Ano ba ang ginawa ni Bong Go para makaangat mula sa dati niyang nakakaawang posisyon sa senatorial surveys?
Sa pagsukat ng Pulse Asia nitong Disyembre 2018, malapit na sa Go sa Magic 12. Gumanda nang halos limang ulit ang rating niya sa loob ng 9 na buwan. Kaunti na lang, abot kamay na.
Sa kanyang pag-iikot sa Pilipinas, dalawang mensahe ang paulit-ulit niyang ipinapaabot.
Una, na siya gatekeeper ng Pangulo. “Ako po ang magiging tulay ninyo kay Pangulong Duterte.” Kahit daw mga anak ni President Rodrigo Duterte at mga miyembro ng Gabinete ay dumadaan sa kanya.
Pangalawa, na siya ang promotor ng one-stop-shop ng gobyerno sa pagbibibgay tulong sa mga mahihirap na maysakit – ang Malasakit centers. Sa katunayan, nasa sentro si Bong Go sa lahat halos ng photo-op ng Malasakit Centers mula nang buksan ang mga ito noong Setyembre 2018.
Ano ba ang Malasakit Centers? Kung ika’y mahirap na pasyente, hindi ka na kailangang mag-ikot sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pumila sa bawat isa. Isang pilahan na lang, at Malasakit Center na ang mag-aasikaso ng mga pondong maaaring hugutin mula sa mga ahensiya ng pamahalaan para ibigay sa iyo.
Simpleng solusyon sa masalimuot na burukrasya. Pero hindi ito idea ni Go.
Ang nagtutulong-tulong – ang nagmamalasakit – para magbigay ng serbisyo at pondo sa mahihirap na kababayan natin ay ang mga ahensiyang tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office, Philippine Amusement and Games Corporation, PhilHealth, Department of Health, at Department of Social Work and Developent.
Nakakaeksena lang si Go dahil tuwing may pasinaya ang Malasakit Centers, nakikiputol siya ng ribbon tulad ng executive secretaries ng mga presidenteng nauna kay Duterte. Andoon si Go, representante umano ng kanyang amo.
Marami nang mga naging "alter-ego" ng mga presidente: sina Peter Garucho, Teofisto Guingona Jr, Ruben Torres, at Alexander Aguirre noong panahon ni Fidel Ramos; Ronaldo Zamora at Edgardo Angara noong panahon ni Joseph Estrada; Renato de Villa, Alberto Romulo, Eduardo Ermita, at Leandro Mendoza noong panahong ni Gloria Arroyo; Paquito Ochoa Jr noong panahon ni Benigno Aquino III.
Pero wala sa mga opisyal na ito ang katulad ni Go na nakaagaw ng papuri para sa mga proyektong di naman siya ang nag-isip, nagsimula, o nagpapatakbo.
Kahit nga ang executive secretary ngayon na si Salvador Medialdea, ang siyang tunay na "little president," ay hindi nagawang angkinin ang takak ng Malasakit Centers.
Nakikigatong pa ang iba pang opisyal tulad ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera, na tinawag si Go na “secret weapon” sa pagsusulong ng libreng tertiary education. Sandali lang, maraming lehislador na nagpursigeng ipasa ang batas na 'yan!
Siyempre, ang pinakamalakas na megaphone ng kandidato ay walang iba kundi ang kanyang amo, na buong pusong bumabanggit sa ngalan niya sa halos lahat ng talumpati, at nagtaas ng kamay niya sa Comelec noong nag-file siya ng kandidatura.
Hindi na bagong diskarte ito ni Go. Bago nagdesisyon tumakbo, sumikat siya bilang "pambansang photobomber" – nagpo-post ng mga litrato ng world leaders, tulad ni Donald Trump, Vladimir Putin, at Xi Jinping, dahil may access siya sa mga engrandeng okasyon bilang buntot ng Pangulo.
Gumamit din siya ng pribadong pondo at mamahaling billboard isang taon bago ang eleksiyon – na maaaring paglabag sa government ethics code.
Pero hindi lamang sa ganitong paraan nagagamit ni Go ang kanyang koneksiyon. Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism, nabakuran ng kumpanya ng kanyang ama ang malalaking kontrata mula sa Department of Public Works and Highways sa Davao Region. Ang pangalan ng kompanya: CLTG Builders – initials para sa Christopher Lawrence T. Go, ang special assistant ni Duterte.
Mula sa isang tahimik na assistant, nagpalit-anyo ang special assistant to the president sa isang mapapel na alipores na feel-na-feel ang reflected glory ng kanyang amo.
Ano’ng aasahan natin sa administrasyong salat sa propesyonalismo at delikadesa at hanggang leeg sa patronage politics? Ito'y nakalikha ng isang media credit grabber na nag-ambisyong maging senador, kahit walang isang hibla ng ebidensiya na siya'y kalipikado. – Rappler.com