Kung maikli ang kumot, matutong mamaluktot – iyan ang sabi ng matatanda. Ilang pamamaluktot ba ang kailangan nating gawin upang maka-survive?
Walang tubig, walang kuryente, walang pera– ito ang drama ng buhay natin ngayon, at matapos magreklamo sa social media, kusa na tayong namamaluktot.
Ito’y sa kabila ng pagmamalaki ng gobyerno na bumuti ang buhay ng Pinoy. Ayon sa Philippine poverty incidence bumaba raw ang kahirapan nitong first half ng 2018.
Nasasanay pa lang tayo sa halos 10-12 oras na walang tubig matapos ang kapalpakan ng Manila Water, tumambad naman ang walang kuryente. Inilagay sa rotational brownouts ang halos lahat ng lugar sa Metro Manila.
At hindi ito magtatapos sa panakanakang brownout. Ayon sa chairman ng Meralco na si Manny Pangilinan, tanging pagtatayo ng dagdag na power plants lamang ang solusyon sa problema ng shortage sa harap ng El Niño na magdudulot ng matinding init at tagtuyot. Ibig sabihin, hindi iyon trabaho ng Meralco na tanging distributor lamang.
Ngayon namang weekend, napuno na ang maraming tao dahil sa kawalan ng access sa perang pinaghirapan nila. Nagkaproblema daw ang sistema ng Bank of the Philippine Islands.
Paaano ba tayo sasampalataya, magiging Kristiyano, at higit sa lahat magiging tao sa panahon ni Rodrigo Duterte, kung napaparalisa ang buhay natin ng utilities breakdowns?
Mag-adjust. Parang kawayan sa hanging yumuyuko at bumabaluktot ang Pilipino. Parang paslit na kulang sa kumot at namamaluktot.
Pero hindi lang gobyerno ang pinag-uusapan ngayon. Dalawang kompanya ay pagmamay-ari ng mga Ayala – ang Manila Water at BPI. Kailangan natin ng higit na transparency at accountability mula sa pribadong sektor na hawak ang pang-araw-araw na katinuan ng ating buhay.
Mabalik tayo sa Meralco, na nagsabing kailangan ng power plants at kulang ang 2 taon upang maisakatuparan ito. Tulad ng Manila Water na nagsabing kailangan ng dam, tumatawid ang mga problemang ito sa publikong sektor.
Nasaan ang tunay na forward planning, hindi lang pagsweldo ng limpak-limpak sa mga nakaupo sa mga board ng mga regulatory bodies? Tulad ng MWSS, ano ang accountablity ng Department of Energy na nagreregulate ng mga power plant? Kung hindi kaya ng regulatory bodies, dapat umakyat sa liderato ang problema.
Ano ang ginagawa ng nakaupo sa Malacañang upang tiyaking walang shortage ng kuryente at tubig sa kinabukasan, imbes na magyabang tungkol sa laki ng kanyang pagkalalaki?
Habang nanganganib tayong mabaon sa utang sa Beijing, pagdagsa sa ating bayan ng mga negosyante at manggagawang Intsik na nirereklamo ng real estate community, pagpatay sa mga adik at makakaliwa, dinagdagan pa ang hagupit bunga ng mismanaged utilities ngayong Kuwaresma.
Sana’y huwag gawing habambuhay na penitensya ng mga higanteng kompanya at mga regulatory bodies ang mamuhay nang disente sa Pilipinas.
May hangganan ang pamamaluktot, at may puntong mababali rin ang kawayan sa hangin at unos. –Rappler.com