Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] ‘Maligayang pagtatapos!’: Ang mensahe ng retokadong tarpaulin

$
0
0

 Kailangan kong i-quote ang pamagat kasi hindi ako ang nagsabi niyan. Nababasa ko lang iyang “Maligayang Pagtatapos!” sa mga tarpaulin na nadaraanan ko kung saan-saan. Iyan ang nakasulat kasama ang naglalakihang pagmumukha ng mga pulitikong sumailalim sa sensitibong operasyon ng Photoshop. 

Heto na naman ang seasonal na walang kuwentang pag-ubos ng mga pulitiko sa buwis natin gamit ang tarpaulin at greetings na, kung susuriin, hindi naman talaga pinag-isipan ni pinagnilayan. 

“Maligayang Pagtatapos.” Ayokong maging nega, pero gusto ko lang pag-isipan kahit sandali ang two-word greeting na ito. 

Paano magiging maligaya ang pagtatapos? Paano magiging maligaya ang kawalang katiyakan na naghihintay sa pagkatanggap ng diploma? Puwede namang i-downgrade ang adjective na “maligaya” patungong “masaya.” Ito, mas totoo – pansamantala pero masaya ang pagtatapos kahit pa hinaharana ng malungkot na awit ni Raymond Lauchengco: “We used to be frightened and scared to try of things we don’t really understand why...” Ngayon, kung sino si Raymond Launchengco, paki-Google na lang.

Kasi puwede rin namang payak na “Congratulations!” na lang. At least, ito, mas totoo. Pinahahalagahan at binabati ang pagsisikap ng magtatapos.

Sa dami ng tarpaulin na nakasabit sa bakod ng paaralan at sa mga daan leading toward sa paaralan, dapat sigurong malaman ng mga pulitiko na, tulad ng advertisement, dapat maging kakaiba sila upang mapansin. Malay ba, baka mapiktyuran pa, mai-upload, mag-viral, at hindi na kailangang umupa ng troll farm sa darating na halalan. 

Ganito, wala na tayong magagawa sa masagwang mukha – technology and facial filtering have its limits. Baka kailangan na talaga ng tulong ng DPWH para maaspaltuhan o i-concrete reblocking ang lubak ng mukha. Pero sa mga tagline o 'yung mensahe, baka may magawa pa sila o ang mga staff nila na naatasang magpagawa ng tarpaulin. 

Halimbawa, alam kong maraming pulitikong hindi nakatapos ng pag-aaral (tulad nung senador na nag-eendoso dati ng kolehiyo gayong siya mismo ay hindi nakatapos ng kolehiyo), puwedeng ilagay sa tarpaulin ang 

Pagbati! Masaya akong kayo'y nagtapos! Dahil ako’y hindi.
– Konsehal Joselito Delos Reyes”

O kaya'y

Maligayang Pagtatapos! Mabuti at hindi ninyo ako ginaya.
– Konsehal Joselito Delos Reyes
 

O alinman sa mga variant nito.

Dapat ding tanggapin na hindi lang graduation ang ibig sabihin ng seremonya ng pagbibigay ng diploma. Sa ibang paaralan, ang terminong ginagamit nila ay “commencement exercises” – seremonya ng pagsisimula o pagpapatuloy. Mas binibigyang halaga ng parirala ang kakaharaping buhay kaysa mismong pagtatapos. 

Kung ito ang prinsipyo, ganito ang magandang tagline sa tarpaulin:

Congratulations! Akala mo tapos ka na talaga? Duh...
– Konsehal Joselito Delos Reyes
 

At least makatotohanan. At least nakalilibang ang tarpaulin na may malaking tsansang pinaglustayan ng buwis natin.

Masdan ang mga niretokeng mukha

Which leads me to this: habang binabasa ninyo ito, nagsisimula na ang lokal na kampanyahan. Nakabalandra na naman ang mga tarapaulin, poster, banderitas na karaniwan ay labag na sa batas ang sukat, ang lugar na pinagkabitan, at ang masasamang hitsura (illegal possession of dangerous face).

Pagtiyagaang masdan ang mga niretokeng hitsura ng mga kandidato. Tingnan ang pilges, kulay, tabas ng pisngi at baba, kapal ng buhok. Kapag na-house-to-house sa bahay ninyo ang lokal na kandidato, ihambing ang pagmumukha sa mukhang nakabalandra sa tarpaulin. Kung malayo ang hitsura, huwag na agad iboto. Kung sa hitsura pa lang ay nanloloko na ang kandidato, paano mo pa ipagkakatiwala sa kanya ang buwis mong sapilitang kinaltas sa iyo?

Kaya sa mga nagdidisenyo ng campaign materials, sa mga campaign manager, huwag ninyong masyadong ilayo ang mukha at ipino-project na pagkatao ng inyong kandidato sa kaniyang totoong buhay. Mas madaling matatandaan ang kandidatong natural ang kilos, mukha, at buhay.

Samantala, dahil alam kong dadagsa na naman ang elektronikong campaign material sa aking newsfeed, muli, sa mga nagdidisenyo ng materyal at sa mga campaign manager ng lokal na kandidato, ilagay ninyo sa inyong mga poster ang mga lugar o distrito kung saan kandidato ang amo ninyo. Kandidato ninyo lang ang local, hindi ang kanilang electronic campaign proganda and material na kakalat sa newsfeed ng kahit sinong hindi taga-distrito. Malay ninyo, halimbawa, may kakilala akong nakatira at bumoboto sa inyo. Maikampanya ko pa, di ba?

Unless, of course, magbayad kayo sa inyong social media platform. Matitiyak ninyo ang demographics at lugar kung saan lalabas ang inyong campaign material, thereby, nama-maximize ang angas, kara, pambobola ng inyong kandidatong, chances are, maperang-mapera.  

Sinungaling, kurakot, at survey topnotchers

Meron bang sinungaling na kandidato pero hindi corrupt? O, babaligtarin ko: meron bang corrupt pero matapat? 

Kaya ang hirap i-reconcile ng resulta ng huling survey ng Social Weather Stations. Sabi rito, pinakamataas na quality na hinahanap ng mga botante sa kandidato sa pagkasenador ang hindi magiging corrupt (“Will not be corrupt”). 

Wala man lang bang sumagot na hindi magsisinungaling o hindi manloloko sa tanong na, “Anu-ano pong mga katangian ang hinahanap ninyo sa isang kandidato sa pagka-Senador ng Pilipinas? Maaari po kayong magbigay ng hanggang tatlong sagot (What qualities are you looking for in a Senatorial candidate of the Philippines?  You may give up to three answers).”

Kung wala, pag-isipang mabuti:

Hindi magnanakaw pero sinungaling.

Hindi papatay pero sinungaling.

Hindi gagawa ng katiwalian pero sinungaling.

Matapat, matalino, makatao, pero may isang kapintasan: sinungaling. 

Kung sinungaling ka, puwede kang maging kahit sino. Magkunwaring kahit ano at, sa tulong ng propesyonal na public relations armory, papaniwalain ang taumbayan na totoo ang pagpapanggap mo. Magtapos sa Princeton o Oxford, halimbawa. O isawalang bahala ang katapatan sa dapat taglayin ng maglilingkod daw sa bayan.  

Kaydali na ngayong magkanlong sa kasinungalingan. Ito ang pundasyon ng pagiging manloloko. At napakahirap isiping inaalis ito – at winawalang bahala ito! – ng maraming kandidato. Hinihikayat tayong iwaglit sa pamantayan natin ng pinuno ang pagsisinungaling bilang batayang katangian ng pulitikong gagastos sa ating kaban. 

Nakakainis. Ang sakit sa bangs. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>