Ngayong nalalapit na Halloween, Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa, nakapangingilabot ang isang bagay: muling nanunumbalik ang maraming personalidad, pangyayari, at konsepto na matagal nang namayapa.
Narito ang listahan namin ng mga zombie sa ating buhay pulitika.
Zombie # 1: Pork barrel senators. Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at Juan Ponce Enrile. Sila umano’y mga kakunstaba ng tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Napoles sa pagkopo ng Priority Development Assistance Fund. Matunog ang kanilang pagbabalik, lalo na ngayong darating na 2019 elections kung saan sila’y tatakbo.
Zombie # 2:Golden age of Martial Law. Isa sa pinakamabentang kuwentong rebisyonista ay ang alamat na ginintuang yugto ng pananalapi ng Pilipinas ang Batas Militar. Pero kabalitagtaran ang naganap: nabansot ang pag-unlad natin ng dalawang dekada at dahil dito'y tinagurian ang Pilipinas na “sick man of Asia."
Zombie # 3: Lies Enrile and Bongbong Marcos told us. Ayon sa panayam sa dating defense minister ni Ferdinand Marcos (na ang nag-ingterbyu ay ang anak ng diktador), wala umanong namatay noong panahon ng Batas Militar maliban kay Lim Seng. At wala raw inaresto at ikinulong dahil sa kanilang paninindigan.
Zombie # 4: Farmers’ massacre. Noon: Mendiola massacre, Escalante massacre, Hacienda Luisita massacre, at iba pa. Ngayon: Hacienda Nene massacre. Nakapanlulumong isipin na silang naglalagay ng pagkain sa ating hapag-kainan ang paulit-ulit na biktima ng karahasan at kawalang-hustisya.
Zombie # 5: Red-baiting. Na-infiltrate umano ng mga komunista ang 10 unibersidad. Nagpapakulo umano ang oposisyon at mga kasabwat nito sa militar ng oplan Red October upang patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte. Mukhang zombie rin ang kathang-isip ng militar.
Zombie # 6: The Left’s recurring mistakes. Dati nang naiwan ng kasaysayan ang Kaliwa pati na ang mga organisasyong naiimpluwensyahan nito nang ibinoycott nito ang “snap” presidential elections noong 1986. Ito’y sa kabila ng mahabang panahong pakikibaka at ilang libong kadreng nagbuwis ng buhay. Fast forward sa peace talks sa gobyernong Duterte: iniwan man sa altar, umasa pa rin itong magkakabalikan sa kabila ng extrajudicial killings, kaya’t hindi bumitaw hanggang sa huling sandali.
Zombie # 7: Inflation. Noong 2009, sa ilalim ng dating pangulong si Gloria Arroyo, umabot ang inflation sa 6.6%. Ngayong third quarter ng 2018, nasa 6.2% na ang inflation. Deja vu?
Zombie # 8: Recycled political names & dynasties. Pinaka-engrande ang pagbababalik ni Gloria Arroyo, na agaw-eksena sa SONA ni Digong. Pero marami pang lumang apilyedo na umeeksena rin ngayon para sa 2019. Maliban sa Estrada, Revilla, at Enrile, nand'yan ang pangalang Marcos, ang musical chairs ng mga Cayetano at Binay. ‘Yan din ang kuwento sa napakaraming bayan at munisipalidad sa buong bansa: trapo vs trapo; clan vs clan.
Zombie # 9: Recycled Duterte men. Ang suwerte naman ng dating hepe ng Customs na si Isidro Lapeña na napromote pa sa cabinet rank nang inilipat sa TESDA kahit nakapuslit ang isang toneladang shabu habang pinuno siya. Ganoon din si Nicanor Faeldon na nalipat sa Office of Civil Defense kahit inakusahan ng isang senador na tumatanggap ng pampadulas mula sa smugglers. Ngayon ay napipisil pa siyang maging hepe ng Bureau of Corrections. Nand'yan din si Pompei La Viña at Gerardo Gambala na mga nareappoint sa kabila ng hindi kagandahang record. (LIST: No to corruption? Duterte's controversial reappointees) – Rappler.com