Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Plata + porma

$
0
0

 Dumarating talaga, bihirang-bihira, iyong “Eureka!” moment. Iyong “Whatduh...ang galeng!” moment. Iyong pampamaga sa dati nang namamagang ego na “Ang galing ko, naisip ko pa ’yun! Buti hindi naisip ng iba! Maisulat nga!” moment. 

Sa akin, kanina ang moment na ’yun. Habang nasa kubeta. ’Buti may maayos na supply ng tubig.  

Kanina nangyari, habang pinag-iisipan kong mabuti kung ano ang isusulat sa espasyong ito while doing something biological and hygienic. Mahigpit kasi ang bilin sa akin ng editor: sumulat tungkol sa eleksiyong paparating; something a bit, or pretending to be, educational. At dahil way past deadline na ang aking musings slash nagpapanggap na artikulong ito kaya pinilit kong magkaroon ng intense “Eureka!’ moment. I mustered and expend all my inner forces to summon all my muses. At saka para umiri na rin nang wagas. 

Kaya, heto, sumusulat ng may semblance ng pagsusuri sa isyu ng halalan; pagninilay dahil baka sakaling may magbasa. May magbasang baka sakaling magnilay din at magsuri. Baka sakaling may matauhan o matutuhan kahit wala naman talagang in-your-face na aral na dapat mapulot ang mambabasa. Hindi ko rin gusto ang didactic na panulat.  

Baka sakaling may magbasa lalo iyong hibang na hibang pa rin sa ilusyon at tahasang personality politics ng bansa. Baka sakaling mabasa ng indibidwal na loyal sa pulitiko pero hindi sa kapakanan ng bayan. O, mas malala, iyong nag-e-equate na ang pagsuporta at pagmamahal nang lubos sa pulitiko – lalo iyong pulitikong produkto ng massive PR campaign ang pagkatao at more massive Photoshop skills ang hitsura – ay pagsuporta at pagmamahal na rin nang lubos sa bansa.

Kampanya noong unang panahon

Bago ko ikuwento ang aking “Eureka!” moment kanina, heto muna: pagninilay tungkol sa salitang “kampanya.” 

Noong unang panahong hindi pa tahasan ang personality politics – ganda ng hitsura, galing sumayaw o kumanta, yaman, katanyagan, kasikatan ng lahing pinanggalingan, galing ng tindig at pananalita, karisma, may battery of public relations consultants, may pambili ng mahaba at quality air time. Kapag sumasapit ang halalan, mahalagang salik sa pagpili ng iluluklok na kandidato ang kaniyang plataporma-de-gobyerno.

Noong unang panahong ang kakayahan pa ng kandidato bilang magiging pinuno ang namamayani, mahalagang malaman kung ano ang plano ng kandidatong ito sa kaniyang pamumunuang political unit: barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan, o bansa. 

Kaya, halimbawa, sa tuwing miting de avance, o iyong sandali ng pinakamalaking pagtitipon ng mga kandidato sa pampublikong lugar, binibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na sagutin ang mga katanungan ng taumbayan. O magsalita batay sa hangga’t maaari ay hindi rehearsed na pagtatanong. Para hindi iyong planado at may mahigpit na pagsunod sa iskrip ang sasabihin o isasagot. 

Plataporma: Ano ’yun? 

Sa plataporma nakasalig ang panunungkulan. Kung naisakatuparan o hindi ang plataporma sinusukat kung tagumpay o hindi ang pamumuno. Kaya naman, noong unang panahon, ang pagbalangkas ng plataporma, kahit pa sa antas ng barangay, ay isang masusing gawain. Hindi na lang nakakahon sa isang pangungusap na pangako. 

Pinag-iisipang mabuti ang plataporma. Pinagdedebatehan. Mainit na pinagtatalunan. Hindi dapat maging mabulaklak lang na salita. Dapat iyong mapanghahawakan. Dapat matibay. Dapat puwedeng panaligan. Dapat may batayan, may detalye, may malinaw na tatahaking landas ang plataporma.

Sa salitang Pranses na plateforme nagmula ang kilala natin ngayon at nauuso na namang salitang “plataporma.” Literal na nangangahulugan ito bilang flat ground o flat shape sa Ingles. Patag. Dahil sa patag, matibay na makakatayo ang anumang estruktura, literal man gaya ng enatblado o figurative gaya ng plataporma ng pangako.  

Nadagdagan ang kahulugan ng plataporma batay sa naging papel nito sa pulitika. Naging patag na entablado o stage ang platporma o platform kung saan maaaring isalaysay ng kandidato ang kaniyang plano. Pero ang entabladong ito ay hindi na lamang lugar kung saan nangangako ang kandidato. Sa kalagayan ng kampanayahan ngayon, nagtatanghal ang pulitiko.  

Sa Information Technology, sa platform nailalagay ang maraming application tulad na lamang ng social media platform kung saan naglipana ang iba’t ibang aplikasyong nagpapalibang at nagbibigay ng impormasyon sa atin. At, in a way, nagpapahibang na rin. 

Plataporma rin ang tawag sa gilid ng riles ng tren sa estasyon kung saan nakatayo at naghihintay ang mga pasahero. Matibay na plataporma. Maaasahan. Maaaring panaligan. Kung kaya naman, noong unang panahon, sapat na ang isang matibay na plataporma para maluklok ang kandidato. Noong unang panahon iyon. Maaaring hindi na ngayon. 

Showbiz at karnabal na lang

Hindi na tampok na bahagi ng halalan ang plataporma. Naging parang showbiz at karnabal na kasi ang kampanyahan; hindi na sa kung ano ang magagawa nagkakatalo kung sino ang iboboto. Hindi na tampok ang plataporma.  

Umiikli nang umiikli ang plataporma. Wala nang detalye. Puwedeng tagline na lamang ito o slogan na parang sa patalastas sa media. Puwedeng meme sa social media. Nag-evolve na o talagang wala nang plataporma.  

Puwedeng sabihin na lamang kung sa patalastas ang mga katagang “Kalaban ng corrupt!” o “Edukasyon ang solusyon!” Sino nga ba naman ang maglalakas-loob mag-usisa upang ilahad ang detalye ng mga platapormang ito? Wala na. Hindi na magtatanong ang mga supporter-slash-panatiko. Samantalang madali namang makumbinsi ang mga undecided lalo na kung may elaborate media campaign. 

Which leads me to my “Eureka!” moment kanina nga bago ako humarap sa laptop ko. Well, na aaminin kong ini-exaggerate ko lang, ni hindi naman talaga brilliant nor smart. Ni hindi nga nito napalaki ang ego ko. Basta, mukhang maganda lang pagnilayan. 

Heto. Wala nang totoong plataporma, lalo iyong mula sa mga kandidatong produkto na nga lang ng massive PR campaign ang pagkatao at more massive Photoshop skills ang hitsura. Madali silang makilala dahil sa kawalan ng platapormang sa halip ay pinalitan na ng plata+porma. Yes, ang pamagat ng pagninilay kong ito ang “Eureka!” moment ko kanina. Naks. 

Hindi maaasahan ang katuparan 

Plata+porma. Plata o pilak sa Español. Pilak na dati nang simbolo ng kayamanan at kamunduhan. Matatandaang may proverbial silver coins na kasingkahulugan ng pagtataksil sa Bibliya. May bantog na idioms din, gaya ng mga tao na born with a silver spoon sa bunganga. O sa kaso ng ibang matatakaw sa kayamanang kandidato, born with a silver backhoe sa bunganga. Iyan ang plata na sinamahan pa ng “porma” ng kandidato, meaning iyong panlabas na aspekto ng pagkatao nila. Manicured na hitsura, pinlanong dating o angas, inaral na kilos at buka ng bibig, magnified projection.  

Ito na lang ang umiiral sa karamihan. Hayaang ang plata+porma ang mangusap, puro na lang plata at porma ang kampanyahan. 

Wala nang tunay na platapormang ipinahahayag, maliban sa iilang kandiadtong marahil, walang plata o pamporma to begin with.  

At dahil nga wala nang masyadong plataporma, ibig sabihin, hindi na rin maaasahan ang katuparan ng anumang sinabi sa kampanyahan. Pawang mabubulaklak na salita na lamang kasing kay daling malagas sa paglipas ng araw at oras. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.  

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles