“Breakdown in humanity.” ’Yan ang tawag ng isang senador sa pagkamatay ni Kian delos Santos, ang 17-anyos na binatilyong binaril ng mga pulis sa Caloocan habang nagsasagawa ng kampanyang “one- time, big-time” laban sa droga. Binaril siyang “nakaluhod tapos nasubsob“ sa isang madilim na eskinita.
Tinamnan ang bangkay niya ng isang revolver na inilagay sa kanyang kaliwang kamay. Ayon sa kanyang ama, right-handed si Kian.
Kung titingnan, ang simula ng pagkalusaw ng ating pagka-makatao ay simula ng pagdausdos natin sa kahayupan.
Dahil hayop lamang ang babaril sa sentido ng isang nakaluhod na binatilyo. Hayop lamang ang hindi maaantig sa pakiusap ni Kian na “Huwag po, may test po ako bukas.” Mga hayop lamang ang makasisikmurang magpatumba ng 80 suspek sa 3 lugar sa loob ng 4 na araw sa ilalim ng nakapangungutyang bansag na “one-time, big-time,” na parang nakatambyolo ang buhay ng mga tao.
At asal-hayop din ang mga taong hindi naaantig dito.
Totoong isang tagumpay ng sistema ng hustisya ang hatol na “guilty” sa 3 pulis Caloocan. Sa isang banda, ibinabalik nito ang ilang tiwalang naglaho sa katarungan sa ating bansa.
Hindi pa tapos ang laban, ang susunod na yugto: ang pakikipagbuno sa paglimot. Hindi dahil gusto nating manatili ang poot at pagkakawatak-watak.
Hindi lang ito tungkol kay Kian; hindi lang tungkol sa 5,000 pang inaaming namatay sa war vs drugs; hindi lang tungkol sa 15,000 pang hindi inaaming nasawi sa giyera ng pamahalaang Duterte at sa mga vigilante. Ito'y tungkol sa atin– sa kolektibong budhi na tila manhid na sa patayan, gaano man karami.
Habang ginugunita natin ang pagkitil sa buhay ng binatilyong malayo pa sana ang mararating, itinatakwil natin ang madugong pamana ng giyera kontra droga: ang lima-singkong halaga ng buhay, ang pagbibingi-bingihan sa harap ng karahasan, at ang pananahimik sa harap ng paglapastangan ng mga pinapahalagahan natin bilang Kristiyano at komunidad.
Walang 'sing sakit mawalan ng anak na iyong inaruga at iginapang sa pag-aaral. Pero mas masakit isipin na walang hustisya ang kanyang pagkamatay. Maliban kay Kian, marami pang ibang menor-de-edad: sina Althea Barbon, Hideyoshi Kawata, Joshua Cumilang, Carl Arnaiz, Danica Mae Garcia, Francis Mañosca, San Niño Batucan, Kristine Joy Sailog, Jayross Brondial, Michael Diaz, Jonel Segovia, Sonny Espinosa, Angelito Soriano, Angel Fernandez. Ilan lang sila sa mga musmos na biktima ng giyera na ito sa mga aspalto ng Pilipinas.
Mayroong 'di bababa sa 17 tokhang na kasong nakahain sa mga korte. Sana’y maging inspirasyon ang conviction ng mga parak na pumatay kay Kian sa mga pamilya na magpursige. Totoong may mga kasong dekada na ay hindi pa nareresolba at walang matatanaw na bukang-liwayway. Pero lagi nating tandaan, na paminsan-minsan, nagtatagumpay ang hustisya. At habang dumarami ang nahahatulan, lalong nagigising ang mga korte sa damdamin ng mamamayang uhaw sa hustisya.
Sa mga maykaya sa buhay at mulat ang mata sa hirap na dinaranas ng mga pamilyang naghahangad ng hustisya, tumulong tayong pondohan ang ganitong mga pagsisikap. Sa mga abugado, kailangan kayo ng mga pamilya ng mga biktima – kailangan nila ng mga mahuhusay na tagapagtanggol na handang tumanggap ng kaso ng mahihirap, pro bono. At sa midya, huwag nating iwan ang mga kuwento ng malawakang pagyurak sa halaga sa buhay. Ang mga mamamahayag ang megaphone upang buhayin ang alaala nina Kian. #RememberKian. – Rappler.com