Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] ‘Sagot kita, Beyb!’

$
0
0

  

 Pananagutan. Isang amoy-binubukbok na baul na salitang, malamang, sa lumang pelikula ninyo pa huling narinig. Iyong tipong dialogue na: "Huwag kang mag-alala sa sasabihin nila Papa at Mama, Rosaura, papanagutan ko ang nasa sinapupunan mo. Dahil pananagutan ko ang anak nating nabuo dahil sa pag-ibig sa kabila ng hindi rin matingkalang pagkakasala."

O kaya, "Bilang ulo ng tahanang ito, may pananagutan ako kung bakit nagkaganito ang kinasapitan ng ating pamilya. Patawarin mo sana ako, minamahal kong asawa, minamahal kong Petra."

Pero, hindi, nagbibiro lang ako sa mga ibinigay kong halimbawa. Hindi naman ganyan kaluma. Bagamat alam kong malinaw pa rin naman sa inyo kung ano talaga ang ibig sabihin ng salitang "pananagutan." Dahil, palagay ko, marami pa rin namang gumagamit at sumeseryoso sa salitang "pananagutan," lalo sa mga usapin ng responsibilidad. Lalo na ngayong, now more than ever, kampanyahan.

Maaaring hindi nga lang direktang sinasabi ang salitang "pananagutan." P'wede rin kasi, at kasingkahulugan din, ang pariralang "Ako ang bahala," o ang mas popular na "Sagot kita." O kombinasyon ng dalawa, "Ako ang bahala, sagot kita." "Kapag walang nangyari, sagot ko." O para mas intimate at sensual, "Ako ang bahala, Beyb, sagot kita," o sa mas madaling salita, siya ang may pananagutan o responsable sa mangyayari. 

At alam kong malinaw sa atin ito bagamat bihira ang nagninilay, na ang salitang "sagot" ang nasa ubod ng salitang "pananagutan."

Sagot din ang nasa loob ng mga salitang mananagot, papanagutan, sasagutin. 

Sa amoy-baul at napakakupad na akademya, kung saan humuhugot ng kabuhayan ang inyong lingkod bilang propesor sa matandang unibersidad, ang tawag sa pagbabagong anyo ng salitang-ugat tungo sa mga salitang alam natin ngayon ay pagbabagong morpoponemiko. 

Morphophonemic Changes. Naks, lalim. Pero sa madaling sabi, nababago ang salita, bigkas, o baybay, upang mas madaling maipahayag bagamat hindi nagbabago ang kahulugan. Mas madali nga lang maiparating ang mensahe. 

Halimbawa nga ang "Sagot kita," na ang kasingkahulugan ay ako, o siya na sumasagot, ang may kargo/pananagutan sa kung anuman ang gagawin mo. Mananagot. Sagot ang mangyayari. Magbabayad. Paparusahan kapag sumablay. 

"Sagot kita, Beyb."

Balatan pa natin. Dalawa ang popular na kahulugan ng salitang "sagot" sa ating lipunan. Una, iyong kapag tinatanong, sumasagot. Answer, response, o reply sa Ingles. Tanungin at sasagot. 

Ang ikalawa, at ang mas malalim na kahulugan sa ating kultura, ay ang "sagot" bilang responsibilidad. Sagot kita. O kung anuman ang gagawin o sasabihin ko, sagot ko. Ako lang ang may kargo, ang may responsibilidad. Ako ang dapat parusahan dahil sinagot ko. 

Sagot ko ito. Anuman ang hindi ko tamang sasabihin, halimbawa sa espasyong ito, sagot ko. Mananagot ako sa aking mga mambabasa at sa publikasyong ito kapag may ibinigay akong maling impormasyon. O kung may mali ako sa mata ng batas, sagot ko. Sagot ko ang kamalian. Sagot ko, lalo na, ang kaparusahan. P'wedeng ang parusa ay pagkakakulong o multa kung legal na usapin. Kung may nagawa ang aking minamahal, at hinikayat kong gawin niya ito, "Sagot kita, Beyb."

P'wedeng ang parusa, medyo subliminal nga lang, ay ang pagkakamit ng maruming batik sa kapirasong pangalan ko. Naks. Dangal. At, mind you, mahalaga ito sa akin kahit papaano; kahit hindi naman talaga pupuwedeng ipambili ng bigas ang dangal sa panahon ngayon.

Pero, siyempre, ang sagot na tinutukoy ko, kung saan nagmumula ang salitang "pananagutan" ay hindi lamang sagot na aakuin ang kamalian o pagkukulang. Ang sagot ay sagot ng pangalan ko, na kahit papaano, na gaya ng nabanggit ko, may iniingatang katiting na dangal. 

Sagot ng pangalan ko, dahil nagtuturo ako sa isang matandang unibersidad, nagsusulat, may pamilyang nagdadala ng apelyido ko. Dalawa ang anak, isang asawa, na pawang nagdadala ng pangalan. Sagot ng aking pangalan dahil, sa totoo lang, wala naman akong yaman. Wala akong kinulimbat, wala akong tagong-yaman, wala akong malaking suweldo sa panghampas-lupang trabaho, ang magturo.  

Anumang kahihiyang dahilan sa pagkakamali at kakulangan sa isinulat kong ito, halimbawa na, ay sagot ko. Pananagutan ko. Taya ang kapirasong dangal na nakamit ko sa kahabaan ng pagsulat-sulat at pag-aaral. 

Pananagutan ko, halimbawang hindi legal ang aking ginawa, sa batas. Puwede akong maghimas-rehas nang matagal, o, kapag napatunayan ng hukuman na walang pananagutan, lumaya. Sagot ko sa batas. 

Lahat tayo ay may pananagutan sa batas. Matagal man ang proseso, matagal man ang paglilitis, pero ang pananagutan ng tao na may mali o hindi legal na ginawa, ay sa batas. Hindi sa kung sinong inilagay sa kamay ang batas.

Kung kasalanang moral, pananagutan ko sa Diyos na pinaniniwalaan ko ang ginawa ko. Kapag may ginastos ako mula sa suweldo nang hindi alam ng asawa ko, pananagutan ko kay misis. At madalas itong ganitong paglilitis.

Natatandaan ko noong nabubuhay pa ang nanay ko, madalas niyang sabihin, kapag may iniuutos, "Mananagot ka sa akin kapag hindi mo iyan nasunod." Bata pa lang, pinalaki na akong may malinaw na pagkilala sa pananagutan. 

Pero hindi lahat ay may pagpapahalaga sa pananagutan. Okay lang naman iyon, maliban kung kandidato ka. Maliban kung pulitiko ka. Mas malaki ang pananagutan mo dahil buwis ko ang gagastusin mo kapag nahalal ka; ginastos mo ang buwis ko kung nanalo ka na dati, at nagkamal, nang walang pananagutan. 

Alam ninyo kasi, sa ating pag-iral – naks, ang lalim na naman – may pananagutan tayo sa ating lipunan upang gawing mabuti at matalino ang ating kapwa sa pamamagitan ng ating ginagawa, ng ating sinasabi, sa ating ikinikilos, lalo ngayong panahon ng kampanyang kandidato kang nangangako na naman ng kaginhawahan gaya dati. Gaya noon.

Pero wala kang pananagutan. 

Ang malungkot, dahil sa eleksiyong paparating, ano ba kung mapatunayan nating nagnakaw o walang laman ang utak ng kandidato? Dahil ang mahalaga, puno ng pera ang bulsa: pambayad sa minuminutong patalastas, pampa-print ng niretokeng mukha sa kamiseta at tarpaulin, pampadulas sa lokal na kandidato, pambili ng boto. 

Pananagutan? Ang meron lang noon ay ang kakilala mong nasa mababang antas ng lipunan. Sa mga kandidato at pulitiko, wala kang batayan ng pananagutan. Boboto ka na lang. Na, ang totoo, wala ka namang masyadong pamimilian. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles