Isang araw bago ang Ash Wednesday, nag-post si Lingayen-Dagupan Archbishop Soc Villegas ng video na lantarang bumabatikos kay Presidente Rodrigo Duterte.
Sa isang bahagi ng video, tinanong ni Villegas, "Are you going to deny your faith, by your vote?” (Tatalikuran mo ba ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng iyong boto?)
Palaban. Walang takot. Panahon pa ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin nang huli nating namalas ang ganito katapang na tindig mula sa simbahan.
Naging susi si Sin sa pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos matapos siyang manawagan noong February 25, 1986 na "pumunta ang mga Pilipino sa EDSA." Nang pumanaw si Sin noong 2005, naging laganap ang pananaw na “wala na si Cardinal Sin. Wala nang magsasalita."
Pero hindi tayo binigo ng mga tagapagmana ng kanyang liderato. Hindi rin nila binigo ang yumaong si Sin.
Alam ng ilang alagad ng simbahan na panahon na upang kumibo. Panahon ngayon ng patayan ng libo-libong mga adik sa lansangan, pagkamanhid, pagbabaligtad sa kasaysayan, pambabastos sa mga relihiyon at Diyos, pambubusal sa media, at pagbaluktot ng mga katangiang pinahahalagahan natin bilang sambayanan.
Sa ganitong mga yugto, naging tinig sa karimlan ang simbahan.
Minsan nang sinabi ni Duterte sa mga obispo: "I want to kick your ass." Tila ang tugon sa kanya: "The kick-ass bishops are pushing back."
Ito'y sa kabila ng walang-patlang na mga banta sa buhay nina Villegas at ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David– na sinimulan mismo ng Pangulo nang udyukin n'ya ang mga taong "patayin ang mga 'useless' na obispo."
Dati nang sinabi ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na habang ayaw nilang makialam sa pamamalakad ng estado, "hindi rin nila balak na iwan ang sagradong mandato nila bilang tagapastol."
Sa isang panayam ng Rappler kay Brother Armin Luistro, isang La Sallian, at theology professor Fr Albert Alejo, isang Heswita, sinabi nilang sa simula, nagpakulong ang simbihan sa Pilipinas sa "messaging" ni Duterte na "makasalanan at kurap" ang mga pare. Pero mukhang nakahulagpos na ang simbahan sa bullying ni Duterte.
May binabangga rin sina Villegas at David mismo sa CBCP sa kanilang lantarang pagtuligsa sa gobyerno. Hindi "monolithic" ang organisasyon ng mga obispo – kahit sa hanay nito ay may mga maka-Duterte. Meron ding hindi sang-ayon sa pagsawsaw ng simbahan sa pulitika.
Batid nina Villegas, David, Brother Armin, at Pareng Bert na hindi lamang ito atake sa ating pampulitikang institusyon – atake rin ito sa ating dignidad, at espiritwal na buhay.
Habang nagbibingi-bingihan tayo sa gobyernong bankarote sa moralidad, pumapatay, at dumudurog sa mga kritiko kapalit ng "pagsugpo sa droga" at "malakas na pamumuno," namamantsahan din ang budhi natin ng dugo at putik.
Kailangang marinig din ang tinig ng ibang mga pinuno ng mga relihiyon – mapa-Katoliko man o hindi – sa labang nagsusulong ng maprinsipyong pulitika at demokrasya.
Dahil laban din ito para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. – Rappler.com