Patapos na ang Nobyembre. Ang daming nangyari. Highlight na ng buwan na ito siguro para sa bansa natin ang pagdating ng BFF ng Pangulo kaya nawalan kami ng pasok sa matandang unibersidad sa Maynila noong Nobyembre 20. Natapos na rin ang ASEAN Summit sa Singapore na dinaluhan (o tinulugan, depende sa bias mo) ng Pangulo.
Parang kailan lang noong katapusan ng Oktubre nang mag-viral ang marubdob na birthday greeting ni Pareng Buboy sa kaniyang kaibigang si Kagawad Chris Morales ng Santa Ana, heto't matatapos na pala ang Nobyembre. Oo, isang buwan na ang lumipas nang pumutok ang isyu ng kontrobersiyal na birthday greeting. Hindi pa ito matagal, pero sino pa ba ang nakakaalala?
Speaking of nakakaalala, wala na yatang nakaaalala na ang buwan na ito ay kinikilala sa ating bansa bilang Reading Month – kung paanong wala na ring nakakaalala kung paano magbasa nang marubdob, lalo na sa kagubatan ng social media. Magbasa ng tunay na book, ha, hindi Facebook?
As for the Reading Month "celebration," wala, nasa maliliit na sulok na lamang marahil ng isang inaagiw na silid sa paaralan ang pagkilala sa Nobyembre bilang buwan ng pagbasa. May pa-quiz bee siguro tungkol sa mga klasikong akda ng kung sinong awtor na hindi binasa pero naging trivia. O kaya may essay writing o declamation contest tungkol sa mabuting naidudulot ng pagbabasa. Puwede ring nagkaroon ng Mister and Miss Reading Month sa bawat school, alam 'nyo na, hindi malayo sa Ginoo at Binibini ng Buwan ng Wika. Malay 'nyo ba?
Nakahihinayang kasi ang pagkilala bilang buwan ng pagbabasa sa buwan ng Nobyembre dahil, bilang propesor ng panitikan – thereby nanghihikayat ng pagbabasa sa matandang unibersidad sa España, Maynila, at sa mga ka-Facebook ko – naniniwala akong isa ang pagbabasa sa pinakamabisang makapagpapabuti at makapagpapatalino sa tao.
Maraming matatalisod na artikulo sa internet, na may patunay ng akademya at agham, na nagpapahayag na higit na mabuti sa well being ang pagbabasa kung ihahambing halimbawa sa panonood ng telebisyon o pelikula sa sinehan.
Hindi ko masisi kung nahihirapang magbasa ang marami lalo't malaganap ang new media. Literal na nasa palad na lang natin ang maraming impormasyon taglay ng hawak nating smartphones o tablet na nakasawsaw sa internet. Sa tradisyonal na libro o diyaryo nga naman, cumbersome, mabigat, mahirap dalhin. Patunay nito ang pagbabasa ninyo ng artikulo kong ito na maaaring natalisod lamang ninyo sa newsfeed. Maaaring na-share ng kung sinong nalito.
Iyon nga lang, sa kabila ng ginhawa, minsan, lalo sa mga napagkaitan ng tech-savviness, nagiging mas matalino pa sa gumagamit ang smartphone. Lalo kung hindi na-disable ang predictive text output, halimbawa, mas nauuna pang tapusin ng smartphone ang salitang hindi mo naman gustong sabihin. Iba pa ang usapin kapag bumagal ang telepono mo o nabago ang interface sanhi ng "upgrade" at "update" na ipinipilit sa iyo ng kompanya ng iyong paboritong consumer electronics.
Madali na nga namang makapaglalaro ng video games, makapanonood ng video, makakapakinig ng musika, makikibalita basta may subskripsiyon ka ng internet kahit mabagal. Hindi na tuloy masyadong napahahalagahan ang pagbabasa, halimbawa, ng istorya o kuwento bagamat nakatutuwang isipin na may mga ganitong pananaliksik hinggil sa kakayahang magbasa ng marami sa atin.
Kaugnay at sa kabila nito, na lubos na nakapagpasaya sa akin bilang kontradiksiyon sa lugod na dulot ng new media, napuno ang schedule ko ng mga pangyayaring may kinalaman sa tradisyonal na pagbabasa nito lamang huling ilang araw.
Una, bilang board member ng Philippine Center of International PEN ang inyong lingkod, idinaos namin nitong Nobyembre 22 at 23 ang 61st Philippine PEN National Congress sa Cultural Center of the Philippines Complex. Makahulugan ang tema ng okasyon: "Writing the Nation: The Filipino Writer and Nation-Building."
Sa loob ng dalawang araw, sa harap ng mahigit 200 guro, mag-aaral, at tagatangkilik ng panitikang Filipino buhat sa iba't ibang panig ng kapuluan, tinalakay ng mga nangungunang manunulat at alagad ng sining sa bansa ang tungkulin ng pagsulat sa pagbubuo at pagpapatibay ng kabansaan.
Gaya ng dapat asahan, sing-init at sintapang ng supply na kape sa PEN Congress ang talakayan, pero may ilang bahagi rin namang masaya at nakatatawa. Pero ang hindi mawawala ay ang rubdob at sigasig para pasiglahin ang panitikan at pagbabasa para sa sambayanang Filipino. At, oo, may isang makata at peryodista, si Ramil Digal Gulle, ang nagsabi na sumulat na kami sa social media dahil naroon ang mambabasa. Kaya nag-status agad ako sa Facebook pagkatapos.
Ikalawa, naimbitahan din ang inyong lingkod na maging hurado kasama ang dalawa pang propesor buhat sa UP Diliman at Ateneo de Manila University sa 2018 Madrigal-Gonzalez Best First Book Award na itinataguyod naman ng UP Institute of Creative Writing at ng pamilya Madrigal-Gonzales.
Napakagagaling ng mga lahok na aklat na nalathala noong 2016 at 2017. Mula sa 11 aklat na lahok, namili kami ng shortlist na nakasama namin sa ginanap na awarding ceremony noong Biyernes nang hapon, November 23, sa UP Diliman.
Ang mga aklat at ang may-akda na itinanghal na shortlist ay Sa Mga Pansamantala: Mga Tula (UST Publishing House, 2017) ni Vijae Orquia Alquisola, Dead Balagtas Tomo I: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa (Adarna House, 2017) ni Emiliana Kampilan, MELÄG (Adarna House, 2016) by R. Redila, at ang Bienvenida de Soltera: Tatlong Dulang Ganap ang Haba (UST Publishing House, 2017) na akda naman ni Liza C. Magtoto.
Sa huli, itinanghal na pinakamagaling na unang aklat ang Dead Balagtas Tomo I: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa ni Emiliana Kampilan.
Nagkamit ang misteryosong awtor ng halagang P50,000 para sa kaniyang kakaiba at napakagaling na graphic stories na hindi lamang basta tungkol sa pag-ibig, kung hindi pag-ibig na nag-uugat sa pananampalataya, kultura, antroplohiya, pulitika. Si Kampilan din ang nagdibuho ng kaniyang aklat. Kagilagilalas ang biswal na rendisyon ng mga istorya sa aklat.
Ginanap nitong Nobyembre 23 ang awarding ng 2018 Madrigal-Gonzalez Best First Book Award sa UP Hotel kasabay ng tradisyonal na UP Writers' Night, na tinatawag ko ring Feeling Writers' Night o Reunion ng Manginginom na Writers' Night. Magandang pagtatagpo ng bago at beteranong manunulat ang beer-fuelled event na ito sa UP Diliman.
Nito namang nagdaang Sabado, Nobyembre 24, pinarangalan ng Manila Critics Circle at National Book Development Board ang mga pinakamagagaling na aklat na nalathala noong 2017. Rightfully, tinawag ang parangal na National Book Awards.
Ilan sa mga nanalo ang mga kaibigan at kasamahan ko sa trabaho, isa na rito ang coordinator ng AB Creative Writing program ng UST na si Prof Chuckberry J Pascual para sa kaniyang aklat na Ang Nawawala, na inilathala ng Visprint Incorporated, para sa kategoryang maikling kuwento. Nagwagi rin ang boss ko sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies na si Prof Cristina Pantoja Hidalgo para sa kaniyang aklat na The Thing with Feathers, na inilathala naman ng UST Publishing House, para naman sa kategoryang essay sa Ingles.
Nasungkit naman ng popular na awtor at dati kong kasamahan sa UST (at ngayon ay nasa isang unibersidad na sa Taft Avenue, hmp) at matalik na kaibigan na si Eros Atalia ang gawad sa pinakamagaling na nobela sa Filipino, para sa aklat na Ang Ikatlong Antikristo, na inilathala ng Visprint.
Samantala, dalawang award ang napanalunan muli ng Dead Balagtas Tomo I: Mga Sayaw ng Dagat at Lupa ni Emiliana Kampilan: ang Best Graphic Literature at Best Book Design. Narito ang kumpletong listahan ng mga nagsipagwagi.
Napakagandang paraan sana ng pagtatapos ng buwan ng pagbasa ang mga ganitong okasyon. Sana lang, tangkilikin at basahin din ng maraming kababayan natin ang mga inilalathalang aklat ng magagaling nating awtor.
O kaya, mabuti pa, gastusan ng gobyerno ang pagbili ng mga nanalong librong ito at ipamigay sa aklatan ng mga pampublikong paaralan. Kumita na ang naglathalang publikasyon, nagkaroon ng royalty ang mga awtor, may mabubuting aklat pa ang mga paaralan, at magkakaroon ng tiyak na mambabasa ang mga manunulat – lahat panalo! Pero, siyempre, hindi ito mangyayari kung hindi mahilig magbasa ng aklat maging ang mga namamahala sa ating bansa. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.