“Totoo pa ba ’tong survey?”
Noong isang araw ito. Bago ako umuwi mula sa unibersidad kung saan ako naglilingkod bilang katuwang na propesor at administrador. Tanong ito ng kasamang propesor na chairperson din ng isang departamento sa unibersidad this side of España Boulevard.
Hindi siya makapaniwalang nasa tinatawag na Magic 12 ang mga kontrobersiyal na kandidatong kung tutuusin, kung mag-a-apply sa pangkaraniwang trabaho, batik-batik ang isusumiteng NBI clearance sa dami ng kaso at kontrobersiyang kinasasangkutan. Tingnan ko lang kung matanggap. O makarating man lang sa bahagi ng interview.
Pero hindi kasi ito karaniwang trabaho. Kandidato ito sa pagkasenador. Let this sink in. Magiging senador. May milyon, o bilyon pa nga yata, na pondo na galing sa buwis natin.
Ramdam ko ang parikala o irony ng tanong ng kasama kong propesor. Kaming naniniwala na ang isang pananaliksik – ang isa sa saligan at dahilan kung bakit kami propesor – ay dapat na may malalim na batayan, hindi makapaniwala sa survey o sa quantitative analysis hinggil sa mananalong senador kung gaganapin ang eleksiyon sa mismong araw kung kailan isinagawa ang survey? (BASAHIN: Scenarios: 2022 looms over tight midterm race)
Dahil kung karaniwang trabahong pinapasukan ng karaniwang tao, itong sa aming larangan halimbawa, akademya, malabo pa sa tinta ng pusit na makapasok ang isang nameke ng degree. Malabong makapasok ang walang degree, period. Puwera pa ang batik-batik tiyak na NBI clearance. Pero iyon nga, senador kasi.
Patas para sa nagnanais maging senador ang mga nakapag-aral o hindi. Kaya nga nakapagtataka na, hindi na nga requirement ang educational attainment, kailangan pang manloko hinggil sa academic degrees ng iba diyan.
Hindi sa pagyayabang, marami kaming degrees. Maraming diploma para maging karapat-dapat sa pagtuturo ng higher learning. Korte Suprema na ang nagsabi na kailangan namin, bilang propesor, ang may higit na mataas na pinag-aralan.
Mahalaga sa amin ang degree – totoong degree na nakamit sa pagsisikap. Pagsisikap na kaakibat ng dignidad.
Mahalaga sa amin ang dignidad. Hindi ito napapatawan ng academic degree. Walang government licensure exams, walang kakayahan lalo na, ang thesis para masabing may pinangangalagaan kang dignidad at integridad. Ilang thesis man ang ipasa, kung walang dignidad, wala. Nakakamit ito nang kusa. Tulad ng respeto at dangal. Hindi awtomatiko.
Hindi ko sinasabing lahat kami ay pupuwede nang maging banal at santo. Ang gusto ko lang iparating, habang nag-uumigting na maitaas namin ang antas ng karunungan, kung pupuwede rin lang sana ang kabutihan, gagawin namin dahil ito ang lubhang kailangan namin sa pag-e-educate ng mga estudyante.
May mabigat kaming bagahe na gawing matalino at mapanuri ang sasailalim sa aming klase. Na minsan nga, kahit na wala sa klase, wala sa unibersidad, kahit dito na lamang sa internet, guro pa rin kaming dapat ipakita o umasta, lalo kung kinakapos, na may pinag-aralan. Kaya nga sorry na lang sa mga pumasok sa ganitong larangan.
Gusto ko na tuloy sabihin sa susunod na may mag-a-apply na propesor nang walang taglay na minimum na master’s degree: “Ah, Hijo (o Hija kung girl), kulang ang academic requirements mo. Hindi ka puwedeng maging propesor, pero malay mo, puwede ka namang maging senador.”
Dahil wala sa educational attainment ang pagnanais maglingkod. Naiintindihan ko ang Konstitusyon. Sa larangan namin, gaya ng karaniwang larangang kailangan ng degree o diploma, mahigpit sa pagsusuri.
Hindi puwedeng ikatuwirang gusto mong maging manggamot lang, sincere ang iyong damdaming makatulong sa maysakit, kaya uubra ka nang tawaging doktor. Hinde. Delikado, lalo kung may maniniwalang manggagamot ka, o kung talagang may ignoranteng magpapagamot sa iyo.
Hindi pupuwedeng umaapaw ang sinseridad mo sa pagnanais matulungang mapagtagpo ang dalawang lupang pinaglayo ng ilog kaya dapat ka nang gumawa ng maayos at matibay na tulay, at tawaging inhinyero pagkatapos. Hinde.
Kailangan ng degree, kailangan ng lisensiya para makapag-practice ng propesyong doktor o inhinyero. For better or worse, hindi ganyan sa Senado. Lalo ngayong paparating na eleksiyon.
Kaya nga medyo kinikilabutan ako nang minsan akong padalhan ng mensahe ng aking editor. Magsulat daw ako para sa voters’ education. Ibig sabihin, bigyan ng gabay ang mga botante, pangaralan kung kinakailangan. Bigyan ng leksiyon para sa matalinong pagpili ng magiging lider at kakatawan sa atin sa pagbalangkas ng batas sa Senado at Kongreso.
Madaling sukatin ang katalinuhan. Lisensiya o diploma, baka nga puwede na. Ang problema, walang panukat sa sinseridad at kabutihan, na requirement, kung requirement pa ngang matatawag, para ka mahalal sa posisyon bilang lingkod-bayan.
Madali kasing masapawan ng mukha, musika, sayaw, at katatawanan; matabunan ng maayos pero retokadong patalastas ang kakayahan ng gustong manalo sa eleksiyon.
Hindi baleng batik-batik ang pagkatao. Ano ba kung kulang ang talino. Basta mukha namang sinsero at sumikat dahil sa pagganap sa kathang-isip na palabas. O dahil lang malakas sa malakas na pulitiko ng bayan.
Puwede ring nagmumura, o nagpapatawa. Madali lalo na ang bumigkas ng kinabisado at masarap-pakinggang iskrip buhat sa bayarang consultant.
Dahil sa panahon ngayon, sorry na lang sa aking editor, hindi na kailangan ng edukasyon ng botanteng hibang sa karnabal ng kampanyahan. O kung may mangangailangan man, mas madaling lumaganap ang kampanyang gawin at panatilihin silang mangmang.
Wala na tayong magagawa kung walang educational qualification para sa nagnanais maging senador, congressman, gobernador, mayor, bokal, o konsehal. O sa mga posisyong inihahalal sa pagipagitan. Wala na tayong magagawa kapag ayaw magpahalatang wala silang alam. Gagamitin din lang na panakip ang kahit anong usaping legal. Ikakalakal ang katarungan.
Wala na tayong magagawa kung bawat puna ay sasabihing “kakampi namin ang batas.” Lalo na iyong sa mga inugat na ang lahi para maging pulitiko sa lugmok-sa-kahirapang bayan.
Dati, ang tangi nating magagawa ay bumoto nang naaayon sa matalino nating paglilimi. Hindi na ngayon. Ang mahalaga, laman sila ng bawat patalastas, pakulo ng media, endoso ng mas makapangyarihan.
Dati, may pagpipilian naman talaga tayo. Pero ngayon, malungkot mang aminin, tila nauubos na ang ating pamimilian. Dahil – pagbalik ko sa tanong ng aking kasamanag propesor kung “Totoo pa ba ‘tong survey?” – ang mahapding katotohanan ay baka nga oo. Totoo.
Ang masakit pa nito, mistulang walang edukasyong makapagpapabago sa gusto ng marami sa atin, na ang batayan sa pagpili ng lider ay iyong madalas makita sa telebisyon, sumasayaw, kumakanta, umiiwas itanghal ang talino (kung mayroon man), iparada ang kara at ngiting retokado. Ngumisi, magkunwari. At tawagin ang sariling handang maging lingkod ng bayan.
Kahit pa higit silang naging tanyag dahil sa pagiging salbahe’t pagkakamal ng yaman. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.