Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Sandali, makikiangkas lang

$
0
0

 Kumuha ako ng apartment malapit sa matandang unibersidad kung saan ako nagtuturo, kaya naglalakad na lang ako papasok sa trabaho, o kaya sumasakay ako sa dyipni na minimum fare lang ang pamasahe kapag medyo nagmamadali. Nagrenta ako sa tinutuluyang apartment dahil sa papalala nang papalala ang daloy ng trapikong, to be fair, hindi naman talaga nagsimula sa rehimeng ito. 

Nagsimula ang metropolis implosion na ito mula pa noong dagsain ng sangkaterbang tao buhat sa iba’t ibang panig ng bansa ang Kalakhang Maynila dahil narito ang sentro ng komersyo, industriya, edukasyon, pamahalaan. Ibig sabihin, noon pa mang itanghal ito bilang kapitolyo at sentro ng bansang kahapis-hapis some centuries ago, nakatakda na itong mangyari, itong pagdagsa, itong pagsisikip, itong suson-susong suliraning panlungsod. Wala nga lang mabisang long-term preemption plan ang mga pulitiko mula noon. Well, hanggang ngayon. Asa pa.

Umuuwi ako noon araw-araw sa dulong bahagi ng Valenzuela, sa Barangay Coloong, just a spitting distance away from Bulacan. Mukhang hindi na Metro Manila ang lugar na tinitirhan ko noon – maganda, malinis, maraming puno, at, walang biro, sariwa ang hangin dahil sa malalawak na palaisdaan. Isa lang ang malaking drawback: matagal ang biyahe kapag papasok ako sa trabaho sa Maynila.

Kung tutuusin, relatively, malapit lang naman ang lugar na inuuwian ko noon. 17.3 kms lang ang distansya, sabi ng Google, sa lugar kung saan ako nagtratrabaho. Mistulang malayo lang dahil sa lumalalang traffic.  

Kapag nagko-commute, mula isang oras at kalahati, naging dalawa, hanggang naging kulang-kulang tatlong oras ang biyahe papunta at pauwi. Mas malala kung rush hour pa, kasabay ng agos ng tao mula sa university belt. 

Wala nang pagsidlan ang LRT kapag rush hour. Walang maghatid na taxi sa akin. Banggitin ko lang na Monumento o Valenzuela ang destinasyon ko, halos matanggal na ang pagkakakabit ng ulo sa leeg ng supladong tsuper kaiiling. Pagod na akong makipagtalo sa mga tsuper. At masakit na ang tumatandang katawan ko pagsabit sa estribo ng dyip. 

Uubusin ang suweldo ko kung nauso na noon ang transport network vehicle service (TNVS) tulad ng Grab tapos kaliwa’t kanan pa ang ginagawang nireretoke at kinukumpuning kalsada lalo kung sasapit ang halalan. (Sa mga kaibigan kong economist, pag-aralan ninyo nga ito: may palagay kasi akong ang Philippine roads and highway system ang pinakamahal sa mundo dahil pauli-ulit na binubungkal at ginagawa, binubungkal at ginagawa, plus corruption in between siyempre.)  

Hindi matapos-tapos at hindi maayos-ayos ang pagawaing bayan; nasa tabi ng kalsada ang mga terminal ng pampublikong sasakyang hintuan nang hintuan kung saan mapagtripan. Nasa kalsada maging ang basketball court o barangay hall! Lagpas na sa kapasidad ang pampublikong tren. Dahil sa pagod at nilulustay na oras kabibiyahe, napundi ako.

Kumuha ako ng apartment at ito ang isa sa pinakamagandang desisyon ko sa buhay.

Kampante na ako mula noon, hindi nag-aalala kung male-late. Depende sa bilis ng hakbang at tagaktak ng pawis ang oras ng dating.  

Pero siyempre, may ibang pangangailangan ang trabaho ko. Kailangang lumabas sa campus paminsan-minsan, kailangang makipag-meeting o may natanguang kompromiso sa Kalakhang Maynila. Kailangan ko ring umuwi sa probinsya kapag weekend. Nang mauso ang TNVS, naging maginhawa ang biyahe basta may pambayad. Makati to Pasay? Coloong, Valenzuela, to Sampaloc? Suwabe.

Pero naging monopolyo ng nag-iisang kompanya ang TNVS sa bansa. Naging extortionate na ang dati nang mahal na pamasahe. Kulang na lang, ipambayad ko ang pamana ko sa mga anak ko. Pero, at least, may pagpipilian. Tatangkilikin ba o hindi? Depende sa pagmamadali.

Hanggang dumating ang Angkas.

Dahil nga naglalakad lang naman ako papasok sa trabaho, lilimang beses kong nagamit ang Angkas app. Hindi ako matatawag na suki. Pero sa limang pagkakataong ito – rush hour, sentro ng traffic ang pupuntahan ko, nagmamadali, maraming pasahero at walang masakyan – naging mabuti ang pakikitungo sa akin ng Angkas. Walang dugyot na helmet. Hindi ako naaksidente (buhay pa naman ako, heto nga’t nagta-type ng artikulo). 

Maraming tumatangkilik sa Angkas. Kung kakaunti kasi, hindi naman lolobo sa dami ang namamasada at sumasakay, o ang nakikiangkas. Sa bawat paghinto, makikita ko ang mga motorsiklong may kani-kaniyang angkas na nai-book sa Angkas dahil sa pamilyar na helmet at jacket ng tsuper. Naging parang brotherhood of sorts ang pagsakay sa Angkas lalo’t nasa harap kami ng crossing at naghihintay magberde ang stoplight. Tanguan, kaway-kaway ang mga aping pasahero. 

Marami akong planong puntahan na Angkas ang balak kong sakyan. Lalo ngayong marami akong naikompromisong daluhan: mga meeting, mga Christmas party, reunion, kuwentuhan. Lalo ngayong parang karaniwang balita na ang hindi gumagalaw ang mga sasakyan sa highway. Ang lakas ng loob kong umoo sa mga imbitasyon dahil hindi ako takot umangkas sa motor. Hanggang, bad trip, masuspinde muli ang Angkas.  

Napakapersonal ng dahilan ko that borders on pagiging madamot: convenience ko sa pagbiyahe, na hindi rin naman araw-araw. Hindi pa nga ako umaabot sa kung ilan ba ang mawawalan ng trabaho sanhi ng pagpapatigil sa biyahe. O kung ilan ang sasabay muli sa dyipni, delikadong bus, papalya-palyang tren. Kung ilang libo na naman ang mapapabilang sa estadistika ng mga tambay o nawalan ng trabaho dahil laging absent o late.

Well, hindi na ako makikihalong kalamay, wala akong maihahaing malawakan at fool-proof na solusyon maliban sa remedyo siguro sa nadadaanan ko araw-araw mula sa apartment ko hanggang unibersidad. Na sana ay may pantay-pantay na pagpapatupad sa batas. Hindi lang iyong sa usapin ng Angkas. Linisin rin sana ang kalsada sa ilegal na parking, ilegal na terminal, at tindahan. Unahing kaltukan si kapitan ng barangay na hinihikayat ang mga ilegal na gawaing ito.  

Nariyan naman ang mga ordinansa at batas hinggil sa kalsadang naging parking lot, mga ilegal na terminal, mga estruktura tulad ng barangay hall at basketball court. Pero bakit hindi magawa? Nagde-deliver ang kunsintidor na kapitan ng mga boto para kay meyor pagdating ng eleksyon, at si meyor, nagko-commit kay senador na may ganitong bilang siya ng boto buhat sa lungsod o distrito. Huwag lang galawin ang nagpapasikip sa trapiko. Gets? 

Ano ba naman ang pakialam nila sa “napadaan” lang na pasaherong hindi nila botante? Bukod sa aberyang maging biktima ng lumalalang daloy ng trapiko (well, hindi na talaga daloy, more of like patak na lang, patak ng trapiko), ang mahalaga, hindi sila makaboboto sa kung sino ang may sala sa paglala ng biyahe sa lungsod.

Milyon-milyong pasahero ang napepeste ng tila walang solusyong traffic gridlock sa metropolis sa bansa bawat oras, lalo ngayong panahon ng kaliwa’t kanang konsumerismo at party at reunion. Pero huwag umasa sa mabisang solusyon ngayon dahil hindi pa rin naman nagkakaisa ang mga commuter, ni ang mga agrabyado ring tsuper. Hangga’t ang angal ng karamihan sa atin ay pang-hashtag, meme, o status lang sa social media. Hangga’t ang pag-unawa sa usaping ito ay para lang sa pansariling kapakanan. Dahil kung magkakaisa tayo sa pagkilos, maging block-voting, halimbawa, ang lahat ng commuter at tsuper na napeste ng trapiko, malamang, aaksiyunan agad ito ng mga pulitikong walang hinangad kung hindi manatili sa kapangyarihan at puwesto. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.  

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>