Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Ang silbi ng social media troll

$
0
0

  

 Nitong nagdaang araw, naglabas ng statement ang Facebook hinggil sa ginawa nilang pag-ban sa isang marketing group na nakabase sa ating bansa. Hindi ang mismong marketing group ang na-ban kung hindi ang mga FB at Instagram accounts na mina-manage ng grupo; FB pages na may milyon-milyong followers na sabay-sabay nagse-share ng balita, or what it resembles, mula sa website na sila rin ang tumitirada ng content. 

Na-ban ang mga nasabing pages at accounts dahil daw “based on the behavior of these actors who repeatedly violated our misrepresentation and spam policies, rather than on the type of content they were posting.”   

Sinabi ng Facebook na mayroong pang-aabuso sa platform. At nagbabala pa ang Facebook na hindi pa nagtatapos ang purging ng abusadong pages at accounts sa kanilang platform: “[We are continuously working to] uncover this kind of abuse, and we know that the people behind it – whether economically- or politically-motivated – will continue to evolve their tactics.”  

Asahan pa ang patuloy na hakbang ng Facebook para masawata ang “bad actors from abusing [our] platform.” Patuloy daw silang magbabantay, katunayan nito ang pagbibigay diin sa “safety and security in order to ensure that people can continue to trust the connections they make on Facebook.” 

Dahil, sa totoo lang, gaya ng sa tao na madalas hindi totoo ang sinasabi lalo na of the government official kind, nababawasan o tuluyang nawawala ang integridad ng isang platform na pinuputakti ng pekeng impormasyon at pekeng account na walang humpay sa pagdada o pagpapakalat ng maling impormasyon.  

Case in point? Tunghayan ang mga comment box ng mga balitang may kinalaman sa pulitika. Ang lakas makakondisyon na ang opinyon ng marami – lalo na iyong mga troll – sa isang social media comment thread, gaano man kawalang sustansiya, ay opinyon ng tunay na tao, ng maraming tao. Hindi birtwal, lalong hindi pineke, o account na pinalago nang pinalago – pinag-viral – ng mga gaya ng inaalagaang accounts ng mga tirador. Na ipinasara nga ni Facebook. 

Huwag ka nang lumayo. Dito na lang sa Rappler, sandamukal ang troll. Troll, na ayon sa Urban Dictionary ay iyong mga tao na mayroon laging “random unsolicited and/or controversial comments on various internet forums with the intent to provoke an emotional knee jerk reaction from unsuspecting readers to engage in a fight or argument.” Na, siyempre, mistulang trabaho na nila.   

Binalatan na noon pa ng Rappler kung ano at sino ang nasa likod ng grupong tinukoy ng Facebook at kung paano umiiral ang kompanya kasama na ang masasabing business model nito, kung matatawag ngang business model.

Pero bakit ba kasi ibinabalita pa ito?

Well, kung hindi ka kabilang sa mahigit 30 milyong nagmamay-ari ng isa o higit pang Facebook account dito sa ating bansa, puwede nang wala kang pakialam. Pero the mere fact na nabasa mo ang artikulong ito sa kung saang ligaw na news feed, may malaking tsansang kabilang ka sa marurubdob na Filipino na lubos na nangangalaga sa kanilang account. Sa rubdob na ito kaya ang dali mong ma-provoke ng troll. Kaya naman nag-uukol tayo ng mahabang oras, kulang kulang apat na oras, na iniuukol sa pagso-social media. 

Kaya hindi lang ito simpleng usapin ng pagsasara ng mga tagapagpalaganap ng jafeyk na impormasyon. Marami nang namemeke ng impormasyon noon pa mang hindi uso ang social o digital media. Ang mas malaking usapin ay hindi ang pamemeke, lalo’t alam naman natin na sinasadyang pekein ang balita o impormasyon. Ang mas malaking usapin ay dahil maraming naniniwala sa pineke o retokadong impormasyon.  

Maraming nagpapatangay dahil sa kanikanilang bias sa pulitika, kaya tinatanggap nila nang hook, line, and sinker ang impormasyon bilang katotohanan. Oo, sa nagmamadaling mundo ng social media, bihira ang nagninilay, bihira ang nag-iisip, bihira ang magtatanong muna sa sarili kung nakabatay sa katotohanan ang binabasa o hindi.  

Kaya napakagaling manloko ng mga tao, o in this case, kompanya, na mistulang ginawang propesyon at industriya ang panlilinlang sa mga tao na marurupok ang sentido komun.

***

Kamakailan, muli na naman akong naanyayahan bilang judge sa Regional Higher Education Press Conference ng Rehiyon 4-A na ginanap sa lungsod ng Lucena sa lalawigan ng Quezon. Pasimuno ng timpalak sa pagsulat at pamamahayag ang Association of Tertiary Press Advisers of Southern Tagalog Incorporated na pinamumunuan ni Dr Cynthia Manalo at Professor Mely Placino.

Ilan sa mga nakasama kong media personality sa nasabing kumperensiya bilang mga kapwa ko judge ay sina Joel Pablo Salud, ang kasalukuyang editor-in-chief ng Philippines Graphic Magazine; ang chief photog ng Philippine Daily Inquirer na si Rem Zamora; at ang komiks rockstar na si Manix Abrera.  

Nagsama sa event na ito ang humigit kumulang 500 kabataang mag-aaral sa kolehiyo ng Katimugang Luzon para makipagtagisan ng galing sa pamamahayag at pagsusulat. 

Ang mga kabataang ito ay pawang kabilang sa kanikanilang publikasyon sa kolehiyo at unibersidad na nais subukan ang kanilang galing kung ihahahambing sa ibang mag-aaral. Dahil ano ba? Hindi ba’t ang kompetisyon ay paghahambing naman talaga sa kakayahan ng bawat isa? 

Naatasan ang inyong lingkod na maging hurado sa pagsulat ng tula, artikulo sa isports, at lathalain o features sa parehong Ingles at Filipino. Ang unang 5 nagkamit ng puwesto ay lalaban naman bilang kinatawan ng Rehiyon 4-A sa Luzonwide Higher Education Press Conference kung kailan magtatagisan naman ang pinakamagagaling na mag-aaral ng bawat rehiyon sa Luzon. Gaganapin naman ito sa Marso sa San Fernando, Pampanga.

Sa ilang taon ng pagiging hurado ko sa taunang kompetisyon na ito, nakatutuwang sabihin na marami sa nagsipagwagi ay naging magagaling na manunulat. May mga nagkamit pa ng premyo sa Palanca, may nalathala sa malalaking pahayagan, hinahangaan nang spoken word artist, at iba pang kahalintulad na karera sa pamamahayag at pagsulat. 

Pinangunahan ng mag-aaral na si Marjun Rayos mula sa Batangas State University ang pagsulat ng tula sa Filipino. Sa Ingles, namayagpag ang galing ni Vanesa Mae Antony mula naman sa Laguna State Polytechnic University-Sta. Cruz campus. 

Sa larangan ng pamamahayag sa isports sa Filipino, umangat ang obra ni Ken Alvarez buhat sa Southern Luzon State University-Tiaong campus. Sa Ingles, sinungkit ni Nelson Llanes ng University of Batangas-Lipa campus ang unang gantimpala. 

Itinanghal namang pinakamagaling ang lathalaing Ingles na isinulat ni Jerome Grabriel Aguilar buhat sa University of Perpetual Help-Molino. Sa lathalain sa Filipino, kinuha ni Venedict Miguel ng Lyceum of the Philippines University-Batangas ang unang gantimpala. 

Kasama sila sa delegasyon ng Region 4-A na sasabak sa Pampanga laban sa 6 na iba pang rehiyon ng Luzon. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>