Batay sa pag-aaral ng New York-based independent global branding and marketing think tank na wearesocial.com, sa kanilang 2018 Global Digital Statshot, ehem, tayo raw ang nangungunang gumamit ng social media sa buong mundo kung ang pagbabatayan ay haba ng oras bawat araw.
Gumagamit daw tayo ng social media (puwede ring umuubos o naglulustay ng oras, depende sa pananaw mo sa paggamit ng bawat sandali), on an average, ng tatlong oras at 58 minutos sa bawat araw. Dalawang minuto na lang, apat na oras na.
Sa oras na iyan, ang daming mas kapakipakinabang na pupuwedeng gawin higit sa pagdutdot sa social media – ma-traffic ka sa EDSA, halimbawa; o kaya mag-feeling senador at umisip ng mas magandang ending sa “defeatist” daw na pambansang awit natin; manood ng makabuluhan at nauusong tête-à-tête specials sa telebisyon.
O kaya, ang higit na kapakipakinabang, apat na oras mag-review ng leksiyon kung estudyanteng millennial. O magbasa-basa ng totoong libro nang mamulat, kesa sa meme na ipinakalat at pina-viral ng kung ano-anong political group page na may misyong baluktutin ang kasaysayan.
Pero hindi, inilalaan ng karaniwang smartphone-toting Pinoy across all ages ang apat na oras para sa pakikipag-ugnayang birtwal sa daigdig, kasama na ang pakikipagniig sa meme.
Samantala, FYI, ang kaawa-awang Japan ang pinakakulelat – 48 minutos lang bawat araw. Tsk, tsk, have a life, Japanese brethren.
Think about it: number one. Nangunguna sa mundo. #PinoyPride. Kung natutulog tayo on an average nang anim na oras sa isang araw, halos one-fourth ng waking hours natin ay inilalaan natin sa social media. Pangalawa lang sa atin ang Brazil. Huh! Akala nila!
Samantala, sa pareho ring pag-aaral, pumapangalawa naman tayo sa Thailand sa dami ng oras na ginugugol natin sa internet. Sa kabila ng napakakupad na serbisyo ng mga telcos, gaano tayo katagal sa harap ng mga monitor ng laptop, desktop, tablet, at smartphones? Hold your breathe now: siyam na umaatikabong oras at dalawampu’t siyam na minuto. Ang kalahati ng panahong gising ang diwa natin, nakatutok tayo sa internet.
Lamang lang sa atin ang Thailand ng siyam na minuto. Next year baka hawak na natin ang korona. Iwawagayway muli natin ang karangalan ng bandila dahil sa pangunguna natin sa paggamit ng internet.
Birtwal-kapwa
Siyempre, komplikado ang metodolohiya ng research na isinagawa ng wearesocial.com para humantong sa resultang tinatalakay ko na nga rito. Kasama siyempre sa komplikasyon ang pagsukat sa oras ng pagmu-multi-tasking ng marami sa atin. Hindi naman kasi eksklusibo ang paggamit sa social media o internet sa kabuuan. Puwedeng isabay sa kahit anong gawain ang mag-social media.
Habang nata-traffic tayo, halimbawa, dumudutdot naman talaga tayo sa consumer electronic gadget natin, lalo’t may data allowance ang mga ito. Kahit nasa loob ng kubeta, scroll tayo nang scroll, nanonood ng video, status nang status (selfie!), like nang like, share nang share. Sa ano mang pagkakataong masisilip natin ang gadget at may signal, kahit gaano pa kasidhi ang ibang ginagawa, makikibalita tayo sa ating virtualscape.
Kaya nga pamilyar na larawan ng buhay natin ang sama-samang pagkain nang tahimik ng magkakaibigan o ng isang pamilya. Tahimik dahil dutdot dito, dutdot doon ang ginagawa habang kinakain ang, madalas, ang pagkaing kinuhanan muna ng larawan at naging status muna bago maubos. Tahimik at dutdot nang dutdot na para bang napakahalaga ng lahat ng dapat nating ipaalam at malaman hinggil sa ating kapwa. Naks. Kapwa. Big word.
Hindi na lamang dahil sa gusto nating makipagtalastasan sa kapwa kaya tayo gumagamit ng social media. Sa iba, balidasyon ito lalo’t instant ang dulot na gratification. Real time.
May problema ka? Ihinga o ikumpisal sa Facebook. Darating agad-agad ang konsolasyon mula sa ating birtwal na kapwa in the form of heart-heart o sad reax at payo in the form of comment. Suwerte nang may mag-PM.
May bagong achievement? Itanghal bilang status na kulang-kulang ang detalye para tapik-tapikin ang ego. Darating ang laksa-laksang congratulatory message.
Makikipagkalakalan? No problemo, gumawa na ng marketplace app ang Facebook para sa kalakalan. At gaya ng kahit anong kalakalan, tiyak na mayroon na ring ungguyan. Ilan lang iyan sa marami pang ibang gampanin ng social media sa atin.
Ang arbitraryong community standards bilang armas
Sa tagal ng iginugugol nating oras sa social media at sa internet sa kabuuan, hindi nga malayong sa platform na rin ito tayo maglalabo-labo (kung hindi pa man naglalabo-labo na nga). Sa platform na itong lubha nating dinidibdib tayo nagsasakitan at nagpapakalat ng pagkamuhi. Dito tayo nagiging agresibo. Kaya nga mayroon nang terminong “cyberbullying.” At sa maraming pagkakataon, nagagamit ang social media, lalo ang Facebook, bilang assault weapon sa birtwal na pag-iral natin.
Lahat ng cyber violence na ito, malayang magagawa ng kahit sinong may account, totoo man o hindi ang pagkatao sa social media, lalo’t walang magsusuplong para sa paglabag sa Community Standards.
Maraming panuntunan ang Community Standards. Pero napapairal lamang ang Community Standards na ito batay sa pagsusuplong ng isa o ilan mang kasapi ng birtwal na pamayanang pinamumuhayan natin. Meaning, sa kaso ng bansa natin, sino man sa mahigit 30 milyong indibidwal.
Pamilyar na tayo sa senaryo. Maglalabas ka ng status, ng opinyon mo hinggil sa pulitika ng bansa. Nagkataong hindi paborable sa pamahalaan ang opinyon mong naka-public ang setting. Nagustuhan ng marami. Naging viral. Dahil naka-public pati ang comment box, dadagsain hindi lamang ng pabor sa opinyon kung hindi maging ang tutol.
At best, nagiging platform ng (huwag nang itanong kung matalinong) talakayan ang comment box. Talakayang karaniwan ay punong-puno ng kauri ng non-sequitur at ad hominem. Talakayang may pagbabanta dahil, sa totoo lang, madaling magbanta sa sanitized confines ng birtwal na pagkatao natin.
Hindi kayang taglayin ng printed word at mga ready-made reax ang damdamin at ang pagkatakot. But, wait, puwede palang mag-block! Yown, may block option ang social media kung sakaling hindi mo na matagalan ang cyberbullying. Ha ha. Ubos kayo.
O iyon ang akala mo.
Na-professionalize na ng maraming administrator ng political pages sa Facebook ang lahat. Madaling magpakalat ng (fake) news sa milyon-milyong accounts, madaling maglagay ng link ng personal account sa mga pages na ito upang ibilad sa mga kasapi ang account na iyon na babagyuhin ng comment. Or worse, ireklamo ang account mo dahil sa isang trumped-up community standards violation. Sa dami ng magrereklamo, masususpinde ang account o tuluyang ipasasara.
Dahil, paano ba pasusubalian, halimbawa, ang reklamong “hate speech” sa konteksto ng pragmatics, ng parody o humor, o kung sa lente ng kulturang pambansa, panggagagad at pangangantyaw? Madaling umaksiyon pabor sa nagsusumbong ang kompanya ng social media. Lalo’t ang nagsusumbong ay marami at orkestrado. Gaya, halimbawa, ng mga naglipanang social media group na may sinusuportahang pulitikong karaniwa’y alyado ng gobyernong ito. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.