Naramdaman ko rin iyon kahapon. Nasa opisina ako sa matandang unibersidad sa Maynila. Wala talaga kaming pasok, pero kailangang tapusin ang accreditation papers and some academic institutional longing (oo, sorry na, #IdealEmployee). Masayang kausap ang chairpersons ng iba pang academic departments ng kolehiyo. Patapos na ang trabaho. Naghahanda nang lumabas. Yumanig ang paligid. Palakas nang palakas. May sumigaw. May iba pang nagsigawan. Hindi ko alam kung kasama ako sa sumigaw. Nag-falsetto. Yata. Basta.
Pinigilan kong huwag mag-panic, hanap agad ako ng mesang kakasya ako. Iyong mukhang matibay, iyong hindi collapsible at corrugated. Wala. Front office desk na idinesenyo para maging mahaba at dugtong-dugtong, hindi standalone. Bahala na. Sumiksik ako sa isang siwang ng mesa. Nakalabas ang kalahati ng katawan ko. Mukhang hindi ako ililigtas ng mesa kung magtutuloy-tuloy ang paglakas ng pagyanig. Dasal. Umiingit ang mga glass doors ng opisina. Kapag lumakas pa, mababasag ang salamin, tatalsik ang bubog. Pinakamatagal ang bawat sandali kapag lumilindol.
Dumaluyong pabalik sa akin ang alaala noong hapon ng July 16, 1990. Lunes iyon. Pang-umaga lang ang klase ko sa Obando, Bulacan. Second year high school ako. Nanonood ako ng nagche-chess sa kapitbahay sa Valenzuela. Umuga. Napakatagal, pero wala pa palang isang minuto. Ganyan kahapon. Ilang segundo, pero mistulang kaytagal.
Hindi ko alam kung tapos na. Nahihilo na ako. May sumisigaw, may nagdarasal nang malakas, pasigaw, may umiiyak. Pinagmamasdan ko ang mga bagay na puwedeng umuga. Kung umuuga, eh di lumilindol pa nga. Nang masegurong wala, tumayo ako. Hilo pa rin. Parang lumilindol pa rin. Inayos ang sarili. Kumapit sa gilid-gilid dahil baka nga matumba. Lumabas sa gusali. Pumunta sa open space kasama ang kasamahan sa trabaho. Nang maramdaman ang kaligtasan, tumawag ako sa pamilya ko sa lalawigan ng Quezon. Hindi raw nila naramdaman. Salamat.
Kuwentuhan kami ng mga kasamahan ko. Tantiyahan kung gaano kalakas ang pagyanig. Inihambing sa mga dati nang naranasang lindol. Ang mga kasamahang may edad, binalikan ang karanasan noong 1990; ang mga mas matanda, iyong pagguho ng Ruby Tower sa lindol ng 1968. Para makatiyak kung gaano kalakas, kung nasaan ang epicenter, kung may napinsala at biktima, isa-isa kaming nagbukas ng smartphone. Nagbasa ng news feed sa social media. Na wala pang 5 minuto, binaha na ng status: lindol.
Marami ito. From short ones in uppercase: LINDOL! Hanggang sa mahaba-haba, in few words, replete with mura, telling na umuga sa lugar kung saan sila naroroon. Habang tumatagal, papahaba na nang papahaba ang status message. Composed na. Ligtas na. May mga status na parang news dispatch. Pero meron na ring nagpapatawa. Nagiging hugot na kesyo wala na silang pakiramdam o manhid na.
Dagsa na rin, natural, ang mga larawan at short video clips during or moments after the quake kung saan nasa ligtas na silang lugar na may data signal at pupuwede nang mag-upload ng post. Of course, may magte-trending. Maraming magiging viral. May mabibilis gumawa ng meme na kagyat iniugnay sa pinakamaiinit na isyung pambansa ang lindol. Para saan pa ang pagiging number one nating gumagamit ng social media sa mundo kung hindi natin ipaaalam ang nararamdanan natin sa kabila ng lahat ng natural o intelligence fund-induced calamity man?
Well, kasama rin ako sa nag-status. Isa ako sa maraming smartphone-toting Pinoy na nagwawaldas ng ilang oras kada araw sa harap ng gadget. Pero totoo ang status ko – akala ko talaga high blood ako dahil nagme-maintenance medicine naman talaga ako. Nahihilo. Naalala ko ang huling kinaing liempo. Lindol pala. Meron ding hindi totoo, in a form of payo. Since ramdam niya, ’ka ko, ang lindol, sabihin na rin kay crush na may nararamdaman din siya para kay crush.
Matapos ang isa o dalawang oras na pagtunghay sa social media, nagdatingan ang impormasyon. Mas malala ang naging tama sa Pampanga. Maraming nag-crack o tuluyang nasirang gusali sa lugar na sakop ng 6.1-magnitude na lindol. At ngayon, habang isinusulat ko ito, matapos ang isang araw, naglalabasan na ang mga kuha ng CCTV sa epekto ng lindol lalo na sa matataas na gusali sa Kalakhang Maynila.
May nag-private message sa akin kagabi. Bakit ko raw nagagawang magpatawa sa kasawian ng iba?
Puwedeng mali ako, pero iba ang dating sa akin ng private message. Gusto yata niyang sabihin na hindi na dapat maging humorous sa panahong may kalamidad. Na dapat ang lalabas sa social media at mamutawi sa virtual mouths natin ay pakikidalamhati, pagtulong, pakikiisa.
Hindi gaya ng ibang kalamidad, walang pasabi ang lindol, lalo na iyong tectonic ang origin. Wala pang malinaw na babala maliban sa pagsasabi sa atin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) na aktibo ang ganito at ganoong fault sa ilalim ng lupa. Kaya nga malinaw ang panawagan: laging maging handa dahil instant o walang babala, hindi gaya ng bagyo o monsoon rains. Kaya nga maraming drill na isinasagawa tungkol sa lindol. At sa lindol lang naman yata naglalabasan ang maraming nagpapatawa o ginagawang magaan ang pangyayari.
Pero maiiwasan ba ang ganitong uri ng dagsa ng status? Impulsive ang pag-status bilang extension ng ating kakayahang magsalita at magpahayag. Boses natin ito. Kung paanong sinabi kong lumilindol kahit pa ramdam naman ng lahat sa paligid ko na lumilindol. Mabilis itong pagtiyak na hindi cholesterol-fuelled ang pag-uga at hilong nararamdaman ko. Kaya ang mga unang mababasa sa news feed ay maiigsi, mabilisang pahayag na lumilindol nga. Mayroon pa ngang real time ang pag-upload, kung pagbabatayan ang time stamp sa status. Thus the title: Duck, Cover, Upload.
Ang sa akin, huwag agad masamain ang masasayang status matapos ang lindol. Walang intensiyong gawing katatawanan ang kasawian ng iba. Kung hindi malaki ang pinsala sa lugar kung saan naroroon ang nag-status, basahin ang status bilang impormal na pagtugon sa application ng Facebook na “<insert FB account name> marked himself safe <insert kalamidad at kung saan nangyari ang kalamidad>.”
May signal sa lugar kung saan naroon ang nag-status. Magandang sintomas itong maayos sa kaniyang bisinidad; otherwise, hindi ganito ang kaniyang status kung meron mang signal. Kaya ito ang una kong ginawa matapos lumabas sa gusali, matapos kong maramdaman at matiyak ang kaligtasan: tawagan ang mahal sa buhay, makaramdam ng lugod kapag nag-ring ang kabilang linya; ibig sabihin, buo pa ang communication infrastructure. Malugod lalo kapag sagutin at sabihing ligtas sila, o, sa kaso ng pamilya ko kahapon, hindi nila naramdaman sa lalawigan ang lindol.
Indibidwal na boses ang birtwal na status ng bawat isa tuwing may kalamidad tulad ng lindol. Kapag tinutunghayan sa news feed, nakikita at nababasa ang kolektibang boses ng mga taong kabilang sa iyong birtwal na ugnayan. Ligtas ang karamihan dahil nagagawang magbiro, nagagawang pagaanin ang kanilang sitwasyon. Pero hindi nangangahulugang ginagawa nilang katatawanan ang kasawian ng iba. Ligtas ka rin dahil mayroon kang kapangyarihan, via social media, na makita ang nagaganap. Kasunod na nito dapat ang pakikiisa at paglingap. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.