Gusto mong manalo sa eleksiyon sa May 13, 2019? Magpakabayani ka! Ito ang tamang panahon para magpakabayani.
Manhid lang ang kandidatong hindi maramdaman ang tangis ng taumbayan. Naghihintay kami ng magsisindi ng aming mga galit.
Umalimpuyos ang galit sa napabalitang P11 bilyong halaga ng shabu na pinalusot ng Bureau of Customs. Ang nagpalusot, imbes na kasuhan, binigyan pa ng pabuya na maging head ng Tesda (Technical Education and Skills Development Authority). Habang ang mahihirap na nahuhulihan kuno ng ilang pakete ng shabu ay bigla na lang bumubulagtang patay sa kalsada, estero, at eskinita.
Hindi ba kumulo ang dugo ninyo sa galit nang aminin ng pulis na kalakaran na sa kanilang presinto ang manggahasa ng menor de edad– pantubos umano sa magulang na nahulihan ng shabu? (BASAHIN: Drug war to deter rape? 16 cops in 8 cases — study)
Ito ang tamang panahon para maging bayani. Ibinibigay ng administrasyong Duterte ang bawat pagkakataon para may tumayong bayani. Inamin niya na siya ang berdugo sa laganap na extra-judicial killings o mga pagpatay nang walang hustisya. Hindi niya ipinagkaila na ang kanyang war on drugs ay giyera laban sa mga mahihirap at mahihina.
Harap-harapan niyang kinakarinyo ang mga drug lord at magnanakaw na pulitiko habang brutal na minumura at pinapatay sa gutom ang mahihirap na Pilipino: “Mahirap kayo? Putangina, magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!” Hindi ba’t pinasagasaan niya sa Train Law ang kumukulong sikmura ng mga Pilipino imbes na itawid ito sa gutom?
Nagkikibit-balikat siya sa lumalalang inflation, krisis sa bigas, at pagtaas ng presyo ng bilihin. Isinasanla niya ang bayang Pilipinas sa China. Patuloy na ginagahasa ng kanyang matabil na dila ang dignidad at karapatan ng kababaihan. Tanging militarisasyon ang nakikita niyang solusyon sa nabubulok at nauuklo niyang pamunuan. Minura niya ang Diyos ng palasambang Pilipino.
Kaya’t hindi namin lubos na maisip kung saan kayo humuhugot ng lakas para magpa-cute sa inyong mga Facebook post, poster, tarpaulin, at iba pang campaign paraphernalia. Kailangan namin ang tumatangis ninyong mukha na naghahanap ng hustisya para sa 9 na magsasakang pinaslang sa Hacienda Nene, Sagay City, Negros Occidental.
Kailangan namin ang inyong boses na walang gatol na tinututulan ang tokhang at Oplan Double Barrel na pumatay kay Kian delos Santos, nagpabalo sa mga ina, at nagpaulila sa kabataan sa Payatas.
Kailangan namin ang inyong talino na magbibigay solusyon sa inflation, malaimpyernong traffic, papaubos na pondo ng SSS, papataas na bayad sa health care, bilihin, tubig, kuryente, at mabagal na internet connection. Kailangan naming ang inyong tapang na magpasimuno ng protesta at kung kailangan ay rebolusyon.
Bakit hindi, kung ang hangad ninyo ay manalo? Hindi ba’t naging senador si Antonio Trillanes IV dahil sa Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Siege, kung saan siya nanawagan na patalsikin ang tiwaling gobyerno ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo?
Hindi’bat sa tuwing naiisip noon ni Senator Gregorio Honasan II na tumakbo bilang senador ay nagpapasimuno siya ng kudeta? Marahil ay kaya niyang sabihin na, “Kung gustong mong maging senador, magkudeta ka!” Dahil sa kanyang karanasan, kudeta ang nagbigay daan sa career niya sa pulitika. Labing-apat na kudeta ang naitalang pinangunahan ni Honasan mula noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos hanggang panahon ni Pangulong Arroyo.
Hindi rin maipagkakaila ang kabayanihan ni Senator Leila de Lima nang kanyang walang takot na ipahuli at ipakulong ang mga kurakot na senador – sina Juan Ponce Enrile, Jingoy Estrada, at Bong Revilla – at sina Queen of Pork Barrel Janet Lim Napoles, at dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sino ang makakalimot kay Senator Benigno Aquino Jr noong 1975, nang siya’y mag-hunger strike nang 40 araw sa kanyang kulungan habang nanawagan na pabagsakin ang diktaduryang Marcos. Sa kabila ng pagkakakulong ay nanalo siya sa Interim Batasang Pambansa election noong 1978. Pagkatapos ng kanyang protesta at malagim na kamatayan sa tarmac ay naging pangulo ng Pilipinas ang kanyang asawa at anak.
Kaya’t huwag mag-alinlangan na magpaka-Jose Rizal! Magpaka-Andres Bonifacio! Magpaka-Gregoria de Jesus! O magpaka-Gomburza!
Dahil ang totoong bayani ay hindi lang nagiging pulitiko. Sila ay nagiging mukha rin sa premyo ng ULTRA LOTTO JACKPOT na pinipilahan ng karamihang Pilipino. – Rappler.com
Christopher N. Magno is an associate professor in the Criminal Justice Program at Gannon University. He earned his PhD in Criminal Justice at Indiana University, Bloomington, and his Master's in Sociology at the University of the Philippines, Diliman. His teaching and research specializations include urban crime, politics of crime, and law and society.