"They say, ‘Militarization of the government.' Correct!" ‘Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang umaamin na militarisasyon ang nangyayari sa Bureau of Customs nang inutos niya na “i-take-over ito ng militar”. At ating pansinin, “take-over” ang ginamit na termino ni Ginoong Duterte.
Mabilis naman ang pagsalo ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsabing hindi nabali ang civilian supremacy dahil retirado na ang iniluklok na pinunong si Rey Guerrero, dating hepe ng Armed Forces.
Dagdag naman ng nagbabangong-puri na si Gloria Arrroyo na ”literal silang mabuting sundalo kaya sila itinalaga ng Pangulo.” Huwag na tayong magulat dahil noong siya’y presidente, 6 ang itinalaga niyang dating sundalo.
Alamat ng "mabuting sundalo." Hindi pangkalahatang katotohanan na “good soldier” ang mga dating miltar. Tulad din ng mga sibilyan, nagkakalat din sila. Patunay diyan ang mga dating timon ni Duterte sa Customs, sina Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon na parehong nalusutan ng shabu shipment – P11 bilyon kay Lapeña at P6.4 bilyon kay Faeldon. Bintang pa nga ni Senador Ping Lacson, tumanggap daw ng grease money si Faeldon mula sa smugglers.
At sinong magsasabing mahusay ang sundalo kung titingnan ang track record ng walang 'singpalpak (at ayon sa mga kritiko ay kurap) na dating National Food Authority administrator na si Jason Aquino na siyang lumikha ng rice crisis?
Ayon sa mga disipulo ng militarismo, mahimbing daw ang tulog natin dahil nakabantay ang mga sundalo sa pintuang bayan. Pero mahimbing pa rin ba ang tulog natin kapag nakopo na nila ang pagpapalakad ng gobyerno? Lalo na kung bantay-salakay sila?
Mga junta sa Southeast Asia. Balikan natin ang konsepto ng civilian supremacy at paano ito mahalaga sa mga demokratikong gobyerno.
Matapos ang World War II, mahina pa ang kapit ng demokrasya sa mga bansa sa Southeast Asia. Madalas ang mga kudeta at panghihimasok ng militar. Mismong ang People Power revolution at ang pagpapatalsik kay Joseph Estrada ay hindi mangyayari kung hindi kumampi ang mga heneral sa isang paksyon.
Sa Indonesia, nangibabaw ang militar sa ilalim ni General Suharto matapos mapatalsik ang mga Dutch. Tumagal ang rehimeng Suharto mula 1965 hanggang 1998 na tinawag ng The New York Times na pinakabrutal at kurap sa 20th century. Sa huling yugto, miserable ang taumbayan sa takbo ng ekonomiya at gobyerno, lalo na ang hagupit ng Asian economic crisis na nagbigay daan sa pagbabalik ng gobyernong sibilyan.
Mahaba rin ang kasaysayan ng miltary control sa Thailand na nagsimula sa coup ng 1932. Isang animo’y tug-of-war sa pagitan ng sibilyan at militar ang kasaysayan nito. Pinakahuli na ang pagpapatalsik kay pangulong Thaksin Shinawatra ng isang military junta noong 2006.
Andyan din ang Myanmar na matagal nang kontrolado ng mga military mula pa ng kudeta ng 1962. Ito ang natitirang bansa sa Southeast Asia na halos ganap na pinamunuan ng mga sundalo, sa kabila ng eleksyon na umano’y landas sa demokrasya noong 2010. Mayroon mang transition, dominante pa rin ang kontrol ng sandatahang lakas ng may 25% kontrol sa parlamyento at siyang sumulat ng bagong konstitusyon. Matindi ang pagsupil sa pampulitikang kalayaan at kontrolado pati ang social media ng mga mamamayan.
Pangingibabaw ng sibilyan. Batayang prinsipyo ng civilian supremacy ay ito: ang pagpapalakad ng bansa ay pananagutan ng isang sibilyan na pamunuang inihalal ng bayan. Ito’y haligi ng demokrasya at naglalayo sa panganib na dulot ng kultura ng blind obedience sa ranggo ng mga sundalo.
Ayon sa mga military theorists, kapag pinapalabo ang linya sa pagitan ng sibilyan at military, humihina ang mga sibilyang institusyon.
Huwag nating maliitin ang potensyal ng isang napulitikang sandatahan – ang mga masunuring sundalo ay maaaring tubuan ng sungay at ambisyon lalo na't tangan ang M16. Huwag nating kalimutang umuusbong ang pampulitikang kapangyarihan mula sa bunganga ng baril.
Kapatiran. Ayon kay Rene Jarque na nagbitiw sa Army nang siya’y kapitan, balakid ang “mistah culture” sa pagrereporma ng military.
Anya, “Sanay ang militar na pagtakpan ang isa’t isa, sanay silang mag-juggle ng pondo, at para sa kanila ito ang normal na palakad.” Ito raw ang dahilan bakit tutol siya, sa antas ng prinsipyo, sa pagtatalaga ng mga galing sa militar.
Sa ngayon, bukas na bukas ang pintuan sa mga dating sundalo, na ayon kay Presidente Duterte ay 'di nakikipagtalo sa kanya.
Maliban kina Faeldon, Lapeña at Guerrero, andyan si Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior Secretary Eduardo Año, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan, at ang hepe ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na si Ricardo Jalad.
Teka, may unoffical military junta na ba sa Pilipinas?
Ayon sa may-akda ng We Were Soldiers: Military Men in Politics and the Bureaucracy na si Glenda Gloria, “Habang ang military ang namamagitan sa mga political transitions (EDSA 1 & 2), habang mayroong insurgency na nagpapaigting ng pagsandal ng bansa sa armadong sandatahan, at bulnerable ang mahihinang sibilyang institusyon sa destabilisasyon, hindi magbabago ang pattern ng military appointments sa burukrasya. Pipiliin ito ng mga rehimen kaysa makipagsapalaran sa isang armadong komprontasyon laban sa napulitikang sundalo." – Rappler.com