Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: At tayo’y ibinugaw sa bisita ni Tatay

$
0
0

Wala tayong tiwala sa “kaibigang” niyuyukuan ni Tatay.  

Ang balita mula sa ibang barangay, naghahanap siya ng mga sambahayang hikahos, at aalukin ng limpak-limpak na pautang, para umano’y umunlad ang buhay, pero kalaunan pala’y mahirap mabayaran.  

Kaya kokolektahin niya ang natitira mong kasangkapan, aangkinin ang pag-aari mong yaman, o iilitin ang lupang minana mo pa sa kanunu-nunuan. 

Hindi malayong gawin niya rin iyon sa pamilya natin. Ang dami kasing gustong ipagawa ni Tatay: kalsada, tulay, tren, paliparan, dam. Basta, maraming-maraming ipapatayo, at lahat daw tayo’y magiging abala – at sagana. Kinagat ni Tatay ang alok, kahit mas malaki ang tubo kaysa ibang nagpapahiram. 

Alam naman nating matagal nang kinakanya ng higanteng iyon ang halos buong nayon. Pati ang barangay, na sigurado tayong atin na atin, ay gusto niyang angkinin. Nauna raw ang angkan niya rito sa kalakhan, kaya sila lang ang may karapatan. 

Yung ibang barangay, pumapalag sila kapag nilalapastangan; lumalaban kahit duwendeng maituturing ang katayuan; at kahit nakikipagkalakal at nangungutang doon sa maton na katabing barangay, nagpoprotesta sa ngalan ng soberenya. 

Tayo? Nanalo tayo nang kuwestiyunin sa tribunal ang panunuwapang ng higante sa hangganan ng kanyang barangay. Pinanigan tayo ng mga huwes nang ideklarang walang basehan ang teritoryong ginuguhitan ng pasaway. Pero sabi ni Tatay, wag tayong magbunyi, wag tayong maingay, wag nating ipangalandakan ang naging tagumpay – nakakahiya sa kaibigan niya. Isantabi natin ang piraso ng papel, wala namang magpapatupad niyan. 

Tayo? Ilang beses nang nagsumbong ang mga kapatid nating bantay sa ating nasasakupannagtanim na ng muhon ang BFF ni Tatay, sinemento ang mga isla, dinadaungan ng mga barko nila’t nilalapagan na ng mga eroplanong panggiyera. Itinataboy niya sa sarili nating dagat ang mga kapatid nating mangingisda – sinasabugan ng tubig, kinukuha ang matatabang huli, pinapaharurutan ng mga lantsa.  

May isa pang malaking kasalanan ang paboritong kapitbahay ni Tatay. Ang drogang heyt na heyt ni Tatay – naghandusay na nga, dahil sa utos niya, ang bangkay ng ating mga kaanak na nahulihan niya o napaghinalaan – bultuhan kung ipuslit galing sa teritoryo ng kanyang kaibigan. 

Pero parang walang naririnig si Tatay. Giit niya, “Mahal ko siya,” at kailangan daw natin ng pera ng higanteng bisita. 

Kaya ipinalatag niya ang pulang alpombra nang dumating ang bisitang ang laki’y mala-panda.  

Kinikilig ba si Tatay? Sabi kasi ng bisita, kasinggiting daw si Tatay ng bayani ng ating angkan na sa totoo’y mula rin sa lahi ng kanyang kaibigan. Pero alam nating sumusukot sa libingan ang bangkay ni Manong Pepe – kung buhay siya ngayon, hindi-hinding niya tayo ipaiilalim sa sinumang dayuhan. 

“Yuko, anak, yuko,” sabi ni Tatay sa atin. “Bisita yan eh.” Kaya, hayun, nang nagmamartsa sila ng bisita papasok sa ating bahay, hinayaan niyang bandilang pula lang nito ang wumawagayway. 

“Sayaw, anak, sayaw,” sabi rin ni Tatay. “Pasasalamat natin sa dalawampu’t siyam na tulong na aming pinagkasunduan.” Hawak natin ngayon ang magaan na papel na ang nakalista pala ay mga pangako pa lang.  

“Hubad, irog, hubad,” sabi ni Tatay kay Nanay. “Aanhin natin ang ari-arian kung walang katuwang na maglilinang?” Nakangisi ang bisita, ini-imagine kung ano-anong masisisid, matutuklasan, mapapagyaman sa bahaging kailanman ay di niya kinilalang tayo ang may karapatan. 

“‘Wag po si Nanay!” Pero lango si Tatay – nasanay sa bulag nating pagsunod, sa paglunok natin ng mga “P——- i—!” niya, sa puro dakdak lang nating protesta. 

Saglit na panahon pa, mamamahinga na rin si Tatay. At tayong malakas pa ang magpapasan ng bunga ng pagbubugaw niya sa sambahayan. 

Nasaan sa atin ang walo sa sampung maninindigan? Hindi maipagtatanggol si Inang Bayan ng puro ingay lamang. – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>