Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Yogyakarta Diaries: Pero binabagabag pa rin ako ng komedya sa Pilipinas

$
0
0

Habang isinusulat ko ito, nasa ikaanim na araw na ako ng isang linggong pagbisita dito sa Indonesia. Nasa loob ako ng isang luma pero maayos pa ring hotel katabi ng unibersidad kung saan ako dumalo ng kumperensya dito, ang Universitas Sanata Dharma (USD).  

Maraming bumabagabag sa isip ko ngayon. Iniisip ang mabungang pangyayari dito hinggil sa panitikan at sa cultural studies ng rehiyong Southeast Asia; ang mga trabahong naghihintay sa Maynila; ang lalamanin ng column na ito; ang bibilhin kong batik na polo sa Jalan Malioboro district at kung may sapat pa ba akong pera kung sakaling tagain ako ng taksi sa NAIA; iniisip ko at pinagninilayang mabuti ang mabuting magagawa sa bansa kung sakaling mananalo si Larry Gadon (joke lang, hindi ko talaga iniisip 'yun, nakita ko lang sa newsfeed ko habang nagsusulat ako na nag-file pala siya ng kandidatura; blocked na ang mga kaibigan kong nag-share ng balita tungkol kay Gadon, mga walang kuwentang tao). Basta marami akong iniisip.  

Dalawang lugar ang pinuntahan ko dito sa Indonesia: ang Jakarta, o ang kapitolyo ng pinakamalaking kapuluang bansa sa daigdig, at ang Yogyakarta na tinatawag ding Jogjakarta, isa sa mga unang sibilisasyon sa Timog-Silangang Asya.

Naanyayahan ang inyong lingkod kasama ang iba pang propesor mula sa Ateneo de Manila University at sa pinaglilingkuran kong matandang unibersidad sa España, Maynila, ang University of Santo Tomas, na magbigay ng panayam o lecture sa mga mag-aaral at propesor ng Universitas Kristen Indonesia (UKI) sa Jakarta na programang tinatawag nilang "Lustrum Sastra XIII."

Nagbigay kami ng lecture hinggil sa mga paksang panitikan at komunikasyon. Naatasan akong magbigay ng lecture hinggil sa social media dynamics ng ating bansa habang pinakinggan ko naman ang kanilang sitwasyon. 

Tulad natin na nahuhumaling sa social media, may ilang kaakibat na suliranin din sila dito sa paggamit ng social media tulad ng Instagram at Facebook. Nakararanas din sila ng cyberbullying, trolling, at fake news.

Sa mga hindi nakaaalam, ayon sa New York-based independent global branding and marketing think tank na wearesocial.com sa kanilang 2018 Global Digital Statshot, ehem, tayo raw ang nangungunang gumamit ng social media sa buong mundo kung ang pagbabatayan ay haba ng oras bawat araw. Halos apat na oras

Samantala, nasa ikaapat na puwesto sa nasabing talaan ng mga bansang gumagamit ng social media ang Indonesia. Gumagamit sila ng social media nang tatlong oras at kalahati bawat araw. Kaya hindi nakapagtatakang hindi nalalayo ang karanasan ng mga Indonesian sa mga Pinoy pagdating sa paggamit ng paborito nating social media platform. 

Hindi rin nalalayo pagdating sa mahigpit na daloy ng trapiko ang Jakarta sa Kalakhang Maynila. Dalawang oras kaming nakaipit sa isang bahagi ng Jakarta habang papunta sa airport patungo sa Yogyakarta na isang oras ang layo sa eroplano.

Samantala, maraming kakaiba sa Jakarta kung ihahambing sa Metro Manila. Ang pangunahing mapapansin ay ang mababang halaga ng bilihin. Oo, masarap mamili ng kahit ano sa Indonesia, maliban yata sa beer na napakamahal sa sulok na ito ng daigdig. Tsk. 

Standard operating procedure ang mamasyal at tsumibog kung dadayo sa ibang bansa gaya ng Indonesia. Ilang restaurant din ang sinubukan namin kasama ang mga host mula sa UKI. Masaya, masarap, maanghang ang mga naging lakaran namin patungo sa iba't ibang restaurant. 

Matapos ang unang 3 araw, lumipad naman kami sa Yogyakarta. 

Hindi gaya ng Jakarta, walang mahigpit na daloy ng trapiko dito sa Yogyakarta. Isang lungsod ang Yogyakarta sa probinsyang ang pangalan din ay Yogyakarta. Walang kakaibang nangyari sa dinayo naming academic conference – maayos at mainit, tulad ng inaasahan, ang talakayang dinaluhan ng mga iskolar at propesor buhat sa iba't ibang bansa sa rehiyon.

Pagkatapos ng kumperensya, nagkaroon ng usual salo-salo buhat sa organizer at ilang delegado buhat sa Pilipinas, kami nga ng mga taga-Ateneo. Kuwentuhan at walang humpay na picture taking sa pagitan ng subo ng malalasa pero nagbabaga sa anghang na pagkain (Note: May choice ka naman kung maanghang ang kakainin mo. Nakahiwalay ang pampaanghang, may sariling buffet table para lang sa pampaanghang!). Nagkaroon ng usual na palitan ng calling cards at mga verbal invitation para bumisita sa mga unibersidad na pinaglilingkuran namin. Nalungkot lang ako nang kaunti dahil walang beer na mao-order sa mga restaurant ng Yogyakarta.

Sa ikalawang gabi ng pananatili namin dito, nanood kami ng Asian ballet ng Ramayana sa Prambanan Temple. Oo, halos kaharap lang ng templo ang pagtatanghal, kaya kasama sa background ang mismong templo. Kasama sa setting. 

Ang gagaling ng nagsiganap sa Ramayana. Lalo na si Hanuman, 'yung cool dude na tsonggo, at si Rawana/Ravana, 'yung kontrabida na kamukha ni Joaquin Fajardo ang gumanap. Ang galing nilang sumayaw, magpa-tumbling-tumbling kahit nakausli ang tiyan dahil may dad bod na si Ravana. 

Pagkatapos ng palabas, parang tumalino ako. Nadagdagan ng mugmog ng kultura ang katawan.  

Lahat ng ito – kainan, pasyal-pasyal, kainan uli – ay sa kagandahang loob ng mga opisyal ng USD. 

Bago ihatid sa hotel, nag-usap-usap kami ng mga kapwa ko propesor mula sa Ateneo at UST. Paano namin magagantihan ang kagandahang loob ng mga propesor dito?

Madaling ibigay ang pagkagiliw at init ng pagtanggap sa mga panauhin. Innate na ito sa atin at ingrained na, kahit papaano, sa kultura natin. Madali ang booking sa hotel. Pero ang hindi matatawaran ay ang ginhawa ng biyahe at pamamasyal nila sa Kalakhang Maynila. Oo, maraming puwedeng puntahan at pasyalan. Ang tanong na lang ay kung makakarating ba nang hindi naaabala sa trapiko, o aberya kung sakaling, halimbawa, umulan at bumaha?  

O, naisip ko, madukutan, maholdap, may ma-snatch? 

Hindi na namin napag-usapan kung ligtas pa bang makakapasyal sa Metro Manila, dayuhan man o kababayan, na hindi nabibiktima ng kriminal. Na noong kampanyahan sa eleksyon ng 2016, ipinangako ng isang matapang na kandidato na lilipulin ang kriminalidad in 3 to 6 months. Na pinaniwalaan naman ng marami sa atin. Na patuloy pa ring pinaniniwalaan ng marami sa atin. 

Tapos heto, marami muling nangangako dahil panahon na naman ng komedyang kung tawagi'y eleksyon. Mabubusog na naman tayo sa pangako habang paparami nang paparami ang nahihirapang tugunan ang totoong pagkagutom. 

Hay. Makapasyal na nga lang sa templo ng Borobudur. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>