Puwede ring ka-Facebook or ka-Twitter, kung doon mo lang sa espasyong birtwal na iyon nakakaugnayan ang iyong ka-social media. At marami ito. Laganap. Napakadaling magkaroon. Napakadaling magparami. Friend request lang, send or accept. Sa iba, ang modus ay bilang ng common friends. Kapag na-meet ang numero ng common friends, accept or send friend request. Puwede ring sa hitsura ng profile picture. O, sa dami ng lamang status ng wall, meaning organic at hindi paid troll. Basta maraming parameters ng pagtanggap sa ka-social media.
Matapos ang birtwal na pagtanggap bilang ka-social media, nakaka-like mo na siya o nagse-share na ng status mo. Makikita mo na rin siya at kung anumang status niya sa news feed. Minsan, kung medyo pangahas, nagko-comment siya sa iyo. Nagbibigay ng opinyon sa post o status mo kahit hindi hingin. Nakikipagtalo. Nakikipag-away. Kung sablay ang pangangatuwiran, o hindi tuwid (dahil “tuwid” ang salitang-ugat ng pangangatuwiran), ia-unfollow o ia-unfriend mo. Kung tahasan, blocked. Natatapos nang ganoon ang life cycle ng ka-social media. Mabilis. Mapanghusga.
Pero pambihira ang ganitong judgmental attention lalo’t libo-libo na ang ka-social media mo. Lalo kung naka-public ang status, gaya ng madalas kong gawin, at nakabukas ang comment option kahit kaninong kakilala mo talaga, o ka-social media lang, o worse, troll. Hindi na mapapansin. Hindi na matatandaaan. Hindi na – at ito ang parikala ng virtual friendship – hindi na makikilala pa nang lubusan. Naglaho sa virtual thin air.
Ka-social media. Sa wika at kulturang Filipino, ang pagdaragdag ng unlapi o prefix na “ka–” ay nangangahulugan ng ugnayan. Kapatid, katrabaho, kakilala, kaibigan, kasama. Siyempre, bago lang ang ka-social media. At marami akong ka-Facebook.
Nakikita ko ang ilan sa kanila nang personal. Pumupunta sa mga events na may kinalaman sa isinulat kong aklat, book launching, o public lecture. Gagawa ako o ang publisher ko o ang mismong mag-oorganisa ng event ng public event page. Ia-announce ko sa mismong account ko. Magkikita kami doon. Makikipag-apiran, makikipagkumustahan hinggil buhay ko. O buhay niya, kung natatandaan ko.
Tungkol sa virtual existence ko, halimbawa, mainit na topic nitong huling dalawang linggo sa aking Facebook account ang tungkol sa ingrown ko na inopera noong isang araw sa isang ospital. Bago ang operasyon, naroon ang aking rant. Totoong rant dahil totoo ang sakit na akala ng iba ay biruan lang. Kaya ito ang kinukumusta ng mga ka-Facebook ko, in jest, siyempre. At may kaunting habag.
Maraming pagkakataong nakakasalubong ko ang ilang ka-Facebook ko sa mall. Matapos ang ilang palitan ng awkward na ngiti, magpapakilala sila (dahil mahina akong tumanda sa hitsura at pangalan).
Meron ding isang pagkakataon, habang hinihintay kong umandar ang bus na sinasakyan ko patungong Lucena. May tumabi sa akin at nagpakilala. Ka-Facebook ko raw siya. Masaya, pero hindi ako nakatulog sa biyahe dahil sa pagkukuwento niya.
May ka-Facebook akong nakatagpo ko sa Bangkok. Nagsilbing potograpo at tour guide ko roon. May mga naging ka-Facebook na Indon nang minsan akong naanyayahan bilang tagapagsalita sa dalawang unibersidad doon. Kapag may international conference, mistulang pagpapalalim sa ugnayan ang matatanggap at ipapadalang friend request. May ka-Facebook akong Thai, Burmese, at Nepalese. Mabuti na lang at mayroong translate option ang social media.
May mga nagbabalik-bayang nakikipag-eyeball. Ka-Facebook ko pala sila habang binabaka ang lamig at lungkot ng buhay sa abroad. Lahat na yata ng saray ng lipunan ay may representasyon sa ka-social media ko. Lahat ng propesyon o kawalang propesyon.
Ang totoo, wala sanang ganitong column kung hindi ko ka-Facebook ang editor! Oo, pa-comment-comment lang ako sa status ng isang common friend. May comment siya sa comment ko. Ini-add ko. In-accept naman. Biniro ko. Tanong ko, kailan ako pasusulatin sa Rappler? Nag-PM, seryoso raw ba ako sa aking offer. Heto, mag-iisang taon na akong nagko-contribute sa online diyaryong ito. May magbasa man sa isinusulat ko o wala. (May mga nagbabasa! Otherwise, pinatigil ka na naming magsulat! :P – Editor)
Marami akong naging personal at tunay na kaibigang mula sa birtwal na ugnayan. Mas marami siyempre ang hindi ko pa nakikilala ni nakikita nang personal. Maraming itinatangi sa galing at kabutihan kahit pa hindi ko nami-meet nang personal. May ilang kinamumuhian, sa birtwal man o personal.
May mga ka-social media akong matatapang at pangahas. Maiingay magpahayag. Lahat inaaway, pero hindi makapagsalita, umiiwas pa nga, kapag nakatagpo na sa personal ang inaaway.
Ang lakas makapagpalakas ng loob ang sanitized confines kapag nagso-social media ka. Mistulang free from harm lalo’t dumudutdot at nag-i-scroll ka lang naman. Pero madaling makasakit, sa totoo lang. Madali rin namang makaakit at makahikayat. Madaling hingan ng opinyon at gawing hingahan ng problema. Minsan nga, kumpisalan pa. <isa munang malalim at birtwal na buntong-hininga>
Kung bakit ko tinatalakay itong paksa ay dahil talaga sa isang babaeng ka-social media ko na itatago ko sa pangalang Jennifer. Sa isang lungsod sa bahagi ng Camanava nakatira si Jennifer. Matagal na kaming magka-Facebook, since 2013. Nagkita at nagkakuwentuhan na kami nang makailang ulit sa mga book launch at event ko. Masugid siyang mambabasa. Naging magkaibigan kami pati na rin ang kaniyang asawa.
Balitaan, biruan, kumustahan, standard na palitan ng mensahe kapag Pasko at Bagong Taon kung may pagkakataon, sa personal man o virtual platform. Mukhang pangkaraniwang uganayang lumago palabas sa birtwal hanggang sa personal.
Kahapon (isinusulat ko ang artikulong ito ngayong January 28), nang pumutok ang balita hinggil sa pambobomba sa katedral sa Jolo, Sulu, kagyat kong kinondena bilang status sa aking social media account ang pangyayari.
Nakikidalamhati ’ka ko ako sa mga biktima at lubos na kinokondena ang karahasan. Nag-private message si Jennifer sa akin kinagabihan. Nasabugan at namatay ang kaniyang kapatid na lalaki sa pangyayari. (BASAHIN: What we know so far: Jolo Cathedral bombing)
Doon ko naramdaman ang kahungkagan ng status ko. Oo, sa sarili ko, umaapaw ang sinseridad sa pakikidalamhati sa inaakala kong mga estrangherong biktima. Totoong nagagalit ako sa karahasang kumitil at sumugat sa marami. Puwera pa ang itinanim na galit, pagkamuhi ng mga nakasaksi at tumatanggap ng balita.
Pero, gayunman, malayo ang lugar sa akin. Ni hindi ko alam kung may ka-social media akong taga-Jolo. Kaya hindi ko akalain na may isa akong kaibigang lumagpas na sa birtwal na ugnayan namin ang direktang naulila.
Nag-iwan siya ng mensahe ng galit. Lubos na pagkalungkot. Hindi ko tiyak kung ano ang sasabihin ko kay Jennifer. Hindi na lamang ito status, platform ng kawalan.
Paano pa nga ba ipahahayag? Paano ko ba dapat tugunan ang paghinga niya sa akin ng nararamdaman? Ang totoo, hindi ko alam. Dahil namuni ko, pagkatapos ng kaniyang pagtatapat, walang gaanong taglay na init ang birtwal na yakap, pakikidalamhati, lalo na ang pagdamay.
May damdamin at pagkilos na hindi talaga kayang ipadama kung ipadadaan sa social media. Iba pa rin kung naroon ka. Nakikinig, hinihingahan ng sama ng loob at lungkot. Handang ibigay ang tapik at yakap ng pagdamay.
Gayunman, muli, ang aking pakikidalamhati sa mga biktima ng karahasan sa Jolo, Sulu. Gaano man kasalat sa damdamin ang pahayag kong ito. Lalong-lalo na sa kaibigan kong naulila. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.