Nanlaban. Pinaslang ang 14 na aktibistang magsasaka sa magkakasabay na operasyon ng pulis sa Negros Oriental – 8 ang patay sa Canlaon City, 4 sa Manjuyod, at dalawa sa Santa Catalina.
Nanlaban. Ayan na naman ang gasgas na salitang ginagamit sa giyera kontra-droga na nag-iwan ng higit 5,000 bangkay sa lansangan, ayon sa bilang ng gobyerno. Ayon naman sa hepe ng Commission on Human Rights, maaari nang umabot ang death count sa 27,000.
Ayon sa tagapagsalita ng pulisya, lahat ng namatay ay pinaghihinalaang myembro ng New People's Army at nanlaban habang hinahainan ng mga warrant para sa illegal possession of firearms and explosives. 'Yan din ang ipinukol sa mga minasaker sa Daet, Escalante, at Mendiola.
May mga pangalan ang mga nanlaban. At nanlaban sila kontra hirap at gutom buong buhay nila.
Si Edgardo Avelino ay chairman ng Peasant Movement of the Philippines. Napaslang din ang kanyang kapatid na si Ismael Avelino. Lider-magsasaka si Franklen Lariosa sa Sta Catalina. Lider-pesante si Nestor Kadusale sa Manjuyod. Mga lider ng barangay sina Valentin Acabal at Sonny Palagtiw.
Ayon sa mga pamilya, tokhang style ang pagpaslang sa kanila. Ayon sa human rights at peasant organizations, malinaw na tinarget ang mga aktibista sa mga operasyon.
Nakalulungkot ba?
Pero mas nakalulungkot ang reaksyon natin – dahil wala tayong reaksyon labas sa mga human rights at makakaliwang grupo.
Ito ang datos. Noong Disyembre 2018, 6 ang napatay sa simultaneous operations ng pulisya dito rin sa Negros Oriental. Mga pusakal daw ang mga napaslang.
Mga 5 buwan lang ang nakalilipas noong Oktubre 2018, 9 na magsasaka sa Sagay City, Negros Occidental ang pinagbabaril habang natutulog. Ayon sa 6 na senador ng minorya, “sumasalamin ito sa sitwasyon ng maraming sakahan sa buong bansa.”
Ang mga sektor magsasaka at mangingisda ang pinakamataas ang poverty incidence sa Pilipinas, ayon sa 2017 datos ng Philippine Statistics Authority.
Hacienda capital ng Pilipinas ang isla ng Negros. At isa sa 15 pinakanaghihikahos ang Negros Oriental o Region VII. Nasa ilalim ng poverty line ang 54.6% o higit sa kalahati ng mga magsasaka sa rehiyon, ayon pa rin sa datos ng gobyerno. Nagtataka ba tayo na pugad ito ng pakikibaka?
Ginutom. Pinagkaitan ng lupa. Pinaslang. Umaabot na sa 200 ang pinatay na magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte. Ganito natin pinapahalagahan ang mga magsasaka ng ating bayan.
At hindi pa rito natatapos ang mga operasyon.
Ayon sa Kristyanong alyansang National Council of Churches in the Philippines (NCCP) nangamba ito na simula pa lamang ito ng pagtugis sa makakaliwa at progresibong mga organisasyon, sampu ng mga lehitimong nakikibaka.
Kulang pa ba ang pamantayan upang tawaging diktadura ang pamunuang Duterte?
Masaker? Ho-hum.
Wala nang shock-value sa atin ang salitang masaker, ‘di tulad ng sex video.
Huwag mag-alinlangan, isa itong masaker, kahit itanggi ni PNP Chief Oscar Albayalde. Walang kontekstong magbibigay katwiran sa brutal na pagpaslang sa mga aktibista, tulad din ng walang sitwasyong magbibigay katwiran sa pagpaslang sa mga adik.
Pero masaker din itong maituturing ng ating pakiramdam, konsyensya, at malasakit sa kapwa. Ang pagkamanhid natin ang kakambal ng giyera kontra-droga at giyera laban sa Kaliwa.
Huwag kalimutan: Sagay. Canlaon, Manjuyod, at Santa Catalina. – Rappler.com