Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[EDITORIAL] #AnimatED: Ang pagdadalamhati ng mga Pinoy sa pagkasunog ng Notre-Dame

$
0
0

Damang-dama ng mga Pinoy ang pagkasunog ng Notre-Dame Cathedral sa Paris, France, kung pagbabatayan ang reaksyon sa social media.

Hindi naman tayo naantig nang ganito nang masira o gumuho ang 10 makasaysayang simbahan sa Cebu at Bohol noong lumindol sa Visayas noong 2013.

Totoo, malapit ang Notre-Dame sa puso natin dahil sa mga pelikula at animation na kinalakhan natin. Pero 'yan na nga ang masakit – kailangan ng Hollywood movies tulad ng Hunchback of Notre Dame at bakasyon sa Europa upang magka-amor ang mga Pilipino sa isang monumento na hindi naman kanya.

Habang ang sariling atin ay limot at inaalikabok. 

Bakit wala na sa consciousness ng bayan ang mga lugar tulad ng bahay ni Rizal sa Calamba, Laguna na pinintahan ng nakasusukang mint green, o ang bahay sa Kawit, Cavite na naging saksi ng masalimuot na kabayanihan (sabi ng iba’y pagtataksil) ng heneral na si Emilio Aguinaldo?

Bakit wala tayong naramdamang pagkalungkot nang giniba ang Avenue Theater sa Rizal Avenue, Manila, ang Life at Times Theaters sa Quiapo, ang Maya Theater sa Cubao, at ang art deco icon na Jai Alai Building sa Taft Avenue?

Bakit kakarampot lang sa atin ang naimbyerna nang itayo ang Torre de Manila na photo bomber sa magandang tanawin ng Rizal monument sa Luneta?

Colonial mentality ba ito? Misplaced empathy? Medyo, pero mas malalim d’yan ang problema.

Ano ba ang ginawa ng pamahalaan sa mahabang panahon upang pagyamanin ang pagmamahal natin sa mga dambana ng bayan? 

Ayon kay NCCA Chairman Virgilio Almario, masyadong tumutok sa "tangible" at "built heritage" ang pamahalaan pero kulang ang paglilinang sa mga panitikang bayan, salawikain, at wika. At totoo 'yan sa lahat ng administrasyon.

Dahil wala tayong personal na koneksyon sa “intangible heritage,” ampaw ang koneksyon natin sa mga puntod ng ating kasaysayan. 

At hindi lang d’yan makikita ang sablay na pagsapol natin sa kasaysayan. Pinakamasakit ang rebisyonismo na mismong inilalako ng administrasyong Duterte

Golden age daw ng ekonomiya at kultura ang panahon ni Apo Marcos at Imelda. Wala raw ikinulong dahil sa paniniwala noong panahon ni Makoy.  

Mismong mga anak ng dating diktador ay nagpakulo ng sari-sarili nilang kasinungalingan. And'yan ang mga bogus na academic record ni Imee Marcos, na mismong pinabulaanan ng Princeton University at University of the Philippines. And'yan ang pagbaluktot ni Bongbong Marcos sa umano’y tinapos niyang karera sa Oxford.

Madalas ulitin ng Rappler CEO na si Maria Ressa na “a lie told a million times becomes the truth.” Tinutukoy niya rito ang disinformation machinery na itinataguyod ng gobyerno. Pero 'yan din ang kwento ng pag-arok natin sa kasaysayan.

Sa kabilang banda, may positibo rin sa pag-e-emote ng mga Pinoy sa nasunog na iconic na cathedral, na tinawag ng mga Pranses na "soul of the French nation." Ibig sabihin, hindi pa tayo sobrang manhid sa pamana ng lahi. Hindi nga lang sarili nating lahi.

Kung susumahin: mayroon tayong krisis ng national identity, ng national empathy; may krisis tayo ng katotohanan.

Nasa limbo ang ating kaluluwa; lugmok sa social media ang ating ulirat. Bangkay sa bangketa ang pamana ng administrasyong Duterte. Kung nagpapa-bully tayo sa mga Intsik sa karagatang sariling atin, may pride ba talaga tayo bilang Pilipino?

Napakaraming kabalintunaan sa ating lipunan ang pinalalampas natin. Makatao pero aprub sa giyera laban sa droga. Makabayan pero mahilig sa imported. Pro-women pero nakikiliti sa sexist jokes ni Duterte.

Ano ang giyerang dapat nating isinusulong? Ang paghulagpos sa paglimot – paglimot ng kasaysayan, ng wika, at ng mabuting asal.

Kung pakitang-tao lang ang pagsusulong ng “sariling atin,” masisisi ba natin ang Pinoy kung maluha-luha sa pagkasunog ng Notre-Dame? – Rappler.com 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>