Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] 'Boss, pakisingit'

$
0
0

Photo by Alecs Ongcal/Rappler

Kailangang pag-ukulan ng pansin ang bahagi ng statement ng Pulse Asia hinggil sa kanilang huling isinagawang survey para sa halalang pang-senador. Batay sa panayam ng Rappler sa pangulo ng Pulse Asia na si Ronald Holmes, isa sa bawat tatlong botante ang hindi makakakumpleto ng labindalawang ibobotong senador.

Hindi naman kasi tayo required kumpletuhin ang bilang ng senador na iboboto. Hindi sapilitan. Pwede ngang walang iboto. Kung gusto mo lang bumoto sa lokal na eleksyon at hindi sa senador, ayos lang. Pero kung lalabis naman sa itinakdang bilang ng dapat iboto, labindalawa sa Senado halimbawa, magiging imbalido ang balota.

Idinagdag pa ni Holmes, ang karaniwang botante na na-survey ay boboto lamang ng "a mean of 8 and a median of 9 (out of a maximum of 12) of their preferred candidates for the senatorial elections."

Ibig sabihin, karaniwang may bakanteng tatlo o apat na senador sa iboboto ang mas nakararaming botanteng PInoy. E sa wala kang mapusuan, hindi ba? E sa hindi mo kakilala ang ibang kandidato, hindi ba? E sa iilan lang ang pinaniniwalaan mong maglilingkod nang matapat at maayos, hindi ba? Walang masama dito. Ang totoo, ang mas masama ay iyong piliting kumpletuhin ang nasa balota, kahit pa ibinoto mo lang ang isang kandidato dahil naisipan mo lang isingit. Maliit na bagay, isiningit.

Marami itong personal na pasingit sa eleksyon ng lokal na pamahalaan; mula sangguniang barangay hanggang sangguniang panlalawigan o sa mga posisyong hindi one-on-one ang pagboto gaya ng sa mayor, gobernador, o congressman. Pasingit, ipapakiusap sa iyo ng kandidato matapos kang kamayan, matapos iabot ang polyetong nagtataglay ng kaniyang bio-data at mga nagawa, polyetong sana'y walang nakasingit na sobreng may perang pambili ng boto.

Dahil sinusuyo, sasabihin sa iyo ng kandidato o ng kung sino mang emisaryo, "Boss, Pakisingit," ipakikiusap sa iyo. Oo nga naman. Dahil sabi nga sa survey, isa sa tatlong Pinoy lang ang makakakumpleto ng labindalawang senador, pwedeng ganito rin ang para sa konsehal ng lungsod o munisipyo o board member ng lalawigan. Pakisingit lang daw kahit sa huli. Kahit iyong panghuli lang sa listahan mo.

Lalapitan ka ni kumpare o kumare, ng kababata o kapitbahay, ng kung sinong inaakalang pakikinggan mo sila. Pakisingit ang kandidatong sinusuportahan nila. At ikaw, sa kagustuhan mong makumpleto, isisingit nga.

Sa pakisingit na ito, nananalig ang mga kandidatong may name-recall. Itong lubos kong kinabubuwisitang konsepto ng personality politics sa bansa kasama ng salitang "winnable." Hindi baleng hindi alam ang gagawin kapag nanalo, hindi baleng tahasang nagnakaw, basta may name-recall at winnable, mananalo pa rin. Basta pamilyar ang apelyido o mukha, magaling umarte. Basta sikat. Ang mga kandidatong ito ang nakikinabang sa pasingit kapag halalang pambansa.

Delikado ang pakisingit kahit sa huli lang ng iyong listahan ng iboboto. Delikado ang, sa kagustuhan mong makumpleto ang iboboto, magsisingit ka sa huli ng ang tanging batayan mo ay naaalala mo ang pangalan, ang retokadong mukha, ang apelyido, ang pinagbidahang pelikula o teleserye.

Sa darating na halalan, punuin ang balota kung kaya. Punuin ng pinagnilayang mabuting kandidato. Oo, kahit iyong hindi pumapalo sa survey dahil hindi sikat. Dahil walang pelikula o hindi nasangkot sa anomalya. Punuin ng kandidatong ang puhunan ay talino at hindi apelyido. Pero kung kulang ang iyong iboboto, gaya ng karaniwan, okay lang iyan. Kaysa maisingit mo ang hindi karapat-dapat.

Tandaan mo sanang pareho lang ang bilang ng kandidatong bunga ng iyong matagal na pagsusuri at pagninilay; iyong mga kandidatong nasa unahan ng iyong listahan. Pareho lang ang bilang niyan sa kandidatong isiningit mo lang dahil popular, o ang pangalan ay lubhang pamilyar dahil sikat o corrupt. O sikat na corrupt.

***

Nasa New Silay-Bacolod City airport ako ngayon habang isinusulat ang pampuno sa espasyong ito. Pabalik na ako sa Maynila. Naanyayahan ako bilang tagapagsalita ng mga guro at administrador ng ilang piling paaralan sa bansa. Inorganisa ng International Leaders in Education Program – Fulbright Distinguished Awards in Teaching Program ang National Conference on Teacher Leadership na ginanap sa Colegio San Agustin dito sa Bacolod.

Nagsalita ako hinggil sa paksang social media dynamics and ethics para sa mga guro at administrador. Mukhang simple ang paksa, sinsimple lang ng paggamit ng social media, pero siyempre hindi. Komplikado ito. Maraming kawing-kawing na paksang dapat mapagnilayan ng mga guro at administrador ng paaralan.

Habang naghihintay ng flight, binalikan ko ang status ko sa Facebook noong isang araw. Isinulat ko ito habang nag-aagahan sa isang sikat na fastfood chain, habang hinihintay ang pagkakaton kong magsalita sa nabanggit na seminar.

Ganito ang nakalagay sa status ko, na sana ay mapagnilayan din ninyo:

Ang daming kandidatong sinasabi kung ano ang nagawa nila para sa bayan. Ang karamihan, kung anuman itong nagawang ito, naisagawa dahil sa pondo ng bayan o buwis na galing din sa atin. Isinusumbat ang kani-kanilang ipinagawa o ipinaayos. Na para bang sinasabi, "o hayan, inayos ko ito, ipinagawa ko 'yan (gamit ang buwis ninyo – hindi ito sasabihin, siyempre). Ipinagawa ko, imbes na nakawin ko ang pondo, pasalamat kayo..."

Tapos papalakpakan ng marami sa atin. Papalakpakan ng marami sa atin na para bang utang na loob natin na matino sila habang nakapuwesto o kapag nakapuwesto na sila. May maling mindset dito.

Hindi ako nanumbat bilang guro. Na sasabihin sa dating estudyante, "Pasalamat ka sa akin, natuto ka..." o "Pasalamat ka sa akin, ipinasa kita..." dahil responsibilidad kong matuto siya (hindi man pumasa). Though in some instances, may mga kakilala akong ganito. Feeling pinakaimportanteng tao. Feeling siya ang sentro ng mundo.

Walang service crew ng fastfood na nagsabi sa akin ngayon habang nag-aagahan na "Pasalamat ka, nag-serve ako sa iyo, kung hindi, tirik ang mata mo sa gutom..."

O traffic aide na nakikita ko ngayon dito sa abalang lansangan ng Bacolod: "Pasalamat naman kayo at inaayos ko ang traffic..."

O piyon: "Pasalamat kayo at inayos ko ang daan at tulay..."

Tanging pulitiko lang ang mahilig manumbat. Na para bang utang na loob natin na hindi sila garapalan kung magnakaw. Ang malungkot, nagpapasumbat naman ang marami sa atin.

Malapit na ang halalan. Pero hindi mo pa kailangang magdesisyon agad. Magnilay ka pang mabuti kung sino ang iyong ihahalal. Hangga't maaari, hindi yung nanunumbat o magnanakaw. O magnanakaw na nga, nanunumbat pa. – Rappler.com

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>