Gusto kong samantalahin ang pagkakataon. Narito ako sa isang bagong puwesto para makapagsulat. Sa isang sulok ng bagong-gawang bahay dito sa lalawigan ng Quezon. Kapritso itong sulok na ipinagawa ko. Bago ang lahat ng gamit maliban sa laptop. Nilalaro-laro ko ngayon, habang tumitipa, ang kabibiling office chair na may arm rest. Taas-baba, taas-baba. Ikot-ikot. Galaw-galaw. Ang ginhawa. Ang saya.
Sandali lang, sinasamantala ko kasi ang sandaling ito. Gusto kong itanim sa memorya – virtual and biological memory – ang alaala ng sandaling ito. Ito ang una kong maisusulat na artikulo sa bago naming bahay sa bagong 'hood. Heck, ito ang una kong maisusulat na kahit ano sa ipinangutang na bahay na babayaran ko hanggang bago ako mag-senior citizen.
Linggo ng umaga ngayong isinusulat ko ito. Nakatanaw ako sa bintana mula rito sa aking writer’s nook. Wala namang matatanaw na kakaibang tanawin. Tanaw lang ang mga kapitbahay. Mga naglisaw na bata at manaka-nakang pagdating ng mga sasakyan. Pagkaraniwan. Basta, gusto ko lang damhin ang bawat sandali bago bumalik sa nakasusulasok na Maynila kinalunesan.
At ngayon ngang umaga, habang isinusulat ko ito, narinig ko ang standard na sigaw na iba nga lang ang timbre ng boses hindi gaya ng nakasanayan: dumaan ang resident magtataho sa bago kong 'hood. Teka, bibili muna ako. <kinain/ininom ang mainit-init na taho, ang sarap>
Okay. Napag-uusapan din lang, alam kong naliligalig na naman ang news feed ninyo hinggil sa usapin ng ating lowly caramelized sucrose-laced silken soya extract with tapiokas, o mas kilala bilang taho.
Ilang araw lang ang pagitan, bumandera ang taho sa ating news sites at news feeds.
Una ay noong Martes, Pebrero 5, nang makuhanan ng video ang komosyon ng isang magtataho at kawani ng gobyerno sa Baguio City. Mapapanood sa nag-viral na video ang sapilitang pagkuha at pakikipag-agawan sa tindang taho dahil bawal diumano ang pangangalakal ng taho sa nasabing lugar.
Ang ikalawa ay nito lang Sabado, Pebrero 9, nang mag-viral naman ang mga larawan ng isang pulis na halos maligo sa isinaboy na taho ng isang dayuhang Tsino. Naganap ang insidente nang hindi papasukin sa sakayan ng MRT sa Mandaluyong ang dayuhan dahil may dala-dala itong taho
Dati nang bawal ang kumain papasok sa loob ng estasyon ng tren, lalo na sa mismong pagsakay sa loob ng bagon. Nadagdagan pa ang pagbabawal na ito nang maghigpit ang pamunuan ng LRT at MRT sa tulong ng Philippine National Police na hindi papasukin ang sinumang may dalang likido dahil sa banta ng terorismo.
Ayoko nang isa-isahin ang nangyari. Kalat na kalat naman sa internet ang balita, detalye, status, at meme hinggil sa mga insidente, pati na ang opinyon ng samot-saring politikong gustong makakuha ng media mileage dahil sa papalapit na eleksiyon. Bahala kayo kung ano o sino ang paniniwalaan ninyo.
Ang mas pinag-iisipan ko kasi ngayon ay kung bakit biglang naging bida ang pangkaraniwang taho sa mga balita. Magiging ganito rin kaya kung, halimbawa, mamahaling whiskey ang isinaboy sa alagad ng batas? O kung walis tambo o barrel man imbes na taho ang itinitinda ng mangangalakal sa Baguio? Bakit taho? Ano ang meron sa taho?
Wala namang masyadong hindi natin alam. Taho pa rin naman ang taho (hindi ko alam iyong nangyaring insidente sa Baguio, may malaking tsansang strawberry taho ang involved – tsk, ang sarap pa naman) maliban sa mga pagkakataon ngang kasangkot ang taho sa nakuhanan ng video o retrato, tapos ay nag-viral; na-pick-up ng media kaya lalong kumalat hanggang sa, well, tulad ng lagi nang trending na paksa, lahat ay nagnais nang magbigay ng opinyon kahit hindi hinihingi.
Taglay naman kasi ng social media ang panghihikayat sa netizen na magbigay ng opinyon at makialam sa kahit anong usapin. Makipag-away kung minsan. Makipagmurahan. Mag-insultuhan.
Perfect mix ng viral na video ng magtataho o ang viral ding larawan ng tinapunan ng taho na nangyari ilang araw lang ang pagitan. Idagdag pa ang inaakalang pang-aagrabyado at, 'yun na, sikat na ang taho.
Maganda ang narrative arch. Taho bilang platform ng pagpapakita ng kapangyarihan. Naks, power relations. Kung isang academic paper ang isusulat ko, iyong babasahin ko sa isang international conference na magbibigay sa akin ng certificate para ma-promote at kilalanin sa larangang itinuturo ko, pop culture at research, papamagatan ko ang akademikong papel na ito na: “Taho as a platform for domination and subordination of social classes.” At dahil naglilingkod talaga ako sa akademya, hindi malayong isulat ko nga ang papel na ito at pakinabangan sa promosyon.
Pangkaraniwan kasi ang taho. Mura, mabibili kahit saan. Mayaman man o mahirap, tumatangkilik. O, sa lagay ng ikalawang insidente, kahit ang dayuhan, tumatangkilik (oo, alam ko, sa Tsina nagmula ang taho pati na ang pagtangkilik nating mga PInoy sa taho ay impluwensya ng Tsina).
Napakabisang platform para tunghayan at pag-usapan ang taho ngayon. Taho bilang equalizer ng lipunan pero naging platform din ng dominasyon. Ang una, marahas na pagpapatupad sa batas. Ang ikalawa, tolerance ng dapat sana ay magpapatupad ng batas, silang mga inaakala o inaasahang marahas dahil sa kaliwa’t kanang engkuwentro at insidente ng “nanlaban.” (BASAHIN: Police want Chinese woman deported over taho incident)
Puwede ring angguluhang ang unang insidente ay nangyari sa pagitan ng kapwa Filipino, thus the full force of the law; ang ikalawa naman ay sa dayuhang maaaring ituring na mikrokosmo ng higit pang malaki, komplikado, at nagaganap na intimidasyon sa ugnayan ng bansa natin sa Tsina, namely, issue ng West Philippine Sea, pagpapautang nang may mataas na interes sa pamahalaan, malawakang pandarayuhan dito sa atin, importasyon ng ilegal na droga, at iba pa.
Sa ikalawang insidente, nasabi ko ito bilang status sa Facebook nitong Sabado:
Hindi lang naman talaga tungkol ito sa isinaboy na taho. Wala naman 'yun. Matamis pa nga. Hindi naman mantsa. Hindi naman makakasakit. Tungkol naman talaga ito sa temerity ng dayuhan. Kung gaano kalakas ang loob manaboy ng taho sa isang pulis. Subukan mong isang Pinoy ang magsaboy ng taho na iyan. May kalalagyan.
Temerity. Brazenness. Dahil marahil alam niyang sa bansang ito, walang papalag sa kaniya. Nangamkam ng isla, pinalagan ba? Tapos ito taho lang?
Temerity. At siguradong hindi pa ito ang huli.
Minsan lang magtagpo-tagpo ang elementong nagpapasukal sa dibdib at nagpapasigabo sa opinyon ng maraming nakasawsaw sa isyung panlipunan. Mamaya o bukas, o sa susunod na pagdaan ng sumisigaw ng “Taho! Taho kayo d’yan!” sa inyong lugar, bumili. At bago ubusin sa ilang lagukan, isipin: hindi ito taho lang. Minsan, may malalim na usapin din dito ng kapangyarihan. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.