Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Kung ipagpipilitang radikal ang mga millennial

$
0
0

Mukhang nasasayang ang P2.5 bilyong confidential at intelligence fund ni Presidente Rodrigo Duterte sa kathang-isip. 

Ayon sa budget department, napupunta ang limpak-limpak na pera sa kampanya laban sa ilegal na droga, anti-terrorism, at pagsugpo sa krimen. Ang hindi binabanggit, kasama riyan ang pag-eespiya sa mga kabataan sa pamantasan.

FQS reboot?

Guwapong-guwapo sa sarili na inilako ng militar ang bersiyon nito ng libro ni Tom Clancy tungkol sa cold war na Hunt for Red October. Nagkabati na raw ang Pula at Dilawan at may pakulo sila, kasabwat ang New People's Army (NPA) at mga galamay ni Sonny Trillanes sa military: ang Red October. Damay na lahat ang tumutuligsa sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. (Palakpakan naman diyan!) 

Ayon sa hepe ng militar na si Heneral Carlito Galvez Jr, kasabwat din daw dito ang mga mag-aaral sa mga unibersidad na “infiltrated” ng mga rekluta ng NPA – mala-First Quarter Storm daw ang magiging drama.

Marahil ay may nahalungkat na manual ng martial law ang militar nang naghanap ng mga papeles ni Trillanes. Kitang-kita and padron ng Martial Law ni Makoy. 

Sa mga nangangarap nang gising na sila’y si Sean Connery o Alec Baldwin, ito ang katotohanan: sa unang pagkakataon sa loob ng ilang dekada, napagbuklod ng mga isyu at poot kay Duterte ang kaliwa at oposisyon. Pero makitid na pagkakaisang ito at marami pang pulong ang magaganap bago sila magtatawagang magkaibigan. Iyon ay kung maigpawan nila ang malalalim na hugot ng kanilang mahabang iringan at matutunan nilang magkaisa nang hindi nang-iisa.

Kung ang teorya ng militar ay biglang naging kaliwa't kanan ang recruitment ng Kaliwa sa hanay ng mga millennial – base sa pag-Like nila sa mga post at magpalaganap ng meme sa social media – aba’y nagha-hallucinate ang sandatang lakas ng Pilipinas.

Payong kaibigan din kay National Police Chief Oscar Albayalde: lalayo sana siya kapag nagsusunog sa Camp Crame ng mga marijuana na nakukumpiska sa giyera laban sa droga. 

Hindi raw niya mawari bakit kinakalaban ang gobyerno ng mga pinag-aaral nito sa state-run universities. Paaala lang, Ginoong Albayalde, buwis ng mamamayan ang tumutustos sa mga iskolar ng bayan, hindi si Duterte.

Lahat na lang ay komunista? 

Lagi at laging may radikal na aktibista sa mga kampus, mula Maynila, London, Moscow, at Boston. Bahagi ito ng pag-usbong ng malayang kaisipan sa mga pamantasan.  

Kung lalago man ang aktibismo – 'yung klase ng aktibismo na di lang sa social media – walang ibang dapat sisihin ang gobyernong ito kundi ang sarili niya. Bubuhusan nito ng gasolina ang baga ng pagkarebelde ng kabataan kapag lantaran nitong sinupil at pinagbintangan ang mga mulat na mag-aaral at bulabugin ang mga unibersidad dahil sa red-baiting nito. 

Malaking kahunghangan ang akusasyong Oplan Red October – sa panahong humigit-kumulang 3,000 ang regular sa hukbo ng New People’s Army. Sa panahong ibinalik ng gobyernong Duterte ang rebisyonismo at demi-god na naman ang mga Marcos. Sa panahong nagbubulag-bulagan ang middle class at mga negosyante sa extra-judicial killings.

Kitang-kita ito sa pag-atras-abante ng militar sa isyu. Ngayo’y umaamin silang “unverified” ang kanilang info sa mga unibersidad – walang konkretong ebidensiya, puro 'wentong walang 'wenta.

Sabi ni UP vice president for public affairs Jose Dailsay, totoo mang “breeding ground ang UP ng aktibismo,” graduate din dito ang maraming presidente, tulad nina Manuel Roxas, Elpidio Qurino, Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos, at Gloria Arroyo, maliban pa sa maraming national leaders. Ipagtatanggol daw ng UP ang “right to academic freedom,” na ayon sa kanya ay rekisito sa gumaganang demokrasya. 

Ang masakit nito, tulad ng sinabi ng mga pamunuuan ng mga paaralan, inilalagay sa panganib ng mga ganitong laos at iresponsableng conspiracy theory ang mga kabataan. 

Ayon sa Commission on Human Rights, ang “blanket act of red-tagging” na ito ay “nagbibigay ng lisensiya sa Armed Forces of the Philippines na hadlangan ang kalayaang magpahayag...pati na rin ang karapatang magtipon.”

Pamumulitika sa militar

Kinakabahan ba ang militar sa sumasadsad na ratings  ni Duterte, na kung kanilang babasahin ay kagagawan ng inflation, Train Law, at ang di-popular na pakikipag-BFF ni Digong sa Tsina?  

Eto ba’y sintomas ng trigger-happy na rehimen na handa nang tawirin ang point-of-no-return mula demokrasya patungong pasismo? 

At hindi lang ito nakasasama sa demokrasya, ayon kay Vice President Leni Robredo, “napupulitika ang AFP,” isang institusyong nagsikap maging propesyonal at gumalang sa karapatang pantao matapos ang mga kasamaang bunsod ng Batas Militar. 

Nakatatawa man ang kuwento, hindi tayo maaaliw sa maaaring patunguhan nito. Ayon sa mga kritiko, mukhang script ito ng gobyerno para makapagdeklara ng martial law. 

Hindi pula ang Oktubre. Kulay abo ito – ang kulay ng taggutom dahil sa nagtataasang presyo ng bilihin. Huwag nating hayaang ilihis ng militar at ni Duterte ang mahalagang isyu – na lumalala ang ekonomiya at ang mahihirap ang higit na pumapasan ng krus.

Sa militar at pulis: huwag kayong magpagamit sa agendang politikal; huwag ninyong targetin ang kabataan na siyang pag-asa ng bayan; bumalik kayo sa marangal, tama, at demokratikong pamamaraan. Iyan ang sinumpaan ninyong tungkulin.

Wala sa ating makapagsasabi kung ano ang kaya ng henerasyong ito. Wala ba talaga silang pakialam sa mga isyu? May nagsasabing 'wag silang maliitin, lalo na kapag naantig ang kanilang damdamin. Sabi ng isang millennial na nakausap namin, "AFP at Duterte, may kasabihan sa Ingles: be careful what you wish for, it might just come true." – Rappler.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles