Quantcast
Channel: Rappler: Views
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

[OPINYON] All these middle class tito things

$
0
0

Image from Shutterstock

 Matagal na akong tito. Nasa kolehiyo na ako noong 1995 nang ipanganak ng ate ko ang panganay niyang anak. Mula noon, ginampanan ko na ang gawaing pang-tito: magninong sa binyag ng pamangkin, magpatulog sa sanggol, sumamang magpa-enroll sa school, nagpayo, naglibre. Pero, siyempre, hindi ang titong iyan ang ibig kong sabihin.

 Ipinanganak ako noong 70s. Namulat noong 90s. Well, iyon ang inaakala ko, namulat. Inabot ko ang tail end ng paggamit ng makinilya para sa term papers at para sa ilang tulang nalathala sa magazines, hanggang sa bukana ng Word Perfect at Wordstar 4 era.  

Noong 1997, namangha ako sa kakayahan ng internet at inkjet printer na malayo sa ingit ng uri ng dot matrix. Nagpasa ako ng term paper replete with advertisement ng noo’y papayabong pa lang na paggamit ng cyberspace para sa mag-aaral na gaya ko. Napahanga ko ang professor ko. Makulay daw ang isinumite kong proyekto. Hindi ko lang alam kung may laman o may bahid ng talino. 

Sinalubong ko ang MS Word, natuto rin ng MS Office bago magbago ang millennium. Nakinabang ako sa katapusan ng Game&Watch at Nintendo Family Computer, sa unang Tekken, hanggang sa simula ng Counter Strike at Red Alert. Hindi ko na kinayang maglaro uli. Madali akong ma-addict sa games. Alam ko kung kailan dapat tumigil. 

Nagka-penpal ako noong high school. Lima. Sabay-sabay. Tapos, noong kolehiyo, nagsulatan kami ng girlfriend ko pa lang noon na asawa ko na ngayon. Sulatan – as in, long hand 3 times a week via Philpost na koreo pa ang tawag noon na snail mail na ngayon.  

Long distance relationship na ang Valenzuela at N. Domingo, San Juan. Tatlong araw bago dumating ang sulat. Oo, 1990s na ito. May landline na sa baryo namin sa Valenzuela, ang Bayantel. Pero mahal magpakabit ng linya. Kaya mas ginhawa pa ang magsulat gamit ang primitibong ballpen sa yellow pad. O maghulog ng barya sa telephone booth o makitawag sa mga tindahan, dalawang piso kada tatlong sindikatong minuto. Natuto akong makipag-date nang walang maya’t mayang tanong ng “Wer na u?” sa text o PM. 

Pang-Sabado o Linggo na lamang tinutugtog sa FM station ang mga paborito kong kanta noon na, come to think of it, paborito ko pa rin palang kanta ngayon. Nasadlak ako sa Pearl Jam at Nirvana, kay Enya, at sa tingin ko’y dapat nang maging National Artist na si Rey Valera.  

Umiiral noon ang sinehan all by its lonesome self. Tanda ko pa ang sinehang Aliw sa Meycauayan, Bulacan, katabi ng IS supermarket. Pero, unti-unti, kinupkop ng mall ang mga sinehan. Well, kinupkop na ng mall ang lahat pati NBI, LTO, DFA, oo pati misa. Hindi nakapagtatakang magkaroon na rin ng ossuary sa pinakamalapit ninyong tambayan para pwede nang isabay sa libing o lamay ang midnight sale. 

Lahat ng ito, nasasabi at naaalala ko dahil tito ako. Tito sa isip, sa salita, at may malaking tsansang sa gawa na nga. 

*** 

Sa sandaling pag-browse ng inyong friendly neighborhood search engine gamit ang keywords na “tito” at “manila,” marami ka nang mababasang sintomas na isa ka nang tito (o tita, but I can only speak for myself at sa mangilan-ngilang titong kakilala ko, sorry). But being a tito cannot be defined by age alone – sige, by birth year sa ayaw ipaalam ang edad. Bahala na kayong magkuwenta. Wala ring standard na hitsura bagamat sinasabing ang mga tito ay may mga protruding beer belly. Hindi lahat. Pero meron ako. Parang beltbag. 

Ang tito ay ang mga nakikipag-inuman sa family reunion, malakas bumangka sa kuwentuhan, iyong may baong jokes na pinaglumaan ng panahon. Malayo na ang cultural reference ng humor. Malayo o nakalimutan na. Kaya walang tumatawang pamangkin. 

Pero walang makakapag-define ng pagiging tito. O baka nga ang definition lang ay sa maraming pagka-catalogue sa description kung tito o tita ka na, as espoused by catalogues of these Manila trending sites.  

Malinaw naman kasi. Tito ka kapag may pamangkin ka na. Pero, bukod dito, naniniwala akong tito ka kapag nabuhay ka sa clasp ng bago at luma, ng moderno at vintage. Pero bakit ba kasi kailangang taguriang tito ang isang kaedad ko? Wisdom ba? Pwede. Sana. Nabuhay kasi kami sa panahunang may malaking pagbabago sa lahat ng aspekto ng pagkatao. At, kasabay nito, ang dapat sana’y natutuhan ko kung paano mag-survive. Dahil naka-survive ako. Mukhang hindi masyadong nasalanta ng pagkakataon. At dahil sa tito nga akong makuwento, mai-relay sana sa mga kabataang hindi na inabot ang hirap” ng buhay noon. Para huwag nang danasin ngayon. Para matamasa nang maayos ang gaan ng buhay sanhi ng teknolohiya at Netflix.

Oo nga. Madalas, itinatanong ko sa sarili kung paano ko na-survive ang panahong wala pa akong gadget, walang internet, walang Facebook account. Kung paano makipag-date sa petsang sa isang buwan pa mangyayari nang walang follow-up kung tuloy o hindi. Basta next month magkita tayo sa ganitong lugar at ganitong oras. Oo, nakaranas akong maghintay nang lagpas dalawang oras nang hindi nababaliw kate-text o kapi-PM. O katatanong kung anong oras darating batay sa forecast ng Grab o Waze. Basta darating. Basta hintayin. 

Kaya, bilang tito, hindi maiiwasan ang pagpapahalaga ko sa memento ng lumang tagpuan at panahunang kinalakihan ko, mga bagay na ang sopistikasyon ay nasa matagalang pakinabang. Pagpapahalaga. Sige, lalaliman ko nang bahagya. Hindi lang basta pagpapahalaga. Fascination. Big word. Na ang kahulugan, ayon sa isang website na naglalako ng kung ano-anong marketing and management tools batay sa fascination bilang consumerist attitude, ay “[Fascination is] a neurological state of intense focus, one that creates an irresistible feeling of engagement. It's almost the same as falling in love.”  

Falling in love. Hindi lang basta pagkahilig. Mahilig, kung hindi man in love, ako sa mga relo na ginawa noong 60s hanggang 80s. May ilang pirasong relos ako. Natutuwa ako sa luma pero maasahan pa ring relos. Hindi mamahalin. Pero iyong automatic. Ang pinakakinatutuwaan ko ay ang ginawa noong buwan at taon kung kailan ako ipinanganak. Oo, uubra itong malaman sa lumang Seiko. BMBY ang tawag namin. Birth month birth year. Dalawa ang relo kong ganito. Pinapanood ko lang ang galaw. Binabalikan kung paano ginawa sa makalumang pabrika. Bereft of robotics. Mano-mano. Na-anticipate kaya na gumana pa ang relos matapos ang ilang dekada? Dahil gumagana pa ang automatic na relos na ginawa noong buwan at taon kung kailan ako ipinanganak. Kaunting alog, kaunting adjust, matikas pa rin. Malakas pa rin. Maaasahan pa rin. 

Meron din akong mga lumang fountain pen. Same fascination. Ipinansusulat ko pa rin ng notes sa meeting. Nagsusulat ako sa journal. Minsan nagdo-drawing ng kung ano-anong hugis sa papel. Panlaban sa inip. Pambasag sa monotono ng work-induced stress. Bagamat hindi ko na magamit ngayon sa pagsulat, halimbawa, ng, well, nitong artikulo dahil mas mabilis na akong tumipa ngayon kaysa sumulat nang longhand. Pero mayroon akong mumunting project. Mga personal na sanaysay na isinulat nang sulat-kamay para mabawasan ang guilt sa pagbili ng tinta at lumang panulat na ang totoo ay produkto ng fascination at sentimentalidad.  

May kakilala akong nangongolekta ng plakang vinyl. Mayroong nahihibang kakokolekta ng lumang makinilya. May kakilala akong nangongolekta ng lumang laruan na Made in Japan para balik-balikan ang kabataan niyang nag-aabang ng Voltes V at Mazinger Z. Lahat sila ay tito. Mayroon nang bordering on lolo.  

Pero bakit nga kasi? Ano ba ang prinsipyo ng middle-class longing to be fascinated by these things? Sentimentalismo? In love? 

Wala namang malinaw na sagot. Madaling maghanap at bigyan ng katuwiran. Ligtas ding isipin na lahat naman tayo ay mayroong bagay na gustong ariin. Longing to possess dahil kaya naman. Mayroong ang fascination ay sa lumang bisikleta, o vintage na motorsiklo, uugod-ugod na kotse. 

Madaling ikahon sa aking pagnanais na makabili ng sapatos na maayos noong bata pa ako, na hindi natugunan ng aking magulang dahil mahirap lang kami *sniff sniff* kaya gusto ko ang sapatos ng aking kabataan. May ganiyan. At, palagay ko, hindi lang ako ang nag-iisang titong gustong balikan ang clasp, ang dugtungan ng noon at ngayon, para ipaalala sa sariling, oo, minsan akong nabuhay sa panahong hindi pa gaanong komplikado. Noong panahong hindi pa conscious ang karamihan sa OOTD (outfit of the day, para sa mga titong hindi alam ang jargon ng mga henerasyong sumunod sa kanila) at bilang ng likes sa status ng kanilang buhay. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3257

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>