Mukhang mayroong isang klase ng pagkakaibigan sa Palasyo na hindi matitinag ng intel report, kahit na iniuugnay nito ang kabarkada ng Presidente sa droga.
Narito ang timeline.
- Nobyembre o Disyembre 2015.Dinalaw ng mayor pa noon na si Rodrigo Duterte si Michael Yang sa Xiamen. Makikita sa mga larawang naka-post sa Chinese social network Baike at website Huadu Press na itinu-tour si Duterte sa Chinese city.
- March 28, 2018. Personal na nag-abot ng regalo sa ika-73 na kaarawan ni Duterte si Yang. Ganoon sila kaclose.
- April 18, 2018. Dumalo sa binyag ng anak ni Nicanor Faeldon si Michael Yang. Nandoon din si Presidente Rodrigo Duterte at Special Assistan Bong Go.
- Oktubre 4, 2018. Matapos maabutan ng dossier na nagli-link kay Yang sa drug trade, ibinulalas ni Duterte, "Hindi ‘yan totoo. Matagal na ‘yan sa Davao.” Dagdag pa n’ya, “Ang ambassador ng China natutulog diyan sa bahay niya. At saka kasama 'yan sa entourage ni Premier.” Patunay daw ito na marangal na tao si Yang.
- Oktubre 9, 2018. Itinanggi ni Pangulong Duterte na adviser niya si Yang. Hindi niya raw puwedeng maging adviser ang isang “Chinese citizen.”
- Oktubre 10, 2018. Napag-alaman ng Rappler na gumagamit si Yang ng calling card na may seal ng Office of the President at nagbabansag sa kanya bilang “Presidential Economic Adviser.” Sa opisina niya sa Makati, makikita ang malaking karatulang nagsasabing “Office of the Presidential Economic Adviser.”
- Nobyembre 5, 2018. Inireport ng Rappler na may dalawang kontrata sa pagitan ni Yang at Malacañang na nagtatalaga sa kanya bilang "Economic Adviser to the President" mula “January 1, 2018 to June 30, 2018" at “July 1, 2018 to December 31, 2018.”
- Nobyembre 6, 2018. Sa isang Palace briefing, tinanong ang tagapagsalita ng Pangulo na si Sal Panelo kung ano ba talaga ang job description ni Yang. “That's between him and the President,” ang kanyang sagot.
- Nobyembre 20, 2018. Kasama si Michael Yang sa state banquet para kay Xi Jinping.
- Marso 25, 2019. Ibinulgar ng dating deputy director for administration ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (DEG) na si Eduardo Acierto na nag-tengang kawali ang pamunuan ng pulisya at mismong si Pangulong Duterte sa intelligence report niyang nag-uugnay kay Michael Yang sa droga. “Dragon” daw ang alyas ni Yang dahil sa tattoo niya sa balikat. Umano’y “facilitators” ng mga shipment ng droga si Yang at isa pang Chinese na si Allan Lim.
- Marso 26, 2019.“Cleared” daw si Yang, ayon kay PNP spokesman Colonel Bernard Banac.
- Marso 26, 2019. Sa isang talumpati sa Koronadal City, South Cotabato, sinabi ni Pangulong Duterte: "Huwag kayo maniwala dito, lalo na si Acierto. Tanong ko 'yung military and police, bakit buhay pa 'yung putanginang 'yan?"
Ano ba ang ipinakain ni Michael Yang sa Pangulo na minahal siya nito na parang matalik na kaibigan? Ayon sa mga report, may sleep-overs pa si Duterte sa bahay ni Yang noong siya’y mayor pa. Mabilis pa sa alas-singko ang pagdepensa sa Intsik, at sa harap pa ng national television.
Kung ano man ang bonding na pinagdaanan nina Digong at Michael Yang ay hindi mahalaga, dahil bilang presidente, ika nga ni Erap, dapat “walang kaibigan, walang kumpare, at walang kama-kamag-anak.”
Ano ang padron na lumilitaw pagdating sa mga kaibigan ng Pangulo?
Nariyan ang dating special assistant to the President, ang Boy Friday ni Digong na si Bong Go. Mismong si Go ang pabirong umaamin na ang kanyang “campaign manager” ay walang iba kundi ang Pangulo ng bansa.
Nariyan din si Dennis Uy, na nag-donate ng P30 milyon sa kampanya ng Presidente at sa huling bilang ay bumli ng 36 na kompanya mula nang naluklok sa kapangyarihan si Digong.
Maraming katangian ang Pangulong mahirap lunukin: ang pagiging misogynist, ang balahurang pananalita, ang kakarampot na paggalang sa buhay ng tao na bumabalot sa giyera kontra droga, ang pambabastos sa Diyos at mga relihiyon, ang pagkiling sa mga Intsik at paglalagay sa Pilipinas sa panganib ng Chinese debt trap.
Ang lumilitaw sa pagkanlong kay Yang ay ito: na hindi rin malayong umusbong ang crony class sa ating bansa na kasing-bagsik ng cronyism na umiral sa panahon ni Marcos.
Ano ba ang cronyism? Ito ang pagtatalaga sa mga kaibigan sa posisyon ng kapangyarihan kahit hindi sila kuwalipikado.
Mula Day 1 ng kanyang pamumuno, sinabi na ni Duterte na siya’y nagbabayad-utang. Mukhang ito ang operational word sa Pangulo – utang na loob. Mga kaibigan at pinagkakautangan ng loob ang inilagay niya sa gabinete. Kaibigan ang pinoprotektahan sa kabila ng sumbong ng isang whistle-blower na dating anti-drug cop na may track record.
Marangal ba ito? Hindi, kung ikinokompromiso nito ang dangal ng pinakamataas ng lider ng bansa.
Kung si Marcos mayroong Danding Cojuangco, Roberto Benedicto, Antonio Floirendo Sr, at Juan Ponce Enrile – mukhang may Yang at Dennis Uy naman si Digong.
Mukhang huli na nang hikayatin ang Pangulong panindigan ang campaign promise na tanggalin ang katiwalian sa gobyerno. Mukhang huli na nang sumbatan siyang tuparin ang “rule of law” tulad ng pangako niya nang siya’y nanumpa. Huli na nang ipaalala na 'di pa nga kumpirmado ay inilalabas na niya ang "narco list" sa ngalan ng pagpapakitang-gilas laban sa mga pinaghihinalaang drug lord.
Dahil kung mayroong isang malinaw na signpost ng pagdausdos sa diktadurya, ito ang pagsulpot ng mga mapagsamantalang negosyanteng parang langaw na umaali-aligid at bumubulong-bulong sa diktador. – Rappler.com