Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Dekalogo ng pamamahala para sa henerasyong milenyal

$
0
0

  

Nitong Disyembre, pinalad akong makadalo sa ika-25 anibersaryo ng Gawad Felicisimo T. San Luis para sa Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna. Taon-taon, halos 50 kabataan ang binibigyang parangal ng Gawad Laguna Incorporated bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at natatanging kontribusyon sa komunidad, at sa kanilang potensiyal na maging epektibong pinuno sa hinaharap. Ang Gawad San Luis ay isa sa mga una, iilan, at pinakamatagal na programang humuhubog sa mga lider-kabataan sa antas na panlalawigan.

Sino ba si Gobernador San Luis? Mula 1960 hanggang sa kanyang pagyao noong 1992, siya ang pinakamatagal na punong-lalawigan ng Laguna. Sa kanyang panunungkulan nasaksihan ang matinding pag-angat ng lalawigan. Nagpatupad siya ng iba't ibang programang pangkabuhayan na naglalayong paliitin ang agwat ng kakaunting mayroon at napakaraming wala. Dahil sa mga proyektong ito, si Gobernador San Luis ay lubos na pinagkatiwalaan at minahal ng mga Lagunense sa loob ng 33 taon.

Ang Gawad San Luis ay itinayo ng kanyang maybahay na si Ginang Felicidad Sagalongos San Luis, na kinikilalang Ina ng Lalawigan ng Laguna. Bantog si Ginang San Luis sa kanyang pagsisikap na pasiglahin ang buhay-kultural ng lalawigan. Dating propesor ng wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, siya ay ang tanyag na awtor ng Diksyunaryong Ingles-Filipino/Filipino-Ingles at tagasalin sa Filipino ng Ang Propeta ni Khalil Gibran.

Nang namatay ang gobernador, sinigurado ni Ginang San Luis na mapalaganap ang mga adhikain ni Gobernador San Luis sa susunod na henerasyon. Ang programang kanyang dinesenyo ay hindi lamang nagtatapos sa 6 na buwang proseso – ang bawat nominado ay nagiging kabilang sa isang aktibong samahan ng mga lider-kabataan mula sa iba't ibang bayan at lungsod ng Laguna.

Mula 1993 hanggang sa kasalukuyan, ang Gawad San Luis ay nagbunga ng halos 1,000 kabataang mula sa 4 na kategorya: mataas na paaralan, kolehiyo, wala sa paaralan, at propesyonal. Marami ang naging lider sa kanikanilang larangan. May ilan na rin na sumunod sa yapak ni Gobernador San Luis sa pulitika, tulad ng kasalukuyang bise gobernador ng Laguna na si Karen Agapay, provincial board member na si Ruth Mariano, at alkalde ng bayan ng Pakil na si Vincent Soriano. Umaasa ang pamilyang Gawad na, sa darating na panahon, sisibol ang mga kabataang Lagunenseng lalahok sa pulitikang pambansa.

Tila nanumbalik sa akin, bilang isang alumnus, ang mga alaala mula noong ako ay nasa mataas na paaralan pa. Noong 2005, lumahok ako sa prosesong Gawad at pinangalanang isa sa 10 na Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna. Hindi ko man maaaring ikuwento nang detalyado ang mga aktibidades ng proseso, masasabi kong marami akong natutunan bilang isang kabataang lider tungkol sa pagkilala sa sarili, pakikipagkapwa-tao, paglilingkod sa pamayanan, at pati na rin ang paggalang sa Inang Kalikasan.

Isa sa mga tampok ng Araw ng Parangal ay ang sabayang pagbigkas ng "Dekalogo ng Pamamahala" ni Gobernador San Luis. Tulad ng mga dekalogo nina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, ito ay nagsusuma sa mga adhikain ni Gobernador San Luis patungkol sa matapat na pamumuno. Si Ginang San Luis ang nagbalangkas ng dekalogo batay sa mga talumpating binigkas ng yumaong gobernador.

MGA NAGWAGI. Si Felicidad San Luis (dulong kaliwa) kasama ang iba pang opisyal ng Gawad San Luis at mga ginawarang Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna para sa taong 2018. Larawang kuha ni Renzo Guinto

Natapos man ang 2018 ay malayo pa sa wakas ang mga suliraning panlipunan at isyung pampulitikang ating kinakaharap. At dahil papalapit na ang halalan ngayong 2019, ang "Dekalogo ng Pamamahala" ay higit na napapanahon. Binalikan ko ang mga paborito kong linya mula sa dokumentong ito.

Ang kapangyarihan ng Punong-Lalawigan ay galing sa bayan, samakatuwid, di dapat kumilala ng utang na loob ang tao sa paggamit ng kapangyarihang ito, bagkus ang pinuno ang siyang dapat kumilala ng utang na loob sapagkat siya ang pansamantalang pinagkakatiwalaan ng kapangyarihang ito. Kung gayon, dapat gamitin niya ang kapangyarihang ito sa kagalingan, hindi ng partidong kanyang kinaaniban o ng mga taong sumama sa kanya sa panahon ng halalan kundi sa kagalingan ng lahat ng mamamayan, kakampi man o kalaban.

Lider ng tao at hindi lider-politiko sa pahayagan ang kailangan ng sambayanan. Lider na hindi iniisip ang kapakanang pansarili kundi ang kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan.

Habang tumataas sa kapangyarihang bigay ng bayan, ay lalong higit na dapat magpakumbaba, sapagkat batay sa karanasan, ito lamang ang paraan upang ang kapangyarihan ay huwag lumango sa nagtataglay nito, huwag maging kasangkapan ng paniniil, kundi maging kasangkapan ng matapat na paglilingkod, pagkakakawang-gawa, pag-ibig at pagmamahal sa kapwa.

Sa aking paglalakbay bilang kabataang lider, marami akong natutunang teorya at nabasang aklat tungkol sa matuwid na pamumuno. Ngunit masasabi ko na ang "Dekalogo ng Pamamahala" ay nananatiling isang mabisang panuntunan na, bagamat isinabuhay ng gobernador ilang dekada man ang nakalipas, ay akmang-akma pa rin sa panahon ng henerasyong milenyal.

Naabot man ng Gawad San Luis ang anibersaryong pilak, hindi pa rin nagtatapos ang natatanging paglalakbay na ito. Marami pa rin ang lugmok sa hirap at laganap pa rin ang korupsiyon sa pamahalaan. At may mga bagong pagsubok tayong kinakaharap dahil sa bagong teknolohiya at pagkasira ng kalikasan. Ang bagong estilo ng pamumuno ay higit na kinakailangan. 'Ika nga ni Ginang San Luis:

Magwawakas lamang ang kasaysayan ng "Buhay na Alamat ng Laguna" sa pagsilang ng mga bagong San Luis sa katauhan ng sinumang may isip at damdamin para sa masa, may pamumunong tapat at dinamiko, at may matatag na pananalig sa kakayahang kaloob ng Maykapal na maiangat ang kamulatan at buhay ng mamamayan ng lalawigan at bansa.

Mabuhay ang Gawad San Luis! Mabuhay ang kabataan ng Laguna at ng bansang Pilipinas! – Rappler.com

Si Renzo Guinto (@RenzoGuinto) ay isang manggagamot na nagtatapos ng doktorado sa pampublikong kalusugan sa Harvard University sa Estados Unidos. Isa siya sa mga Namumukod-Tanging Kabataan ng Laguna noong 2005. Kung interesadong makilahok o makatulong sa gawain ng Gawad Laguna Incorporated, maaaring sulatan ang may-akda sa kanyang website.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>