Duterte?
Sa pagtugis ng kanyang mga kaaway, lumilitaw ang isang lider na insecure sa kapangyarihan at balat-sibuyas sa kritisismo.
Mismong si Trillanes ay napilitang aminin na mas malala si Duterte sa presidenteng nagtulak sa kanyang maglunsad ng rebelyon at nagkulong sa kanya ng 7 taon.
Ayon kay Trillanes, “Sabihin mo na ang gusto mong sabihin tungkol sa administrasyong Arroyo, na ito’y kurap, na nandaya ito sa eleksyon, sumira o nagpahamak sa mga demokratikong institusyon – pero hindi kailanman siya nag-utos ng malawakang pagpatay ng mga Pilipino."
1/3 sa termino niya, marami pa ring hindi nakasasapol ng katotohanan. Para ba tayong palaka sa dahan-dahang umiinit na tubig at di natin namamalayang kumukulo na? Bakit marami pa ring tumatanggi na pinamumunuan tayo ng isang pasista?
“Mayroong walang patid na pagnanais para sa kalayaan sa bawa’t isa sa atin… Pero kinakalaban ito ng kagustuhan nating madiktahan." Sa libro niyang “Fascism: A Warning" kinilala ni dating US State Secretary Madeleine Albright na hati sa dalawang manliligaw ang mga mamamayan.
Sa anibersaryo ng Martial Law ngayong Setyembre 21, mahalagang malinang natin ang karanasan ng nakalipas na dalawang taon. Umaalingawngaw pa ba ang tawag ng pagbabago, o ang sama ng loob sa kapos na panggastos? Paraiso ba o impiyerno ang kinasadlakan ng ating lipunan?
Ang depenisyon ni Albright ng pasista ay ito: "Kumakatawan umano sa buong bansa, ngunit walang pakialam sa karapatan ng iba; at handang gumamit ng dahas upang makamit ang layunin.”
Mukhang patapos na ang honeymoon period ng mga Pilipino sa Presidenteng lumasing sa atin gamit ang matatamis na pangako. Ang tanong ay kung magkakalakas-loob ba tayong basagin ang katahimikan sa harap ng walang katapusang pambubully?
Nalusaw na sa lakas ng ulang pulitikal ang koloreteng nag-anyong maka-masa at maka-batas.
Sa gitna ng unos ng inflation at nagtataasang bilihin, pagbagsak ng halaga ng piso, krisis sa bukbok at bigas, traffic, ang misteryo ng naglahong shabu shipment, kainutilan ng mga tauhan ng Presidente, at tsismis ng pumapalyang kalusugan, ano ang lumilitaw?
Isang pasistang walang sinasanto mapa-Diyos o karapatang pantao; isang pasistang gustong ibasura ang umiiral na saligang batas at pamunuan ang transition committee; isang pasistang nagdadala sa atin sa landas ng gutom at pasakit. – Rappler.com