Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] Kung aaraw-arawin ang pagluluksa

$
0
0

 

Nang mabalitaan ko ang pagkasunog ng Notre-Dame Cathedral sa Paris, France, ang unang tanong ko ay, “May sumunog ba?” Magkahalong pagtataka, pagkalungkot, at panghihinayang ang naramdaman ko – isa ako sa mga Pilipinong pinalad makarating sa katedral na iyon ilang taon na ang nakararaan. Ngunit ilang oras pa lamang nakalalabas ang balita ng pagkasunog ng 850-taong simbahan, nagkalat na ang mga selfie sa Notre-Dame. Throwback Tuesday ang dating. 

Hindi ko tuloy alam kung taos ba sa puso ng mga nagpo-post ang pagkalungkot at pagluluksa sa nangyaring trahedya o sadya lamang silang nakikisabay sa uso at nais lamang nilang ibida na nakaapak sila sa Notre-Dame bago ito masunog.

Ngunit ano pa man ang dahilan ng kanilang pag-post ng mga alaala, hindi ko lubos-akalain na ganito kalalim ang pagkaantig ng mga Pilipino sa imahen ng isang simbahang nasusunog. Ganito ba ang hinagpis natin noong hindi bababa sa 10 makasaysayang simbahan ang gumuho at nasira sa Cebu at Bohol noong lumindol nang magnitude 7.3 taong 2013, bukod pa sa hinagupit ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) sa Tacloban nang taon ding iyon?

Yaman din lamang napag-uusapan ang mga nasirang arkitektura, balikan natin ang mga ginibang makasaysayang gusali sa Kamaynilaan:

  • Ang Avenue Theater sa Rizal Avenue, Manila, na idinesenyo ng National Artist na si Juan Nakpil. Ngayon? Padi’s Point na iyan.
  • Ang Life at Times Theaters sa Quiapo – may palabas pa rin naman, pero hindi na mga kapita-pitagang pelikula. Ibang good time na ang mapapanood dito.
  • Ang Maya Theater sa Cubao? Hindi na rin sinehan, may motel at kainan na ito sa loob.
  • Ang Jai Alai Building sa Taft Avenue na isa sa pinakakilalang halimbawa ng art deco architecture noong 1930s. 

Nagluksa ba ang sambayanang Pilipino sa pagkawala ng simbulo ng mayamang sining at arkitektura ng ating bansa? Na-triggered ba tayo, halimbawa, sa pagkasunog ng mga gusali sa loob ng University of the Philippines Diliman, at pag-demolish sa University of the Philippines Integrated School para maipatayo ang mall na isa sa mga sanhi ng traffic sa Katipunan Avenue?

Mga mumsh, baka maubos na ang luha natin, hindi pa matapos ang listahan ng mga naglaho at pinabayaang estruktura sa Kamaynilaan pa lang.

Anong pagpapahalaga mayroon tayo bilang mga Pilipino sa sariling yaman ng kultura at sining natin? Panay ang selfie natin sa bagong National Museum of Natural History, pero nauunawaan ba natin kung anong mga kuwento ang nasa likod ng mga haligi ng gusaling iyon na ilang ulit nang isinalin ang paggamit?

Gustung-gusto nating makibahagi sa pagluluksa ng buong mundo sa pagkasira ng isang simbulo ng kasaysayan at literatura nila, ngunit hindi naman natin kilala ang mga simbulo ng kasaysayan at literatura natin.

Inaalikabok ang maliliit na museo na mga dating tirahan ng mga bayani, maging ang mga dambana ng kanilang kamatayan. Walang bumibisita para mag-selfie sa gitna ng monumento ni Andres Bonifacio sa Monumento, Caloocan (pero delikado naman kasi tumawid sa gitna ng rotonda). Bibihira ang nagbibigay-pugay kay Jose Rizal sa Fort Santiago – kung hindi dahil sa school field trip at prenup photo shoot, hindi ganoon karami ang bumibisita rito. Walang nakakaalala sa National Scientists kahit na may sarili silang exhibit sa loob ng Department of Science and Technology compound sa Taguig City. 

Ang dapat yatang ipagluksa sa Pilipinas ay ang pagkamatay ng pakiramdam ng mga Pilipino – patay ang pakialam sa sariling kasaysayan at kultura, walang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga bayani, kaya hungkag ang pagmamahal sa bansa. 

Ano’ng pakiramdam na makita ang mga taklobo na sakay ng mga barkong Tsino? Hindi ba nakakaiyak na walang mahuling isda ang mga Pilipino sa sariling karagatan natin dahil natatalo ng naglalakihang barko ng ibang bansa? Hindi ba nakakapanghina ang araw-araw na balita ng mga namatay/pinatay/pinapatay sa bansa dahil sa droga?

May mga tumatakbo sa eleksiyon na mandarambong at magnanakaw, pero imbes na maghinagpis, idinadaan natin sa tawa – ni hindi na tayo nagagalit, kinakalimutan natin ang mga kasalanan nila, at binibigyan natin sila ng pagkakataong isahan na naman tayo.

Sa tradisyong Pilipino, isang taon ang pagbababang-luksa. Ilang siglo na tayong ganito? – Rappler.com 

Si Shaira Panela ay isang multi-awarded science journalist.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>