Well-trodden to the point of exhaustion and relegation to cliché na ang katagang “nagmamadaling Lunes.” Nagmamadali naman talaga ang karamihan ng mga kabilang sa rat race ng buhay at kabuhayan sa nagmamadaling lungsod kapag nagmamadaling Lunes. Lalo ngayon habang isinusulat ko ito. Kinalunesan matapos ang mahaba-habang bakasyon. At Lunes kung kailan isang linggo nang sinisimulan ang dry run bilang bahagi ng unti-unting pagpapatupad ng provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA. Dry run. Susubukan. Pero ngayon pa lang, masasabi kong magastos, anti-poor, at lubhang makakaabala sa buhay at kabuhayan ang panibagong eksperimentong ito ng MMDA. Hindi na tayo nagtanda.
Ito ang napatunayan ko sa kahabaan ng pamumuhay ko sa lungsod: nasa isip lang natin ang pagmamadali lalo kung Lunes. Hindi naman talaga tayo pinapayagang magmadali ng pagkakataon. Mistulang nagkakaisa ang lahat ng sektor at salik para pabagalin ang ating pagmamadali:
- Ginagawang kalsada ngayong kampanya, check.
- Nagkasagiang sasakyan sa highway, check.
- Walang enforcer sa choke point ng highway kaya nakabalandra ang mga city buses, check.
- Illegal na estruktura at terminal ng mga dyipni at traysikel sa mga kanto-kantong sumasanga sa highway, check.
- Double parking sa mga tributary alternative roads, check.
- Halos isinarang kalsada dahil nagha-house-to-house si mayor at konsehal, check.
Status nga sa social media ng mga naiwan sa lungsod nitong nagdaang Semana Santa, huwag na raw tayong bumalik dahil masaya na sila sa kaluwagan ng mga kalsada. Huwag na raw tayong bumalik. Oo, tayo, dahil nasa Vietnam kami ng pamilya ko buong Semana Santa.
Huwag na raw tayong bumalik, sabi ng mga naiwan na, ewan, baka wala lang pambakasyon o babakasyunang lugar noong Mahal na Araw, o dahil walang kinikilalang Holy Week ang trabaho. Maluwag nga naman ang Metro. Parang airstrip ang luwag ng EDSA batay sa nag-viral na larawan. Ganoon din ang masikip na España Boulevard kung saan naman ako naghahanap-buhay.
Pero lahat iyan ay pababagalin (or more of like, pasisikipin) ng nagmamadaling Lunes. Idagdag pa ang mainit na panahong nakakapagpabula ng pawis sa kilikili, manaka-nakang water at power shortage, blaring trompa jingle ng mga trapong kandidato, pati na ang kanilang eyesore na naghambalang at naglipanang tarpaulin at campaign materials. Balik na uli sa realidad at irony ng nagmamadaling Lunes ng lalong papainit na kampanyahan.
Which leads me to this: homestretch na kasi ng kampanyahan. Ilang araw na lang, pipili muli tayo sa, aminin na natin, limitadong pamimilian ng maglilingkod (o mananamantala, depende sa pananaw mo) sa bayan.
Homestretch, gaya ng “nagmamadaling Lunes,” is a much maligned cliché. Pero mabisa pa rin. Umiiral sa maraming layers ng buhay natin ang salitang “homestretch.” Sa mga karerista, ang homestretch ay iyong huling pagliko ng mga nagkakarerang kabayo hanggang sa finish line. Sa homestretch nangyayari o inilalabas ang mga huling trick ng mga hinete sa kanilang sinasakyang kabayo. Wika nga, kung may ibubuga pa, ibubuga na sa homestretch.
Umiiral ang homestretch lalo doon sa mga nakakapit lang sa survey o sa lokal na posisyon, iyong hindi masyadong napapansin, o hindi dala ng mga religious denomination na may block voting, which, as of this moment, malamang, nasabi na kung sino ang bibitbiting mapapalad na kandidato, kaliwa’t kanan man ang kinakaharap na kaso. Sa homestretch lumalabas ang Plan B o C. Sa homestretch kadalasan nagiging marumi ang kampanya, o mas lalong dumudumi kung dati nang marumi.
Umasa tayo sa homestretch ng kampanyahan. Mas lalong magiging hardsell ang pagbebenta sa sarili ng mga kandidato, mas lalong mambubulahaw, mas lalong magpapaka-relevant. Mas lalong magbabatuhan ng putik o maglalabas ng mga “alas.” Pansinin, sugal ang pinagmulan ng homestretch, sugal din ang cultural reference ng “alas.” Dahil, hindi ba, sugal din ang “karera” ng buhay? Kung paanong tayo – ang sambayanan at ang kaakibat na kapangyarihan at kaban ng bayan – ang premyo sa sugal ng mga kandidato?
Basta. Maghinay-hinay. Huwag magmadali. Magnilay. Lalo sa pagpili ng iboboto. Kilalanin pa ang mga kandidato. Huwag iboto ang gagawin lang premyo ang puwesto, lalo na iyong may kasaysayang manlapa ng ating buwis at pondo.
***
Sa unang pagkakataon noong nagdaang dalawang linggo, nailabas ko ng bansa ang aking pamilya. Unang beses nilang makatuntong sa lupaing hindi nila mabasa ang karamihan sa signage at hindi sila magkaintindihan ng binibilhan nila ng ice cream sa mall. Isama pa ang nakalilitong paggasta ng pera nilang maraming zero. Maganda ang aming karanasan sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.
Hindi ito mangyayari kung hindi sa pakikipagtulungan ng maraming tao. Nagpapasalamat ako sa aking kapatid at sa kanyang asawa, ang aking Ate Cecil at Bayaw David, na propesor sa isang prominenteng unibersidad sa Ho Chi Minh o mas kilala pa rin sa tawag na Saigon, na nagsilbing host at tour guide sa mahaba-habang lakaran noong nagdaan Linggo. Sa tinutuluyan nilang condo unit kami nanatili nang limang araw ng aking asawa at dalawang anak pati na ang ang kapatid kong si Ditse Teresa.
Si Bayaw David ang kasa-kasama ko sa pag-inom ng malamig na serbesa o masarap na kapeng kilala sa bansang ito sa labas ng kanilang compound, pati na ang pagdayo sa mga kainan ng phở at bánh mì na mga prominenteng delicacy sa Saigon na na-enjoy din ng aking mga anak. Nangamba ako, sa totoo lang, na baka hindi nila ma-appreciate ang maraming herbs na inilalagay sa pagkain ng mga Vietnamese.
Nagpapasalamat din ako kay Ma’am Maria Coloma ng Travel Specialist Ventures, isang magaling at masinop na travel and tours agency na matatagpuan sa Quezon City at Lucena City na nagbigay sa aming pamilya ng napakagandang offer para makapaglakbay sa bahaging iyon ng rehiyong ASEAN.
Narito na rin lang, sasamantalahin ko na ang panawagan. Sa Mayo 11, Sabado, 2 pm hanggang gabi – ang huling araw kung kailan wala pang liquor ban dahil sa eleksiyon kinalunesan – muli kaming magkikita-kita ng aking mga kaklase sa elementarya sa barangay at lungsod kung saan ako lumaki, namulat, at nagkasungay: ang Coloong, Valenzuela.
Kabilang ako sa batch 1989 (oo, ganyan na ako katanda) na matapos ang ilang dekada ay magre-reunion sa Sebastian Resort sa Coloong 1. Tatlumpong taon na kaming graduate sa elementary bagamat masasabi kong may bahagi pa rin ng pagkatao kong elementary pa rin kung umasta. Mukha at katawan ko lang yata ang tumanda.
Maganda ang barangay namin, parang hindi bahagi ng Kalakhang Maynila dahil, totoo ito, sariwa pa ang hangin. Malawak ang mga palaisdaan, maraming puno, kaya parang nasa probinsiya pa rin. Mas mukha pa ngang urban landscape ang mga kahanggang bayan ng Obando at Meycauayan sa Bulacan kaysa sa Coloong.
Dahil sa traffic at distansiya mula sa trabaho ko sa Maynila, bihira na akong bumalik sa aming barangay kung saan naglingkod ako bilang, ehem, pinagpipitaganang barangay secretary nang tatlong taon noong early 2000.
Sa mga nagbabasa sa espasyong ito na kabilang sa Batch ’89 ng Coloong Elementary School, tara! Maaari kayong makipag-ugnayan kay Asuncion Layson sa numerong 09097309316 at kay Antonio Pasco sa numero 09227356492. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.