Masakit, mahapdi at nakapanlulumo ang hatol ng Sandiganbayan sa kasong plunder ni dating senador Bong Revilla.
Masakit, mahapdi at nakapanlulumo na nauwi sa acquittal ang mahabang pakikibaka kontra korupsiyon. Ito sana ang rurok ng pork tales na nagsimula 6 na taon nang nakalilipas, noong Disyember 19, 2012 nang ikinulong ni Janet Napoles ang pinsan na si Benhur Luy, at humantong sa pag-aresto sa 3 senador: sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile.
Naging mitsa ang pork barrel scam ng pinakamalawak na anti-corruption protest sa Pilipinas matapos ang EDSA Dos, ang Million People March noong Agosto 2013. Malalim ang hugot ng mga Pinoy sa paglilitis ng pork barrel cases. Buhay na buhay pa rin ang kagustuhan nating maparusahan ang mga magnanakaw.
Tinawag ni Asian Institute of Management Policy Director Ronald Mendoza ang pork na "silent killer" ng demokrasya. Ito ang numero unong kalaban ng good governance.
Napaluha, napahagulgol
“Kung si Cardinal Tagle ay napaluha, ako ay napahagulgol,” ang sabi ni Chairperson ng Commission on Audiot (COA) na is Grace Pulido Tan noong Agosto 2013. Tinutukoy niya ang nahalungkat na pandarambong sa Special Audit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), ang pondo ng mga mambabatas para sa mga proyekto.
Ayon sa special audit, ang pork barrel scam ay:
- Humigop mula sa kaban ng bayan sa loob lamang ng 3 taon ng tumataginting na P6.156 bilyon papunta sa 82 kaduda-dudang NGO
- Isang malawak na network ng korupsiyon sa gobyerno na nagsangkot sa 192 na mambabatas
Taong 2007-2009 lamang ang sakop ng audit, na naganap sa panahon ni Gloria Arroyo. Ilang bilyon pa ang nahigop ng iba pang mga fake NGO sa ibang mga taon?
Ilang bagong Napoles na kaya ang sumulpot? Ilang bagong modus na ang naimbentong pamalit sa nabuking na diskarte ng pork barrel scam?
'Consequential ruin'
Ayon kay Associate Justice Maria Theresa Dolores Gomez-Estoesta sa kanyang dissenting opinion, “Malalim ang epektong pagkawasak nito sa lipunan, at maaaring mapawalang-sala ang isang taong akusadong nagnakaw sa kaban ng bayan ng daan-daang milyon." (This consequential ruin runs deep, and may eventually free a man once accused of having conspired in raiding the public treasury to hundreds of millions.)
Ayon sa sumasalungat na kuro-kuro nina Justice Efren de la Cruz at Estoesta:
- Hindi wasto na binigyang halaga ng 3 mahistrado ng Sandiganbayan ang testimonya ng handwritting expert na si Desiderio Pagui na nagpawalang-bisa sa mahabang paper trail ng mga pirma ni Revilla.
- Hindi kapani-paniwalang walang alam si Revilla sa ginagawa ng kanyang staff na si Richard Cambe, samantalang siya ang nagsertipika sa kanyang tauhan.
- Bakit binigyang halaga ang isang witness na bumaligtad na nagsabing si Luy ang nagpeke ng pirma – sa kabila ng dalawa pang testigong nanindigan na pirmado ni Revilla ang mga liham?
- Bakit hindi pinansin o na-“gloss-over” ang report ng Anti-Money Laundering Council o AMLC na tugma ang halagang pumasok sa bank account ng mga korporasyon ng mga Revilla sa ibinigay ni Luy kay Cambe?
'Pekeng pirma'
Mauuso na raw ang depensang “pineke ang pirma ko.” Ang pagpapasa ng sisi sa assistant o chief of staff – matagal nang uso 'yan. Mismong si dating senador Jinggoy Estrada ang nagsabing mukhang mapapadali na rin ang kanyang paglaya.
Ayon sa dating National Scientist at University of the Philippines School of Economics Professor Emeritus Raul Fabella, "Kapag kaiga-igaya ang pandarambong, walang pag-asa ang merkadong maghatid ng pag-unlad. (Where plunder is a virtue, the market has no chance to deliver development.)
Huwag nating kalilimutan na nag-file sina Revilla, Estrada, at Enrile ng certificates of candidacy. Muli silang magbabalik sa poder kung saan umano direktang minaniobra ang malawakang katiwalian.
Tagumpay ng korupsiyon
Pero maliban diyan, isa itong dagok sa pagpapanagot sa mga tiwali at mandarambong. Ano ang mensaheng ipinaaabot ng acquittal sa mga Pilipino? Na tanging mga small-fry lamang ang kayang idiin ng ating sistema ng hustisya?
Na sa Pilipinas, ang mga suspek ay binabaril, ang mga kritiko binubusalan, sinasampahan ng kaso at ikinukulong? Pero ang mga makapangyarihan, lalo na ang mga kaibigan ng Poong Digong ay nakalulusot at muling namamayagpag?
Kung susuriin ang desisyon ng mayoryang mga mahistrado, hindi nila kailanman sinabing inosente si Revilla. Ang sinabi ay ito: hindi napatunayan na guilty siya beyond reasonable doubt. Kaya nga kasama si Bossing Bong sa pinagbabayad na P124.5 milyon.
Kaya't tigilan na ang pagmamalinis at pagpunta sa Imus Cathedral. Huwag na sanang idamay ang Diyos.
Ngayong Araw ng Karapatang Pantao, isang malaking kabuktutan na pinalaya natin ang isa sa mga inakusahang hepe ng sindikatong pork barrel.
Tandaan natin ang araw na ito – Disyembre 7, 2018– nagtagumpay ang mga alagad ng korupsiyon. – Rappler.com