Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Sagipin natin ang mga bata

$
0
0

Ilang araw pa lang ang nakalilipas mula nang bumigay ang mga mambabatas sa harap ng masigabong pagtutol sa pagbaba ng edad ng criminal liablity sa 9 anyos mula 15 anyos. 

Umatras ang mga mambabatas sa posisyon nilang ikulong ang mga 9 na taong gulang. Pero sa tingin ba talaga nila mas nasa wastong pag-iisip ang 12 anyos para maging criminally responsible? 

Tinawag ito ng UNICEF Philippines na “act of violence" laban sa mga bata.

Maraming kahinaaan ang umiiral na Republic Act (RA) 10630, pero implementasyon ang problema at hindi ang diwa ng rehabilitasyon na siyang buod nito.

Ayon sa mga psychologist, wala sa mga teenager ang ganap na kakayanang makapagdesisyon nang tuwid, 'di pa nila kayang kontrolin ang pagiging padalos-dalos at mapusok, at 'di nila kayang arukin ang masamang epekto ng kanilang mga ginagawa.

Ayon sa mga pag-aaral, nagma-mature ang mga adolescents pag sapit ng 16 na taon. Kaya nga hindi hinahayaang magmaneho ang mga batang 15 taon pababa sa ibang bansa. Pero sa Pilipinas, puwede na silang ikalaboso.

Isang bagay pang nagpapakumplika ng sitwasyon ng bata: ang kultura ng kahirapan. (BASAHIN: Part 1 Beyond juvenile delinquency: Why children break the law; Part 2 When 'Houses of Hope' fail children in conflict with the law; Part 3 Children in conflict with the law: Cracks in Juvenile Justice Act)

Ano ba ang profile ng batang kriminal sa Pilipinas? Una, siya ay mahirap, pangalawa, maaga siyang nasadlak sa mapapait na mga karanasan, at pangatlo, exposed siya sa kriminalidad.

Nakapanlulumo na dalawang beses magiging biktima ang mga bata: Hindi na nga sila sinagip ng sistema mula sa kahirapan, pero ngayon, ituturing pa silang kriminal kahit pinagsamantalahan o pinabayaan ng matatanda. (BASAHIN: Criminalization is not what we owe our children)

Kumplikado ang problema ng kriminalidad sa hanay ng kabataan. Kailangan nito ng malawak, malalim, sensitibo at matalinong pag-atake sa problema – hindi sinturong lalatay sa balat o martilyong babasag sa bungo ng mga musmos.  (BASAHIN: Why jailing kids is not just cruel, it’s stupid too)

Tunay na may mga batang nakagawa ng karumaldumal na mga krimen, pero solusyon ba rito ang panukalang batas ng mga galamay ni Pangulong Rodrigo Duterte na lantarang nagsasabing "sumusunod lamang sila sa gusto ng Pangulo"?

Tulad ng tugon ng administrasyong Duterte sa iligal na droga, kamay na bakal din ang sagot nito sa mga batang napariwara. Tulad ni Kian delos Santos, ang kabataan na naman ang biktima ng pagpapapogi ng isang pinunong walang amor sa karapatang pantao.

Bakit pinupuntirya ang kabataang walang boses sa lipunan? Bakit hindi unahin ang kurap at tiwali at mga nagmamanipula sa mga batang maging kriminal?

Ito ang paninindigan ng Rappler sa pagbababa ng age of criminal responsibility:

  • Hindi "little adult" ang mga musmos. 
  • Hindi bababa ang crime rate kapag ikinulong ang mga bata.
  • Hindi nito mapipigilan ang paggamit sa mga bata sa krimen.
  • Higit sa lahat, ang bilangguan ay hindi para sa mga bata.

Malupit, marahas, ’di makatarungan at ‘di makatao ang panukalang ibaba sa 12 anyos ang criminal liability. 

Muli na namang pinatunayan ni Duterte, sampu ng mga kampon niya sa Kongreso, na ang pamumuno nila'y walang puso. – Rappler.com


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>