Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Patahimikin ang mga baril sa Mindanao

$
0
0

Nagbabadya raw ang pagbabago sa Kamindanawan. Maaari itong ihambing sa pagpapatalsik ng isang diktador, o pagpanalo ng isang dark horse sa eleksyong dating kinokopo ng mayayaman at lumang apelyido. Mas higit pa nga.

Dahil ito’y pagbabagong magtutuwid sa “historical injustice” na kasintanda ng kolonisasyon ng España sa Pilipinas. Simula’t sapul, nanindigan ang Bangsamoro laban sa mga banyagang mananakop ngunit ‘di nila nakamit ang karapatang itakda ang sariling tadhana.

Lagi na lang, ang Mindanao ay lupain ng nabigong pangakong kapayapaan at pag-unlad.

Sa halip, naging realidad nito ang giyera. Sa loob ng 4 na dekada, tinatantiyang umabot sa 150,000 ang nasawi, P640 bilyon ang nasayang sa ekonomiya, at 3.5 milyong tao ang naging bakwit sa lupang tinubuan. (PANOORIN: War came to Mindanao)

Tadtad ng sigalot ang kasaysayan ng Mindanao: mula sa pagdagsa ng mga dayong Kristiyano na humantong sa pagiging minorya ng mga Muslim, hanggang sa pulitikal na karahasang kumitil ng buhay ng mga Muslim tulad ng Jabidah massacre, hanggang sa pag-usbong ng rebelyong nakaugat sa ilang siglong pang-aapi at maling pamumuno.

Sa inaasahang pag-iral ng BOL, dala nito ang pag-asang bibitawan na ng mga rebelde ang armas kapalit ng bolpen upang magpatakbo ng gobyerno, magbigay serbisyo publiko, at mamahala ng kabang yaman.

Dati nang nabigo ang pinunong rebelde na si Nur Misuari sa higanteng responsibilidad na ito. Napag-iwanan ang ARMM na ngayon ay isa sa pinakamahirap na rehiyon sa Mindanao. 

Ang hamon sa Moro Islamic Liberation Front at sa mga tumatanda nitong mga combatant ay itransporma ang sarili mula sa isang puwersang rebelde sa isang puwersang pangkabuhayan at pamunuan. 

Ang hamon naman sa mga Kristiyano at Muslim na stakeholders sa BARMM, pati na rin ang mga bumoto ng “no”: kalingain ang kapayapaan at huwag hayaang agawin ng makasariling interes ang bagong bukang-liwayway. 

Ngayong Lunes, ika-21 ng Enero, bumoboto sa isang plebesito ang mga taga-Bangsamoro region. Ito ang inaasahang papalit sa nabigong eksperimento ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. Bumoboto sila kung sang-ayon sila sa pagbubuo ng Bangsamoro Organic Law na magtataguyod sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM. 

Higit pa rito, bumoboto sila para sa kanilang kinabukasan. Bumoboto sila para sa kapayapaan.

Dahil mananahimik na ang mga baril, wala nang lalayas sa sariling tahanan upang umiwas sa bala. Wala nang baryong maglalagablab sa apoy. Walang nang barilang pupunit sa katahimikan, araw, at gabi. 

Kapag nanahimik ang mga baril, maitatayo na ang mas maraming paaralan at palaruan; mailalatag na ang mas maraming kalyeng magbibigay daan sa mas maraming negosyong lilikha ng mas maraming trabaho. Matutupad na ang pangako ng paraiso. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>