Malayo sa bituka ng buhay pulitika nating mga Pilipino ang Tiananmen massacre na 3 dekada nang nakalipas. Bakit ba natin ito pag-aaksayahan ng panahon?
Bakit mahalagang gunitain at magbaliktanaw sa Tiananmen?
Dahil isang multo ng kasaysayan ang Tiananmen na patuloy na gagambala sa atin at sa buong mundo. Hindi lang dahil sa dami ng pinaslang – kundi sa lupit ng kampanya ng estadong Tsina na limutin ito.
Dahil ang rehimeng nagpanganak sa Tiananmen Massacre ay mas makapangyarihan ngayon – lalo pang tumindi ang aparato ng pagkontrol ng Communist Party sa panahon ng internet at abanteng teknolohiya kung saan may facial recognition at listening technology.
Tatlong dekadang labas-masok sa kulungan ang mga lider na humingi ng demoktratikong reporma at mga magulang ng pinaslang na nagdemanda ng hustisya.
Hindi sapat na namatay na sa kulungan si Liu Xiaobo, ang 2010 Nobel Peace Prize winner, na isa sa masidhing pinuno ng kilusang demokrasya ng Tsina.
Lalo pang tumindi ang paninindak at lantarang pagdampot sa mga lider ng naghihingalong pro-democracy movement sa Tsina.
May 6 na aktibistang dinampot at “nawala” matapos mag-exhibit ng isang painting na pinamagatang “A Conscience Movement” sa siyudad ng Nanjing.
Kamakailan lang, nahatulan sa korte ang 4 na lalaking nagbenta ng alak dahil lamang binanggit nila ang Tiananmen sa marketing ng produkto.
Malupit ang epekto ng 3 dekadang kampanyang kalimutan ang Tiananmen. Sa Hong Kong na lang nagaganap ang paggunita, pero tila wala nang pakialam ang kabataan, at alien o banyaga na sa kanila ang kahulugan nito.
Ito'y tulad ng paggunita ng February Revolution sa Pilipinas na sa pagdaan ng panahon ay walang kapit sa kamalayan ng mga millennial na Pilipino. Dagdag pa rito ang rebisyonismo at sadyang pagpapalabnaw ng mga selebrasyon ng nakaupong pamahalaan dahil simbolo ito ng kaaway sa pulitika.
Hindi malinaw kung ilan talaga ang namatay sa Tiananmen – may daan-daan daw hanggang 10,000. Parang giyera laban sa droga sa Pilipinas – hindi malinaw ang bilang, na tinatantsang umabot sa 27,000.
Sa Tsina at Pilipinas, gobyerno ang nagpapalabo ng mga datos upang marebisa ang katotohanan.
Pero tulad ng Martial Law, hindi pwedeng talukbungan ang Tiananmen.
Sampal sa mundo ang paglimot sa mga kahindik-hindik na pangyayaring ito. Pruweba ito ng lumiliit nang demokratikong espasyo sa Tsina, sa Hong Kong, at maging sa Pilipinas, kung saan umeeksena sa ekonomiya ang mga Intsik.
Isa sa hindi mabuburang imahe ng Tiananmen si “Tank Man,” ang di kilalang nagprotesta at nangahas humarang sa mga tangke ng militar. Simbolo siya ng nalalagas na hanay ng freedom-defenders sa Asya sa harap ng hagupit ng malulupit na estado.
Pero simbolo rin siya ng tapang at pagbalikwas sa harap ng karimlan.
Sa Tiananmen man o sa airport tarmac o sa Mendiola, huwag nating payagang lusawin ng paglimot ang pagmamahal sa kalayaan at demokrasya. – Rappler.com