Ang bilis ng mga pangyayari. Busog na busog ako sa detalye. Hindi na mataya ng isip ko kung paano tatandaan ang lahat ng trending na balita at mga sariling biases sa social media at traditional media platforms. Kung pagkain lang ang impormasyon, baka naimpatso na ako. Hindi na natunawan.
Sa tanda kong ito, paano ba kasi matatandaan kung mabilis na akong makalimot? Isulat ko kaya sa friendly neighborhood social media platform? Para saan? Para lang mapatungan ang news feed ninyo at, well, maglaho sa social media’s great beyond? Maaalala na lang dahil lilitaw uli sa news feed kung may maliligaw na magla-like, magko-comment o magse-share matapos ang panahon ni kopong-kopong?
Ang daming viral. Kaliwa’t kanan ang huli sa CCTV camera na ini-report nang laging ekslusibo. May buy-bust, nabangga, binugbog, nagpatawa’t nagpalungkot.
Napakaraming nag-trending nitong nagdaang mga araw. May tungkol sa nanantsing na DOM na nagkatong sponsor ng beauty contest. May tungkol sa matapos ang mahigit tatlong dekada, nahatulan din sa wakas ang isang Marcos sa kasong may kinalaman sa isa sa dalawang paborito nila sa buhay: pera at kapangyarihan.
May tungkol sa barilan at eleksiyon sa States; halikan sa pelikulang tungkol sa malagkit na May-December affair; Nokia 3210 ang paboritong telepono ng pinakabagong miyembro ng gabineteng, ironically, may kinalaman sa teknolohiya; may nagbubuntis yata ng kanduli sa Bikol; nagkonsiyerto sa Bocaue ang paboritong banda ng tito o lolo mong rakista. Bahagya akong natawa nang may mabasa akong comment na nagsasabing amoy balm, liniment, at menthol daw sa concert. Ilan daw ang sinumpong ng arthritis at rayuma sa mga antigong rakista?
Next week, may malaking tsansang hindi na natin matatandaan ang mga nangyari nito lang mga nagdaang araw, kahit pa kuha tayo nang kuha ng larawan, video nang video, upload nang upload. Dahil sa bilis makalimot kaya naman kaydali nang burahin o retokihin ng kasaysayan. Lalo’t ang isa ring isyung nagpagalit at nagpalungkot sa akin nitong nagdaang araw ay ang pagtatanggal na nang tuluyan sa subject sa kolehiyong may malaking kinalaman sa instrumento natin sa pag-alala: wika at panitikan.
Hintay lang, tatalakayin ko rin sa espasyong ito iyang isyung malapit na malapit sa bituka ko bilang guro ng panitikan at kultura.
***
Sa loob lamang ng isang buwan, limang ulit naimbita ang inyong lingkod na magsalita sa madla hinggil sa social media dynamics. Sa iilang speaking engagement na ito, nangangamba akong matanggal na sa tunay kong trabaho.
May ibang nag-imbita para sa mas espesyalisadong paksa kung paano maiiwasan ang cyberbullying. Mayroon naman, ehem, sa Indonesia, kung paano nakakaapekto sa persepsyon natin ang nababasa at inihahatid na impormasyon (madalas din, disimpormasyon) ng social media.
May isang malaking pagtitipon, mga 800 kabataang first year college ang nakinig, hinggil naman sa maayos o etikal na paggamit ng social media. Sa darating na mga araw, may ilan pa akong natanguang pagtitipon hinggil muli sa paksang ito. Ang huli ay ngayong paparating na Nobyembre 23.
Magaganap sa Augusto-Rosario Gonzales Theater ng De La Salle-College of St. Benilde sa Taft Avenue, Maynila, ang 2018 Students’ PR Congress and Grand Prix na itinataguyod ng Public Relations Society of the Philippines. Narito ang detalye ng congress na, balita ko, free ang registration.
Sabi sa imbitasyon sa akin: “With your various researches on social media and its effect on society, especially on the youth, and as a respected educator, we strongly believe the participants will gain valuable insight and learning from you and your experiences and knowledge regarding the topic.” Naks. Respected. Educator. Big word.
Magsasalita at sasagot ako ng mga tanong hinggil sa hebigat na paksang “Psychological Safety in the Digital Age: Expressing one’s self without fear of being attacked.” Kung paano ko ito ipapaliwanag nang mabilisan at maayos, hindi ko pa alam. Uunahin ko muna ang kagyat na problemang dapat kong mapuno ang espasyong ito sa pinaka-hate ng Palasyong pahayagan sa balat ng solar system: ang Rappler.
***
Dumarating pala ’yung ganito. Hindi ka makapagbiro kahit pa bahagi na ng pagkatao mo ang maging palabiro o masiste. Alam ’nyo ’yon, siste, hiram natin sa salitang Español na “chiste” o biro? Now you know.
Pero wala, hindi ko magawang pagaangin ang nararamdaman ko sa usaping ito. Gusto ko sanang idaan sa biro, halimbawa: uy, wow, sa wakas, may hatol na raw kay Imelda, pero, hayun, walang arestong mangyayari. Payo ko lang, hiramin niya ang wheelchair at neckbraces ng isang sikat na bilanggo noon na mahimalang gumaling matapos ang presidential election. Well, hindi nakakatawa. Wala.
Bakit ba naman kasi ganito ako kaseryoso ngayon? Kasi, dahil sa ruling ng Supreme Court (SC) hinggil sa constitutionality ng K to 12.
Bukod sa malaking posibilidad na mawawalan ng trabaho ang napakaraming propesor ng subjects na Filipino at Panitikan, kasinglaki ring dapat pangambahan ang magiging epekto nito sa kinabukasan.
Hindi masusukat ang pinsalang magagawa ng ruling na ito ng SC sa mga darating na henerasyon. Hindi lamang ito isang simpleng usapin ng pagtatanggal ng “core” subjects sa kolehiyo, hindi lamang usapin na kesyo meron na naman kasing Filipino at Panitikan sa senior high school; ito ay pagtatanggal sa kakayahang umunawa at magpakatao dulot ng pag-aaral ng komplikasyon ng ating wika – at kung paano ginagamit at umiiral ito – at pag-aaral sa teksto at konteksto ng panitikan sa mga sasailalim sana sa pag-aaral sa kolehiyo. Sa madaling salita, nakikilala mong lalo ang sarili at kapwa dahil sa kanilang wika at panitikan.
Nakakainit talaga ng ulo.
Heto pa. Tinatanggal ng SC ruling ang isang mabisang lunsaran ng pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, ng maayos na pakikipag-ugnayan sa kapwa, ng marubdob na pag-unawa at pagpapahalaga sa buhay.
Kunsabagay, baka ito naman talaga ang nais ipatahak sa ating landas ng mga nasa kapangyarihan, ang maging assembly line ng isang malaking produksyon at pabrika ng mga nagnanais lamang magkadiploma. Pero hindi matuto.
University education means holistic education. Hindi lang isang aspekto ng pagkatao mo ang pinalalakas at pinagagaling. Kabuuan ng pagkatao. Hindi ganiyan ang tech-voc at mga technological institutes. Espesyalisado ang mga ito sa skills development.
May mga karunungang tanging sa pagsusuri ng teksto sa larangan ng panitikan at pag-unawa sa komplikasyon ng wikang dulot ng pag-aaral ng wikang Filipino lamang makukuha. Na dapat sumasabay sa edad at paglago ng isang tao. At, seryoso, walang joke dito. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.