Noon pa ako nagmamaang-maangan. Lagi kong sinasabi sa sarili na kaya ko pa. Pero ngayon, well, noong isang araw pa talaga, hindi ko na maikakaila.
Napahiya na ako sa isang programa ng 10th Taboan Writers Festival sa Tagbilaran City sa Bohol dahil, bilang presenter, hindi ko mabasa ang nakasulat sa plake na igagawad sana sa isang magaling na manunulat. Tanggap ko na. Wala na, finish na. Malabo na talaga ang mata ko.
Malabo na naman ito dati, mga two years ago pa. Papalala lang nang papalala. Pinipilit ko lang ipikit, isingkit ang mata ko, o ilayo ang binabasa para maging malinaw. Nililiwanagan ko ang smartphone at laptop ko. Isinu-zoom ko ang larawan at pahina. Pinapalaki ang font. Kung sa tao, pinipilit kong kilalanin batay sa galaw o sa lakad ang dati ko nang mga kakilala. O kaya binobosesan ko sila. Pero hindi na sa mukha, lalo na iyong medyo malayo. Dahil nga malabo na ang paningin ko.
Dapat inasahan ko na ito. Mula sa kakayahan kong magbasa ng aklat sa sasakyan, hanggang sa maging parang gumagalaw na langgam na lang ang mga nakasulat na letra, hanggang sa tuluyan nang itigil – well, sinusubukan ko pa rin naman, matigas ang ulo eh – ang pagbabasa habang umaandar ang sinasakyan.
Konsiderasyon ko na rin ang sukat ng font sa pagbili ng babasahin. At kung may pagkakataong maanyayahang magsalita sa madla o magbasa ng academic paper, nagpri-print ako sa short bondpaper ng size 14 ang font, Arial, justified at double spaced na talumpati.
Pagkabalik na pagkabalik ko sa Maynila noong Linggo buhat nga sa Bohol, dumeretso agad ako sa isang optical shop sa mall. Sinukatan ng salamin ng isang may edad na optometrist. Luminaw ang paningin sanhi ng ikinabit na salamin. Nag-down payment. At ngayon, habang isinusulat ko ito nang nakasingkit ang mata, matapos ang dalawang araw, naghihintay pa rin akong matapos ang doble-bistang antipara para pampalinaw ng aking paningin. At kung sakali, hindi lang paningin, pampalinaw rin sana ng pananaw.
Malabo ang politika
Kailangan kong palinawin ang pananaw ko. Hindi ko kasi mawari kung bakit malabo pa rin sa akin ang ilang bagay-bagay dulot ng mga pangyayari noong mga nagdaang araw. Lalo na noong panahon ng filing ng certificate of candidacy. Halimbawa:
May mag-asawang parehong kandidato sa pagiging representante ng magkaibang distrito sa iisang lungsod. Ibig bang sabihin, masaya silang nagsasama kahit nasa magkaibang bahay sa magkahiwalay na distrito ang inuuwian nila?
O ang magkapatid na maglalaban bilang meyor ng mayamang lungsod? Sa iba marahil, kasakiman sa kapangyarihan ang tawag dito, kahit pa sabihin ng mga kandidato na ito ay paglilingkod.
Malabo pa rin sa akin ang dahilan kung paanong maglilingkod nang maayos ang mga kandidatong senador na may track record na ng kasong pandarambong ng kaban ng bayan.
Kung paano ring malabo pa sa akin o sa marami sa atin ang mga kandidatong napilitan lamang “daw” samantalang noon pa nakasabit sa bawat kanto sa kapuluan ang pagmumukha at slogan.
Hindi man usapin ng eleksiyon, malabo pa rin sa akin kung paanong ang pagpapakulong sa mga kinikilalang oposisyon ay makakatulong sa pagpapababa ng inflation. O makasusugpo sa salot na droga, na bilyon-biyon ang halaga ng “nakapasok” sa bansa lately, kung paniniwalaan ang PDEA. Ito pa naman ang flagship na plataporma-de-gobyerno ng Pangulo noong hinihimok pa tayong bumoto – ang sugpuin ang droga, hindi ang makapagpapasok ng bilyong pisong halaga ng droga sa bansa. Tsk. That dangling modifiers.
Ilan lamang iyan sa sana’y mabigyang linaw, hindi man ng bagong salamin ko, kung hindi ng aking pag-unawa sa political dynamism ng ating bansang sa bawat araw na lumilipas ay papahirap nang papahirap ipaliwanag sa aking mga mag-aaral at mga anak ang nagaganap.
***
Dahil sa crackdown ng Facebook sa naglipanang “spam network from Facebook in the Philippines,” minabuti kong gumawa ng sulat sa mga may troll-like jobs na mistulang na-professionalize na ang pagkokomento at pag-share ng pages sa mga social media account ng news agencies – lalo na ng Rappler! – lalo na kung kritikal sa pamahalaan ang nilalaman ng balita. Heto ang maikling tagubilin ko bilang tulong sa mga posibleng mawalan ng trabaho:
Sa mga trolls na mawawalan ng trabaho because of FB's crackdown on troll and inorganic pages and accounts:
Balikan 'nyo ang employer 'nyo. Sabihin ninyong igalang ang kontrata kaya kailangan 'nyo pa ring sumuweldo as stipulated by your contract. Hopefully hanggang December ito o, kung susuwertehin, hanggang after midterm elections next May. Oo, kahit ganyan ang trabaho mo, ang maging walang-kaluluwang troll, may karapatan ka pa rin sa ilalim ng batas.
Alam kong marami ka nang tiniis na hirap, maraming prinsipyong tinalikuran, para lang makapagtrabaho, pero ganun talaga. Some good things never last. Marami-rami ka na sanang naipon kao-OT mo. Sana cash mong nabili ang gadget at motorsiklo, otherwise, baka mabawi 'yan. Ang hirap pa namang umalis ng bahay at maghanap ng trabaho nang walang smartphone para makaiwas sa traffic. Sana nga maipagmalaki mo ang koneksyon mo sa gobyerno. Iyon ay kung kikilalanin ka nila.
Kung sakaling may panggigipit, gaya ng madalas ninyong practice, p'wede mo nang isiwalat nang paunti-unti ang screen grabs ng iyong conversation with your team leader/s habang inuutusan kang sumumpa at murahin ang lahi ng binu-bully ninyong account, habang pinupuri mo ang karahasan at pagpatay, habang winawalang-bahala mo ang bumabagsak na ekonomiya, habang ibinabaon sa pagkatao mo ang hate o pagkamuhi.
Sa pagkakataong ito, maghanap ka ng marangal at maayos na trabaho. May narating o pinagtapusan ka naman yatang pag-aaral kahit papaano. Sana rin, mailagay mo sa resumé o CV mo ang dati mong trabaho. O kung ano ang maayos na tawag sa dati mong trabaho. Certainly not social media troll. P'wedeng tinawag ninyo 'yang socmed volatility checker or initiator, or socmed engagement manager. Naks. Ganda. Gudlak. Mahirap ang buhay. Totoo, hindi gaya ng lagi ninyong ipinupunto kapag pinupuri 'nyo ang gobyernong ito. Pero alam kong ramdam 'nyo naman ito.
May natutuhan ka sanang mahalaga at makatao sa dati mong trabaho.
Best,
Joselito
– Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.