Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Kung saan na naghahalo ang balat sa tinalupan

$
0
0

Ang dami nating nalaman, hindi lang natin alam kung may napala tayo, huwag nang pag-usapan pa kung tumalino. Basta. Mistulang payapa na ang lahat. Hanggang sa susunod na pagsambulat ng panibagong isyu, produkto man ito ng viral video o nakatuwaang sabihin ng ating pangulo. 

***

Payapa na ang lahat sa news feed ko. Hupa na ang talakayan at batuhan ng opinyon, may sustansya man o wala, tungkol sa usapin ng pambu-bully. Walang masyadong murahan lately sa Palace front. Pagbabanta, oo, pero hindi na ito bago tulad ng patayan at karahasan sa bansa. Isipin mo muli, hindi na bago ang patayan at karahasan sa bansa. 

May nag-aalburotong bulkan, may sama ng panahon sa Visayas sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon. Tingnan mo naman ang news feed mo, pansinin, mga masasayang alaala na lamang ng Pasko, mga naglakihang baywang, retrato ng palaro at inuman, nagtaasang timbang. Dumadalas na ang mga pulitikong epal na bumabayad na rin ngayon sa social media para sa sansegundong pansin mo sa kara niyang retokado. Paalala, pwede mong i-unfollow, i-block, o hide-ad ang mga walang hiya.

Ang daming naglipanang balita at meme ng bago nating beauty queen na nag-unite sa bansa natin kamakailan kahit panandalian. Maraming mumunting rebyu ng palabas na pelikulang maglulundo lang naman hindi sa kalidad kung hindi sa kung ano ang pinakatinangkilik kaya pinakamalakas magkamal ng pera.

Ano ba naman ‘yang best actor o actress? Best cinematography? Musical score? Best screenplay at story? Ang pinakamahalaga dahil sa ibibigay na atensyon ay kung anong pelikula ang nagpanhik ng daan-daang milyong halaga ng napamaskuhan sa kaban ng namuhunan. 

As usual, magra-run-down ang mga media outlet ng pinakamalalaking istorya ng 2018, mga year ender, mga year-in-review, mga namatay o naging kontrobersyal na personalidad. At magtataka ka kapag nabasa mo, ngayon taon pala lahat nangyari ‘yan? Parang ang tagal-tagal na. Matagal nang lumipas. Parang ang dami-dami nang nangyari. Na totoo naman. Maliban sa pare-parehong isang taon lang ang pananda. Na sa dami, akala mo lumang-luma. 

Ang dami nating nalaman, hindi lang natin alam kung may napala tayo, huwag nang pag-usapan pa kung tumalino. Basta. Mistulang payapa na ang lahat. Hanggang sa susunod na pagsambulat ng panibagong isyu, produkto man ito ng viral video o nakatuwaang sabihin ng ating pangulo.

***

Sa taong ito, 2018, higit kailanman, naging lubhang kritikal ang ginampanan ng social media para sa daily dose ng impormasyon (at disimpormasyon) ng marami sa atin. Sa kabuuan ng isang taon, gumugol ang karaniwang gadget-toting Pinoy ng humigit kumulang sa dalawang buwan para lamang kalikutin ang kaniyang social media account. Sa nakaraang tatlong taon, nangunguna lagi tayo sa mundo sa pagsusunog ng oras sa social media. #PinoyPride.

Kaya naman bago natin ibasura ang lumang kalendaryo, nais ko munang hikayatin kayong magnilay hinggil sa kakayahan ng platform na, madalas, naghahalo ang balat sa tinalupan. Ang social media.

Hindi lahat ng nababasa mo sa social media ay totoo kahit pa mukhang totoong-totoo. Maraming sinasadyang manloko. Halimbawa ang kumalat na address ng kawawang pamilya na pinadalhan ng kung sino-sino ng kung ano-ano sa pag-aakalang sila ang pamilya ng na-kick-out (pun unintended) na estudyante ng Ateneo.

Narito ang Rappler para tulungan kang tuklasin ang totoo sa hindi, lalo iyong mga nag-viral o pinag-viral dahil pinutakti ng share ng mga pulitikal na grupong naghahasik ng kamalian at lagim.

Sa social media, hindi dahil ni-like mo ang status ay gusto mo talaga. Dahil pwedeng napilitan ka lang. Pwedeng nagpa-like lang kung beaucon ang pinag-uusapan. Pwede rin naman tinakot ka para mag-like ng iyong minamahal. Ganoon din sana ang turing mo sa mga nagla-like sa post mo. Tandaan, hindi kayang ikahon ng emoticon ang tunay na nararamdaman ng isang tao sa dulo ng gadget na nakatunghay sa status mo.  

Sa mekanikal at  predictable na paggamit natin, mas kilala pa tayo ng kompanya ng social media kesa sa pagkakakilala natin sa ating sarili.

On an average, gumugugol tayo ng kulang-kulang 4 na oras araw-araw sa social media. May tiyak na oras kung kailan tayo dumudutdot sa ating mga gadget. Alam ng social media kung tayo ay tulog. Kung ano ang madalas nating i-search sa search engine. Lahat ng ito ay nag-aambag sa nabubuong personalidad ng social media tungkol sa atin. Oo, isama pa dito ang kakayahan ng Facebook na makilala ka sa larawan. Hello, auto-tagging. 

Saan tayo nagpunta? Status. Ano ang kinain? Status. May bago bang biniling gamit? Status. Na-promote? May bagong karelasyon? Bagong bahay, bagong trabaho, bagong kagamitan, bagong libangan, status. At ang naiipong impormasyon o data hinggil sa atin ang nagiging batayan ng social media para bigyan pa tayo sa ating news feed ng mga kahihiligan pa natin. 

Kaya nga may bias naman talaga ang social media lalo na iyong lumalabas sa news feed. Kung ano ang hilig ko, bisyo ko, pinagkakaabalahan ko, iyong ang karaniwang idinudulot sa akin ng Facebook.  

Ilan lamang ito sa dapat pagnilayan ng birtwal na pagkatao natin sa pagpasok ng bagong taon. Lalo ngayong napapanahon na naman ang mahahabang break at pulo-pulong family at class reunion.  

***

Speaking of class reunion, may pinuntahan ako noong nagdaang linggo sa Panghulo, Obando, Bulacan. Well, mini-class reunion lang talaga dahil parang get-together lang ng high school batch 1993 ng Colegio De San Pascual Baylon (CSPB) ang nangyari. Iilan lang kaming nagkita-kita kahit pa daan-daan ang nagtapos sa taong iyan.

Ilang dekada ring hindi ko nakita ang mga dati kong kaklase noong high school. At tulad ng inaasahan ko, maraming nagtagumpay sa kani-kanilang propesyon at buhay, may mga matataas ang katungkulan sa mga kompanya (kung hindi man pag-aari nila ang mismong kompanya!), may mga naglilingkod na sa bayan ng Obando bilang, ehem, pulitiko.

Ngunit sa kabila nito, walang pagmamalaki. High school demeanor pa rin. Masaya, may kulitan, oo, pero walang epal o hambog. O hindi lang nakadalo ang maaangas noon? He he.

Espesyal na pasasalamat ang ipinaabot ko sa mga mapagkumbabang "ka-batch" kong sina Arby Bartolome-Gonzalez, Cherry Mendoza, Jett Ventura, Sherwin Sta Maria, Cecille Sevilla, Jeffrey Espiritu, sa mag-asawang Donna at Angelito Agustin, kay Neil Milad, at marami pang ibang kinikilala na ngayon hindi lang sa Obando, Bulacan kung hindi sa kanilang industriya at propesyon dito at sa ibang bansa.  

Tinatawag ko silang "ka-batch" dahil hindi naman talaga ako nagtapos sa CSPB. Nawala ako (o naalis o tinanggal o lumipat, depende sa kung sino ang tatanungin) sa paaralang iyon dahil sa isang insidenteng, well, bunga ng kapusukan ko bilang estudyante, partikular noong second year high school. Pero hindi sila nagdalawang-isip na imbitahan ako bilang "adopted batchmate" ng CSPB Batch 1993.

Kaya sa kabila ng naglakihang sukat ng baywang, nagluslusang balat, nawala na sa kalendaryong edad, nagbalik ako sa aking kabataan sa maliit na bayan sa Bulacan.

Hangad ko ang matagumpay, payapa, at hindi maghalong balat sa tinalupang 2019 sa lahat.  – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>