(Inspirational speech na binigkas kamakailan sa Junior Executive Development course graduation ng isang malaking kompanya ng bangko sa bansa)
Hinalughog ko ang files ko. Marami-rami na rin pala akong speaking engagements hinggil sa marami-rami na ring topic: leadership, governance, millennial, media, social media, creative writing, literature, pop culture, humor, manicure, pedicure, german cut, CS section, and all sub-topics spawned by these topics. Pero kahit anong imbentaryo ko kagabi sa files ko, wala pala akong imbitasyon para maging “inspirational speaker” a la Francis Kong, a la Bo Sanchez. A la Salvador Panelo!
May malapit-lapit – naimbitahan ako ng isang senior high school sa Lucban, Quezon. Ako raw ang commencement speaker nila sa Abril para ganahan sa buhay ang mga mag-aaral. Tinanggap ko. Balak ko lang balikan at ikuwento ang kalokohan ng 5 taon ko sa high school at 8 taon sa college. Balak ko lang talagang magpatawa dahil humor ang pinagkakaabalahan kong i-research ngayon sa UST. Tatlong taon na ang research. Hindi ko pa rin matapos. Malapit na akong makulong. Hindi nakaka-inspire ang makulong dahil sa katamaran.
Kahit short notice, tinanggap ko ang imbitasyon ng dati kong estudyante sa UST, na sumailalim ngayon sa management course ninyo, dahil first time kong magiging inspirational speaker. Tapos magiging mid-to-top-level bankers pa ang audience ko. Magiging titans of the industry. Napakasuwerte ko.
Tinanggap ko rin ang imbitasyong ito para mapabilis ang approval at mapaganda ang terms ng magiging housing o car loan ko sa bangko ninyo. Tatandaan ko ang mga pagmumukha ninyo. Pautangin ninyo ako. Kung hindi, lintik lang ang walang ganti.
Inspirasyon ba ang hanap 'nyo?
Bueno, inspirational speaker. Dahil nirerespetong academic ako, naks, sa isang matandang unibersidad, sa pinakamagaling na unibersidad sa España Boulevard, bar none, kailangan kong mag-make sense. Kaya ang una kong ginawa para mag-make sense ay mag-Google: what is an inspirational speaker?
Ang daming definition na lumabas kahit mabagal ang internet ko. Siyempre pumili ako ng magpapalaki ng ego ko bilang inspirational speaker, as stipulated by your invitation. Heto: "An inspirational speaker takes motivational speaking to the next level. Inspirational speakers are the heroes, visionaries, and dreamers whose personal lives are often testimonies to the human spirit. Their compelling tales of inspiration cannot help but make audiences look at the big picture of their own lives, encouraging them to aspire to be the best version of themselves possible." Naks.
Hero. Visionary. Dreamer. Big wordz! “[Their] compelling tales of inspiration cannot help but make audiences look at the big picture of their own lives, encouraging them to aspire to be the best version of themselves possible.” Astig.
Tale of inspiration pala, ha? Heto. Here is the abridged narrative of my life:
Bunso sa lahat ng magkakapatid sa tatlong naging asawa ng tatay kong pulis. You know, pulis, mej matulis. Matanda na ang tatay ko nang isilang ako. At least potent pa rin. Namatay ang magulang ko noong college ako. Pero bago iyon, ako ang nag-alaga sa kanila: ang isa, na-stroke; ang isa, putol ang paa dahil sa diabetes. Dalawa ang wheel chair namin sa bahay noong high school ako. Magaling akong sumakay sa wheel chair. Kung kasali sa X-Games ang wheel chair trix, well, gold medallist na ako.
‘Yun. Limang taon. Na-kickout ako noong high school dahil sugarol, sa mismong loob ng school. Nagtrabaho sa pabrika. Nag-aral uli. Walang biro, Mercury Drug Excellence in math and science ako. Oo, matalino ako sa numero. Ginamit ko sa sugal. Card counter. Jueteng, sakla. Master in probability. Gumawa ako ng mathematical formula na ikaluluma ng calculus.
Pinagkakitaan ko iyon noong high school. Pagkatapos ng 3 course shifting, binigyan ako ng diploma para matawag na graduate ng bachelor’s degree. Basta. Unang beses akong nag-shift dahil sa nililigawan ko. Huh. Nang sagutin na at naging jowa ko, nag-shift uli ako. Asawa ko na ngayon ang niligawan ko noong first year college.
Naging bisyo ko ang shifting. Pakiramdam ko noon, gaya ng kahit sinong juvenile delinquent, nakakulong ako sa maliit na mundo, binabansot ako ng mundo. Kaya ginawa ko ang gusto kong gawin. Magsulat nang walang grade. Nang hindi magkakadiploma.
Hindi rags-to-riches ang buhay ko
Pero, teka, kung ikukuwento ko ang buhay ko noon, mayroon bang nagbago? Ang tanong, ano ba ako ngayon? Kasi ganito, magkalinawan tayo, hindi rags-to-riches ang buhay ko. Rags to rags. Well, medyo maayos na rags. Uniqlo na rags. But rags nonetheless.
Walang kakaiba. Lahat pangkaraniwan. Nag-asawa, nagkaanak. Nangarap magkatrabaho nang regular. Dahil kailangan sa trabaho ang masteral, tinapos ko. Pampalaki raw ng sweldo ang PhD, tinapos ko uli. Pinagbutihan ang dissertation sa isang swanky university somewehere in Taft. Best dissertation. Naks. Kahit wala naman talagang magbabasa ng isinulat kong 400-plus pages maliban sa mga panelist at adviser.
Magandang basahin ang pangalan ko, may PhD. Bagamat mas masaya ang asawa ko dahil noong mag-jowa pa lang kami at kailangan niyang ipaglaban sa kaniyang magulang ang bum na gaya ko, sinabihan ako. “Ano ka ba? Grumadweyt ka naman, bigyan mo naman ako ng dahilan para ka pa ipaglaban.”
Binigyan ko siya ng tatlong degree, tatlong pasadong government exams, at, hindi ko man mabigyan ng magandang buhay, binigyan ko naman ng magandang lahi. Katunayan ang dalawang anak namin. Dalawang babae. Magagandang bata. Sa sobrang ganda, parang hindi ko anak.
Anyway, 'yun na nga. Dahil maikli lang ang oras ko para magsalita, kailangan kong maka-inspire. Hindi ito napipilit. Itong pag-inspire. Lalo’t hindi ako hero. Visionary. Dreamer. Karaniwang tao lang na nakakapag-articulate ng iniisip at nadarama. Na marubdob sa pagmamahal kahit hindi Valentine’s.
Karaniwan ang trabaho ko. Guro. May karaniwang suweldo. Nakakapag-Grab paminsan-minsan. Nakakabili ng barong at pantalon na SM Bonus. Bagong sapatos taon-taon. Pero puwede ang ukay-ukay kahit buwan-buwan.
Karaniwan ang pamilya ko. Titser ang asawa ko sa Lucban. Estudyante sa pampublikong paaralan ang bunso. Sa school ng pinagtuturuan ng nanay niya nag-aaral ang panganay na junior high. Pasado sa UST at Philippine Science High School, pero pinili ang Lucban Academy.
Karaniwan ang bahay at apartment na tinutuluyan ko sa Maynila. Masikip pa nga. Studio-type. Kulang na lang patayo ako kung matulog sa kaliitan.
Karaniwang manunulat. Hindi mo masasabing pang-international. Nagpapahayag ng opinyon sa mga diyaryo. Hindi ko alam kung may nagbabasa. Marami akong organic follower sa Facebook. Kulang-kulang bente mil. Partida, hindi pa ako nagpapakita ng cleavage o nagshe-share ng fake news. Basta. Hindi inspiring. Malayong matawag na katangi-tangi.
Karaniwang ama, asawa, guro, kapatid, kaibigan, manunulat. Mabisyo. (Bagamat natigilan ko na ang paninigarilyo noong nakaraang Mayo, ngayon, kung itatanong ninyo kung kailan ko titigilan ang pag-inom, ang sagot ko, suntukan na lang.)
Pero siguro, dahil napagsasabay ko lahat, dahil sa galing kong magbalanse kahit pawisan, well, kaya nga perspirational – pamilya, trabaho, passion to write, pagmamahal – kaya ako hindi masyadong pangkaraniwan.
Humanap ng ligaya sa mumunting tagumpay
Madali akong napagod kahahabol sa pangarap: kayamanan, pagkilala, nakaririwasang buhay, tumama sa lotto. Ang gusto ko na lang ay humanap ng ligaya sa mumunting tagumpay sa buhay. Babawan ang kaligayahan. Dalasan ang pagtawa. Huwag masyadong maging pihikan sa pagpili ng mga bagay-bagay lalo kung wala sa radius ng aking maliit na kakayahan at kapangyarihan.
Matagal ko nang inamin sa sarili na hindi ko kayang baguhin ang mundo nang wholesale. Matanda na ako. 27. Pero na-realize kong itong pagpapaubaya pala sa kahinaan ay paglikha ng sariling mundong kaya mong idisenyo. Maligaya ako kapag nagtuturo. Ito ang mundo ko. Maligayang lalo kapag niyayakap ng asawa at mga anak. Nila-like ang status at sinasabihan ng, “Ser, nakaka-inspire ang iyong kasimplehan.” Which is kinda ironic. Ang maging inspirasyon ay hindi maging pangkaraniwan.
Hindi ako nakaka-inspire. Ang totoo, wala akong malayong narating. Hindi gaya ng platform ninyo ngayon. Isang industriya. Lifeblood ng komersyo. Competitive. Magiging makapangyarihan. Napakaraming oportunidad para makabili ng sapatos na hindi ukay-ukay. Makapaglakbay. Makapag-YOLO araw-araw. Maraming pagkakataong mag-hashtag: #FeelingBlessed.
Narito siguro ako hindi bilang hero, visionary, dreamer. Narito ako para sabihing kapag napagod na tayo sa paghabol sa walang hanggang pangarap, mas masarap palang maging pangkaraniwan. Makatao. Pagmasdan ang paligid. Damhin ang pulso ng katauhan. Huwag magmadali. Maging mabuti. Balanse. Oo, sa pinili kong estado ng buhay, wala nang degree na pabigat, promotion na hinahangad (pasalamat kung meron), walang accolade maliban siguro sa pangkaraniwang halik at yakap dulot ng pagmamahal.
Pagmamahal. Doon lang, iyon lang ang hindi ko hinahangad maging pangkaraniwan. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.