Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 2018, “I encourage Congress to enact a law that will require mandatory ROTC for Grades 11 and 12 so we can instill patriotism, love of country among our youth.” Ngayon, ilang tumbling na lang, maipapasa na ang batas.
Oo, si Duterte. Siya na umaming nameke ng medical record para makaeskapo sa Reserve Officers' Training Corps o ROTC noong nasa kolehiyo.
Pansinin natin ang mga salitang "patriotism" at "love of country." Anong pagmamahal sa bayan ang maitatanim sa mga disisais, disisyete at disiotso anyos ng ROTC?
Bakit mismong ang UP Vanguard ang pumosisyon laban sa ROTC? Sabi ng grupo, hindi sila kontra sa ROTC – pero kontra sila sa pagpapatupad nito sa hanay ng mga menor de edad.
Dagdag pa ng mga taga-Vanguard, nilalabag ng panukala ang Optional Protocol to the Convention of the Rights of the Child na hindi dapat nandaramay ng mga bata sa armadong tunggalian.
At laking kalokohan na gawing mandatory sa high school ang training na dinisenyo para sa “reserved officers,” gayung wala pa sa wastong edad na pumasok ng reserved force ang mga ito.
Babala ni Alliance of Concerned Teachers representative France Castro: "Bakit po ba tinanggal 'yung ROTC no'ng 2001? Kasi maraming nareport na ginagamit ito sa corruption…. At an early age, natuturuan na ang bata ng corruption.”
Sa salaysay ng isang nagkomento sa Facebook, "Ang natutunan ko lang sa ROTC magbilad sa araw subalit dati ko nang gawain yun, ang gamitin ang salitang "gaddemit!!!" Natutunan ko ring magtanim ng galit sa mga mapang abusong officers na pag gustong mag trip mag titrip. Madami akong natutunan. Ang lagyan ng ihi ang sabaw ng tinolang isda ng mga officers kasi ginagawa kaming alila. Pero hindi ko natutunan kung ano ba talaga ang tunay na ROTC."
Alalahanin natin si Mark Welson Chua, isang University of Santo Tomas at myembro ng ROTC. Natagpuan ang bangkay niyang lulutang-lutang sa Pasig River noong 2001. Konklusyon ng National Bureau of Investigation na mga myembro ng UST ROTC ang responsable sa kanyang pagkamatay dahil isiniwalat niya ang korupsyon sa UST ROTC sa pahayagan ng unibersided.
Dagdag pa ng isang nagkomento sa Facebook sa isang pagbabalik-tanaw sa ROTC: 1) I wasted 2 years of Saturdays during my freshman and sophomore year in formation doing nothing. 2) My parents spent more money for my uniform and boots than my everyday clothes (‘di s’ya mura).
Anong values ang matutunan ng kabataan sa ilalim ng administrasyong nagtalaga ng isang Ronald Cardema sa National Youth Commission na nagpakulo ng militarista at mapanupil na mga panukala?
Anong values ang mututunan ng kabataan kay Duterte na sa isang pagtitipon ay nang-agitate ng mga musmos na Boy Scout sa Malacañang. Pagkatapos ng event, sabi ng mga kabataan: "Magsusundalo ako. Papatayin ko ang mga rebelde." "Papatayin ko ang mga drug pusher."
Ngayon pa lang, ginagaya na ng kabataan ang pambabastos sa kababaihan na nakikita sa mga pinuno ng bansa. Sa pinagpipitagang institusyong Philippine Science High School o Pisay na umano'y rurok ng kagalingan ng matatalinong kabataan, nilapastangan ng mga estudyanteng lalaki ang mga kaklaseng babae – nagpalitan sila ng nude pictures ng mga dating girlfriends na parang nagpapalitan ng trading cards.
Sa kasaysayan ng mundo, andyan ang Hitler Youth na humubog sa kabataang Aleman para maging Nazi. Ganoon din ang Opera Nazionale Balilla at Gioventù Italiana del Littorio na nag-indoctrinate sa mga musmos na 8 taong gulang pataas nung panahon ni Benito Mussolini.
Ito ang malinaw: dahil sa kagustuhang maaagang makontrol ang isip ng kabataan, ipapataw ang isang programang lumalabag sa karapatang pantao ng mga bata.
Sa isang editorial, Bringing Up Cain, tinanong ng Rappler: Lumilikha ba tayo ng henerasyon ng insensitibo, walang pakiramdam at imoral na mamayang hindi matitinag ang sampalataya sa gatilyo ng baril?
Ibasura ang basurang panukalang ROTC sa grade 11 at 12. Pasasalamatan tayo ng susunod na henerasyon na 'di natin sasayangin ang oras nila. – Rappler.com