Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Kalimutan ang ‘winnable’

$
0
0

 

 Noong nakaraang buwan, sumulat ako sa espasyong ito tungkol sa miseducation ng botante. In a way, ipinaliwanag ko, with a pessimist tone, na mahirap nang lektyuran ang mga botante, mahirap nang turuan, bago man o hindi sa pagboto. Mas mabilis na silang matuto, for better or worse, mula sa media, o mula sa mga well-oiled political campaign na lumulunsad sa tradisyonal na media. Mas mabilis lalong maniwala ang mga botante sa kapangyarihan ng impormasyong kumakalat bilang viral post o video, sa social media at internet. 

Papaubos na ang mga programa at patalastas, sa radyo man o sa telebisyon, na nananawagang maging mapanuri sa kung sino ang iboboto. Bihira na ang talakayan, lalong bihira ang debate para makita ang talas at abilidad ng kandidato. But then again, sino pa ba ang naghahanap ng talas at abilidad sa kandidato? Naghahanap ng talino? Ng galing? Lalo ng integridad at katapatan? 

Sinagasaan na ang lahat ng katangiang ito ng personality politics ng mga pulitikong ikinakalakal ang sarili bilang brand o produkto kapalit ang pagkahalal, lalo na ang kapangyarihan at kayamanang hatid ng posisyong pinagwagihan. At dahil nga puwede nang ituring na produkto ang pulitiko – may logo, slogan, campaign jingle, curated na success story, niretokeng mukha, managed personality, may standard na kulay at suot – dapat ipakilala at i-promote sa patalastas na campaign propaganda naman talaga.

Obvious ang patalastas sa tradisyonal na media platform gaya ng sa telebisyon. Ito iyong paulit-ulit na paglabas ng 15-second commercial sa mga paborito nating palabas tuwing prime time. 

Pero meron ding mga patalastas na mahirap mahalata, o iyong kampanyang advertorial. O mistulang balita, kumpleto sa interbiyu ng anchor o broadcaster, pero mayroong subliminal na mensaheng dapat tangkilikin ang kandidato. O iyong hihingin lagi ang opinyon sa mga isyung minsan ay wala na silang direktang kinalaman.

Naiangat na kasi ng mga beterano at batikang campaign managers sa antas ng agham ang kampanya. Napapasok na nito ang mga dati’y hindi kayang mapasok, pisikal na espasyo man o virtual space. Kung pisikal na espasyo, halimbawa, hindi na ligtas ang paligid ng simbahan sa naglipanang tarpaulin. Ganoon din ang sa paaralan, lalo kapag may graduation o recognition ceremony. Pati piyestahan, lalo’t kasabay ng kampanyahan ang kaliwa’t kanang pagdiriwang ng kung sinong patron ng bayan. Lahat ng ito ay nagpapaikot sa legalidad ng kampanyang ipinatutupad, or the lack thereof, ng Commission on Elections (Comelec).

So, 'yun. May article na nga ako dati. Eh may nakabasa. Mukhang may sumeryoso. Kaya inanyayahan ako sa isang malakihan – mga 400 katao – na lecture-forum hinggil sa pag-e-educate ng botante na gaganapin bago matapos ang buwan sa isang malaking unibersidad. Times two ang bilang ng audience dahil isang sesyon sa umaga at isa sa hapon. 

Hindi ako tumanggi sa paanyaya. Hindi ko kayang palampasin ang isang pagkakataon na makakonekta sa botante o, dahil sa isang malaking unibersidad nga idaraos ang forum at inaasahang maraming estudyanteng dadalo, sa mga anak ng botante. Think of it as my own way of campaigning for an honest and responsible election. 

Kung magtatagumpay ako sa balak talakayin sa forum, iniisip ko na ang multiplier effect ng pagbabalita ng audience sa ibang hindi nakadalo. Ang gusto kong makamit na epekto: ang mapag-isip-isip, mapagnilay-nilay ang audience ng mamarkahan sa balota sa Mayo 13. 

Ang paksa ko sa forum na iminungkahi ko talaga sa mga organizer ay "knowing your candidates beyond marketing and campaign." O something na mas cute, mas lit, mas woke ang titulo para makaugnay sa mga kabataang manonood. I need to speak their language. Naks. 

Basta mas pagtutuonan ko ang marketing and campaign higit sa kandidato. Suriin ang kampanya para masuri ang kandidato. Dahil naniniwala akong makikilala natin kung anong uri ng kandidato/pulitiko ang nakatanghal sa atin batay sa kani-kanilang paraan at moda ng kampanya. 

Lalong gusto kong makilala ng audience ang mapeperang kandidatong may mahaba-habang paghahanda sa kampanya na nagsimula pa noong sinasabi nang paulit-ulit ang cliche na “pinag-iisipan ko pa po kung susundin ko ang gusto ng mga kababayan natin na maging senador ako.” Itong mga kandidatong may kakayahang kumuha ng bayarang kampanyador, advertising firm, public relations consultants, spin doctors, lobbyists, hanggang sa mga magdidikit ng poster, mamimigay ng flyer, rah rah boys and girls sa bawat pook na kakampanyahan.  

Ipaliliwanag ko ang mga paraan ng kampanya. Ang sistema kung paano nati-trick ang isip na maniwala sa patalastas ng kandidato. Tatalakayin ko rin siguro ang isang pahapyaw na kasaysayan kung paanong nagbago ang tradisyon ng eleksiyon sa bansa, mula sa may lehitimong kakayahang maglingkod hanggang sa personality politics hanggang sa pagpapauso ng salitang "winnable." Naniniwala akong isa sa dahilan kung bakit tayo nagkaganito ay dahil sa salitang "winnability" kahit pa wala namang kakayahan maglingkod o, worse, magnanakaw pala. Marami nito. Popularidad lang ang puhunan.   

Hangga’t maaari, hindi ako magpapangalan ng kandidato sa forum. Inaasahan ko ring batuhin ako ng matatalinong tanong sa forum. Na pipilitin ko siyempreng sagutin sa paraang matalino rin. Ang susunod kong artikulo marahil ay ang mismong lalamanin ng aking sasabihin sa lecture-forum. 

***

Dahil administrador ako bukod pa sa pagiging katuwang na propesor, kailangan kong bumaba agad mula Baguio patungong unibersidad para dumalo sa maraming pagpupulong. Iniwan ko ang UST National Writers’ Workshop na ginaganap sa maalinsangan na ring Baguio. 

Nagsimula noong Abril 7, inaasahang matatapos ang taunang competitive workshop na itinataguyod ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS) sa Abril 14. Napakaganda ng talakayan, lalong maganda at mabunga ang mga puna at payo sa mga nagsisimulang manunulat buhat sa iba’t ibang panig ng bansa. Sayang nga lang at hindi ko matatapos ang workshop dahil sa ilang commitment. 

Kasama ko sa Baguio ang mga fellows na napili mula sa halos 100 aplikante. Sila ay sina Kisha Abuda (Katha; UST), Tristan Joshua Acda (Fiction; UST), Christine Andas (Fiction; UST), Agatha Faye Buensalida (Tula; PUP), Andrew Bonifacio Clete (Drama; DLSU), Christopher Bryan Concha (Sanaysay; DLSU), Billy Joy Creus (Sanaysay; PNU), Amiel Jansen Demetrial (Poetry; SLSU) Roemina Deocareza (CNF; UP Open University), Ma. Doreen Evita Garcia (Fiction; UST), Benjamin Joshua Gutierrez (Katha; UST), Vanessa Anne Joice Haro (Tula; SLSU), Herbert Herrero (CNF; UP), Alfonso Manalastas (Poetry; Saturnino Urios University), at si Andrea Coleen Tubig (Poetry; ADMU). 

Ang beteranong peryodista at propesor ng UST na si Lito Zulueta ang workshop director, si Ned Parfan naman, workshop coordinator. Ang iba pang kasama kong bahagi ng teaching panel ng workshop ay sina CCWLS director Cristina Pantoja Hidalgo, assistant director Ralph Semino Galan, at ang resident fellows na sina Chuckberry Pascual (Creative Writing Program coordinator ng unibersidad), Ailil Alvarez (UST Publishing House director), Nerisa Guevara, John Jack Wigley, Dawn Marfil, Paul Castillo, Jose Mojica, at isa pang beteranong editor, Nestor Cuartero. 

Samantala sina UP professor emeritus Gémino H. Abad, Philippine High School for the Arts director at performance poet Vim Nadera, batikang film and TV script writer at makatang si Jerry Gracio, at ang nobelista, makata, at manunulat ng teatro na si R. Zamora Lindmark ay naglilingkod bilang mga senior guest panelist. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>