Dear Undecided Voter,
Hi.
Salamat, ha? Sa kabila ng lahat ng ingay ng mga isyung politikal at ng halalan, na minsan wala nang kinalaman sa kapakanan mo, at ang mala-karnabal na kampanyahan, nariyan pa rin kayo. Hindi nagpapatinag sa gimik at panghahalina. Undecided pa rin.
Gusto ko lang sabihing hindi madali ang maging undecided sa panahong ito. Tiyak may telebisyon kayo, o radyo. O naglalakad-lakad sa labas ng bahay, nakakakita ng masakit-sa-matang tarpaulin na may retokadong pagmumukha ng kandidato at iba pang nangagsabit at nangagharang, o minsan ay kamisetang suot na campaign material.
Tiyak na napapanood ninyo ang palatastas para iboto si ganoon at ganitong kandidato sa pagkasenador. Silang nagpapagalingan ng hagod at paraan para maantig ang damdamin ng audience, para maniwala o maawa ka. Awa o paniniwala? Hindi na mahalaga; ang mas mahalaga sa kanila, iboto mo sila. Makakuha ng sapat na bilang ng boto para matawag na senador simula Hulyo.
May direktang kampanya, undecided voter, iyong malinaw na sinasabi na iboto ang kandidato. Kesyo itiman mo raw ang bilog katabi ng numerong ganoon at ganito pagsapit ng eleksiyon. Tapos sasabihin o lalabas sa screen ng telebisyon ang hungkag na slogan, tersera klaseng slogan, iyong paulit-ulit mo nang narinig mula pa noong panahon ni Kopong-kopong, lalo kung walang masyadong budget para sa isang matinong advertising agency ang kandidato.
Pero siyempre meron ding magagaling na patalastas, undecided voter. Appeal to emotion. Iyong akala mo sila talaga ang maghahango sa kinasadlakan nating lusak ng buhay. Malupit 'yan. Tinira ng propesyonal. Milyon-milyon ang ginastos para makabili ng oras sa paborito mong programa sa radyo o telebisyon.
Alam kong napapanood o naririnig mo ang mga patalastas na ito, undecided voter. Sino ba naman ang hindi? Alam kong naririnig mo ang mga kandidato sa kanilang mga rehearsed na linya na ilang beses kinahunan bago ipalabas ang pinakamagandang bersiyon nito. Heavily edited na bersiyon.
Pero meron ding nagpapanggap na patalastas, undecided voter. Mahirap mahalata kung hindi ka magsusuri nang husto. Advertorial ang tawag dito. Iyong akala mo interview ng kung sinong reporter o broadcaster sa kandidato, pero loaded ang sasabihin, scripted, magbubuhat ng sariling bangko. Pupurihin ang sarili kasabwat ang broadcaster o reporter. Implied. Hindi tahasan. Pero naroon, ramdam mo ang yabang.
Nagpupumilit maging laman ng balita. Nagbibigay ng opinyon sa bawat usapin. Iyang mga ganyang gimik ang humahatak para magdesisyon ang mga botante pabor sa kandidato. Parang, “Wow! Relevant pala si ganitong pulitiko?! Mukhang magaling. Maiboto nga.” Kaya nababawasan paglipas ng araw ang undecided (3.7% na lang ngayon kumpara sa 5.6% noong huling Pulse Asia survey), dahil sa mga ganitong gimik. At makakaasa kang papalupit nang papalupit ang kampanya.
Marami pang ibang paraan ng kampanya. Meron tungkol sa debate o, gaya ng nangyari kamakailan, kawalan ng debate.
Pero hindi lang kampanya, undecided voter, hard sell man gaya ng pagbili ng airtime at espasyo sa pahayagan o soft sell gaya ng advertorial na interview o maging panauhin sa isang noontime show. Meron din siyempreng siraan.
Wasakan kung may natitira pang buo sa pagkatao. Kuyog mentality. Pagtutulungan hanggang hindi mo na iboto – isuko ang pagiging undecided! – hanggang mawala na sa gunam-gunam ng botante ang pangalan ng kandidato. Hanggang matabunan ng magical na prinsipyo ng mga trapo: ang name recall at "winnability" ng kandidato kahit pa walang kasilbi-silbi o magnakaw (muli?) kapag naging masibang senador.
"Winnable" kahit walang utak. May name recall kahit magnanakaw. Sadnu?
Bahagi ito ng dynamics ng mala-karnabal nating kampanyahan: sayawan, kantahan, away-away, siraan, pagsisinungaling na malapit na ring maging standard sa kampanyahan at buhay.
Lahat ito ay mga salik kung bakit pumipili ang marami sa atin ng ibobotong kandidato kahit malayo pa ang eleksiyon. Kaya marahil may survey paminsan-minsan. Sinusukat ang pulso ng taumbayan kung kumakagat ang mga isyu at patalastas. Tinatanong, face-to-face, ang sampling na kumakatawan sa atin. Pawang nakakalat sa kapuluan at iba’t ibang saray ng lipunan ang mga tinanong: “Kung ang nasabing eleksyon sa 2019 ay isasagawa ngayon, sinu-sino sa mga sumusunod na personalidad ang inyong iboboto bilang SENADOR?”
Sa dami ba naman ng advertisement, o kapital na popularidad, may malaking tsansang ang isasagot ng na-survey ay iyong bantog at laging lantad ang pagmumukha sa telebisyon. Kontrobersiyal ba naman, o umubos ng milyong kayamanan (o bilyon pa marahil sa paglipas ng mga araw) para sa mga planadong patalastas at airtime at mga isyung eepalan, tingnan ko lang kung hindi nga manguna o umangat sa survey. (BASAHIN: Political ads of top spenders worth more than their declared wealth)
Kaya binabati ko ang mga wala pang ibobotong gaya mo, undecided voter. Pambihira kayo. Either napanood mo na ang mga gimik at kampanyang walang epekto sa iyo, o sadyang wala kang oras para sumagot sa mga tanong.
Sa resulta ng huling survey, nakapaloob kayo sa kategoryang “Don’t now,” “Refused,” “None.” Oo nga’t hindi eksaktong undecided, pero kung susuriin, parang ganoon na rin. Basahin: “Kung ang nasabing eleksyon sa 2019 ay isasagawa ngayon, sinu-sino sa mga sumusunod na personalidad ang inyong iboboto bilang SENADOR?” Hindi mo alam, ayaw mong sumagot, o wala lang.
Sa totoo lang, hindi naman kailangang magmadaling mapunan ang listahan ng iboboto. Mahaba pa ang karnabal na ito. Marami pang pagkakataong makilala ang mga kandidato higit sa kanilang pinlanong campaign line, higit sa carefully crafted na script, lalong higit sa carefully and meticulously Photoshopped na kara.
Ang iba ay gusto lang manalo, hindi naman talaga gustong magserbisyo. Marami diyan ang napilitan lang dahil inutusan ng kung sinong pinangangamuhan; maraming itutuloy ang misyong lalong magkamal ng yaman. May iba diyan para tabunan ang kabuktutan. Lahat ng iyan ay ikinukubli ng mababangong kampanya.
Kaya binabati kita, undecided voter. Kung kinakailangang magdesisyon ka sa mismong pagharap mo sa balota sa Mayo 13, okay na okay lang. Ganoon talaga. Hindi mo niyakap ang palabas at karnabal na kung tawagin ay kampanya.
Pero sa ngayon, undecided voter, kailangan mong hikayatin pa ang iba. Sabihin mong huwag padalos-dalos sa pagsasabing tapos na ang listahan ng iboboto. Pagnilayan kamong mabuti. Suriing mabuti. Sagarin ang kampanyahan.
Dahil sa huli, ipaalala mo sa may desisyon na, na ang kampanya ay isang malaking palabas lamang para makuha ang inyong paniniwala o awa. Mas kilalanin kamo ang kandidato sa kanilang motibong hindi binabanggit sa campaign jingle, campaign poster, o patalastas. Pero makikita sa kanilang unrehearsed na kilos o unscripted na pananalita na malayong-malayo sa intensiyong maglingkod sa kapwa.
Muli, salamat at congrats.
Best,
Joselito “Undecided din” de Los Reyes
– Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.