Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Pilipinas, anyare?

$
0
0

Lahat naman tayo ay galit sa korupsiyon. Lahat tayo ay nababahala sa kriminalidad. Karamihan sa atin ay gustong mabigyan ng solusyon ang lumalalang problema sa droga. 

Nagkakaisa tayo na dapat sugpuin ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, kalusugan, at trabaho.

Lahat naman tayo’y galit sa mga ipokrito – yaong mga magaling lang magsalita at mukhang disente, pero kung ano-anong kasamaan ang ginagawa. Kinamumuhian natin ang mga elitista na ang tanging misyon sa buhay ay ang ibahin ang sarili sa mga "mahihirap" o "di edukado." Batid natin ang katotohanang may mahihirap na matapobre, mayamang hindi matapobre.

Alam natin na ang pagmumura ay gawain ng tarantado, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. Minsan ang magmura ay tanda ng pagkasinsero. Ngunit ang pagmumura ay hindi garantiya ng isang taong di ipokrito.

May panahon na nabuhayan ang mga katulad kong ipinaglalaban ang karapatan ng kababaihan dahil, ayon sa mga survey, 90% sa atin ay naniniwala na dapat nang maipasa ang reproductive health bill at, dahil dito, naging batas ito. Ayon sa atin, may karapatan ang mga babae at kanilang mga pamilya na magplano ng kanilang pamilya at manganak nang ligtas.

Nung huling presidential election may kandidatong nagkamaling magpalabas ng sa tingin natin ay malaswa – isang palabas na niyuyurakan ang dignidad ng kababaihan. Binatikos ng marami ito at natanggal ang kandidato sa slate ng isang partido.

Dati ay sinisikap nating alamin ang lahat ng panig. Inaasahan natin ang midya at iba pang nagbibigay ng opinyon na magsabi ng totoo. At kapag nabisto na sila’y sinungaling, yari sila sa atin.

Dati ay kapag nagkakaibaiba ang ibinotong pulitiko ng mga kapamilya at malapit na kaibigan, hindi natin ikinasasama ito – hindi nawawalay ang damdamin sa mga mahal sa buhay dahil sa kung sinong pulitiko ang ating tinatangkilik.

Sanay tayo na may palagi na lamang galit sa gobyerno, may palagi na lamang kampi sa nakaupo. May ilan sa ating naiinis sa mga lagi na lang nagrerebelde. Sispsip naman ang tingin ng marami sa mga iniidolo ang nasa kapangyarihan. Lagi ang tanong ay, "Tama bang papurihan ang gobyerno o tama bang ito'y batikusin?" At pilit nating inaalam ang mga tunay na pangyayari upang sagutin ang tanong na iyan.

Dati, kapag nagsalita ang mga siyentista at eksperto hindi natin sila tinatalikuran kapag salungat sa ating kagustuhan at paniniwala ang payo nila.

Hindi tayo nagtatawagan ng "dilalwan" at "'tard" dahil nagkakaiba tayo ng pananaw sa pulitika.

Higit sa lahat, hindi tayo nagmamatigas ng loob sa kapwa Pilipino ano pa man ang kanilang kinalugmukan. Taong-grasa, baliw, adik – tao pa rin sila. Hindi sila hayop o salot na dapat nating linisin o patayin.

At ngayon...

Ngayon, hindi na sapat na batikusin ang korupsiyon. Kailangan pa nating itanong kung korupsiyon ng administrasyong ito o administrasyon noon ang binatabtikos. Depende sa ano ang binabatikos ng nagsasalita, agad nating binibigyan ng kulay ang sinasabi. Kapag sinasabi sa atin ng mga eksperto na ang problema ng korupsiyon ay daan-taon nang problema – na matagalan ang solusyon, na dapat imbestigahan ang bawat alegasyon ng korupsiyon sino man at kailan man – walang nakikinig. "Nagmamarunong lamang ang mga 'yan," sasabihin natin. 

Ngayon, kapag ipinagtanggol ng iba ang karapatan ng mga adik, nangangahulugan na wala silang puso para sa mga biktima ng kriminalidad. Kapag naman binabatikos ng iba ang kawalan ng seguridad sa mga komunidad nila, tila di sila pinakikinggan ng mga nakatira sa maaayos na subdivision na binabantayan ng napakaraming security guard. At kapag sinabi ng mga ekspertong dapat bigyan ng rehabilitation program ang mga adik dahil ito ang naging epektibong paraan ng lahat ng bansang nakasugpo ng droga at kriminalidad, walang nakikinig sa kanila.

Ngayon, hindi natin makuhang iboto ang isang senador na nagpasa ng batas para libre na ang tuition sa state colleges and universities. Hindi natin maiboto ang isang taong itinaguyod ang mga call center na nagbibigay ng trabaho sa milyong kababayan. Oposisyon kasi sila. At ang isa namang kandidata na naging pangunahing tagapagtaguyod ng reproductive health bill? Di siya iboboto ng mga bumabatikos sa kasalukuyang administrasyon. Kasama kasi siya sa kabila.

Matagal nang sinasabi ng mga nakapag-aral tungkol dito na ang track record ng isang kandidato ang suriin. Kung dati ang dahilan ng pagboto ay dahil siya ay guwapo, magaling na boksingero, komedyante, o sikat, ngayon isama na natin kung kampi siya o hindi sa administrasyon. Wala na tayong pakialam na dapat may nagbabantay sa Pangulo o sa Kongreso o sa Senado o sa hudikatura. Parang basketbol na lamang ang gobyerno. Kailangan manalo ang atin at kung matambakan ang kabila dahil wala nang kalaban – mabuti nga sa mga talunan na iyan.

Tinatanggap na lang natin ang pagbatikos sa kahalayan at kabastusan kung kakosa natin sa pulitika ang pumuna. Kung ang bumabatikos ay hindi natin kakampi sa pulitika, ipokrito lamang ang mga ito. Di bali ang sinasabi ng mga eksperto na lahat nito’y naririnig ng ating mga anak at nakakasira sa kanilang moralidad. Di bali at sinasabi ng mga may-alam na ang ganitong mga salita ay nakakasira katayuan ng kababaihan sa lipunan.

Kung kakosa natin ang pumuna sa kahalayan ng pari o ng Presidente, okey lang. Kung kalaban, magbubulagan na lamang tayo sa hinaing ng mga biktima.

Ngayon, galit tayo sa midya kung di nito sinasang-ayunan ang ating mga paniniwala sa pulitika. Ngayon, ang pinakikinggan lamang natin ay ang datos na gusto natin. Wala na tayong pakialam sa kung sino ang nagsasabi ng katotohanan at sino ang hindi.

Ngayon, hindi natin itinatanong kung dapat bang maparusahan ang isang tao. Ang tanong na lamang ay kung kakampi natin siya.

Ngayon, matindi ang away ng kapatid laban sa kapatid, ama laban sa anak, kaibigan laban sa kaibigan, dahil sa pagkakaiba nila sa pananaw sa administrasyon. 

Ngayon, ang panawagan na "magkaisa" ay panawagan ng isang panig na huwag nang kumontra 'yung kabilang panig. At kapag nagbigay-payo ang mga may-alam – akademiko, labor leader, women’s advocate – matapobre lamang ang mga ito, sobra ang pinag-aralan, mga disente. At kapag nagbigay ng opinyon ang ordinaryong mamamayan, ignorante ang mga ito at walang pinag-aralan.

Ngayon, handa tayong tawagin na hindi makabayan, di Pilipino, o hindi tao ang ilang grupong iba sa atin. Handa nating laitin, apihin, o ipapatay ang mga ito.

Anyare, Pilipinas?

Panahon na

Di kaya panahon nang makinig ulit sa isa’t isa? Sama-samang hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatagisan ng opinyon? Oras nang tanggapin na iba-iba tayo ngunit pantay pa rin sa isa’t isa, kahit 'yung mga nagkamali o nagkasala sa atin?

Huwag nang ipamukha sa mga kritiko na nanalo ang ating kandidato, kaya dapat ay tumahimik na lamang sila dapat. Tigilan nang sabihin na nagkamali ang ilan sa pagpili ng mamumuno at sisihin sila sa kasalukuyang problema ng bayan.

Panahon nang intindihin na aahon tayo hindi dahil sa isang lider. Dapat nang intindihin na ang galit natin sa kahirapan at kriminalidad ay hindi dapat ipagamit sa kanino man upang pag-awayin tayo. Hindi sapat ang galit. Sa halip, ang galit ay dapat maging dahilan ng sama-samang paghahanap ng mga solusyon.

Panahon nang buksan na muli ang loob sa kapwa. Panahon nang umasa muli sa isa’t isa upang pandayin ang isang masaganang kinabukasan. – Rappler.com 

Si Sylvia Estrada Claudio ay dekano ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan ng Unibersidad ng Pilipinas.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>