Maraming antas ng kahulugan ang katagang “pagsakay sa bangka.” Una, puwedeng literal. Sasakay ako sa bangka patungo sa kung saang kailangang tumawid ng ilog o dagat. Sasakay sa bangka dahil malalim at mababasa at maaaring malunod kung lalanguyin ang kabilang pampang. Malinaw ang kahulugang iyan.
Puwede ring figurative ang “pagsakay sa bangka,” lalo kung sa konteksto ng pagsakay bilang pakikialam – as in, sumakay sa mainit na isyu hinggil sa literal na bangka sa Recto Bank. Alam ninyo na itong bangkang tinutukoy ko. Iyong bangkang binangga o nabangga – depende sa kung anong statement ng mangingisda ang gusto mong paniwalaan: before or after the meeting with Secretary Piñol – ng barkong Tsino sa karagatang sakop ng ating bansa. Sasakay ka sa usapin sa paniniwalang hindi lamang ito tungkol sa bangka, sa pangingisda, o sa mga sakay ng bangka. Tungkol ito sa ating bansa at kung paano tayo itrato ng Tsina o ng ating gobyerno mismo.
O kaya ay pagsakay bilang kunwari’y paniniwala sa mahirap paniwalaang pahayag. Parang madalas gawin kapag may taong mahirap paniwalaan pero kailangan mong pakinggan. Boss mo sa trabaho, halimbawa, lalo kung may meeting. Sakyan mo lang ang sinasabi. Spokesperson ng malaking ahensya ng pamahalaan, halimbawa, kapag may press con at laman ng balita. Dahil ayaw mong patayin ang telebisyon o di kaya ay ilipat ang channel, sakyan mo na lang ang sinasabi.
Sakyan mo lang ang sinasabi kahit mahirap. Dahil sa buhay na ito, karamihan naman sa atin ay nakikisakay para sa kung ano-anong kapakinabangan sa buhay. Minsan nga, gusto mong sakyan lang para matapos na ang pagsasalita.
Samantala, marami ring antas ng kahulugan ang bangka. Una ang sasakyang pantubig. Pero puwede ring bangkang ginagamit na termino sa sugal. Sino ba ang bangka? Sino ang financier ng pasugalan? Bangka ng jueteng o kahit pusoy lang. Mula sa konteksto ng sugal, gagamitin ang bangka sa kung sino ang sentro ng talakayan. Nagbabangka ng kuwentuhan. Bangka sa pulong. Bangka sa tsismisan.
Ang totoo, gasgas na imahen ang bangka bilang tayutay o simbolo sa kung anumang figures of speech. Lalo na sa bansa nating pulo-pulo na may pulo-pulong pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat. Marami tayong dalampasigan at ilog. Maraming yamang tubig na gusto ring maging yaman ng ibang bansang mananakop, na lubos na kinatatakutan ng gobyerno natin.
Prominente ang bangka o maliliit na sasakyang pantubig sa kahit anong aspekto ng buhay at kultura natin. Tigib ng paghihimala sa bangka at pangingisda ang ating pananampalataya. May patron pa nga ang mangingisda (si Saint Andrew, pero personal kong pinipintuho ang Nuestra Señora de Salambao sa bayan namin sa Obando).
Well, maging sa kasaysayan, nakabaon ang sasakyang pantubig na balangay na, kung paniniwalaan ang replica na naka-display dati sa National Museum, sinlaki lang din naman ng karaniwang kasko o bangka. Sa mga balangay na ito nagsimula ang pagbubuklod natin kung kaya may yunit politikal na kung tawagin ay barangay. Pagbubuklod o pagbubukod at pagkakahiwahiwalay, bahala ka. Depende iyan sa oryentasyon mo sa traditional political dynamism.
Dadagdagan ko pa ang papel ng bangka sa buhay mo.
Alam mo bang galing sa salitang Español na “barca” ang salitang bangka, na noong una’y binabaybay na “banca”? Boat lang ito pareho sa Ingles. Sa kung anong semantic shift at loan word linguistic processes, kinuha natin ang barca na naging banca. (Humaba ang pagkakasulat ng eskribano sa buntot ng “r” kaya naging “n”?) Bangka ang umbrella term natin sa maliliit na sasakyang pantubig.
Sa ibang lugar sa bansa, may kasko at kumpit. Mayroon din namang lantsa o mabilis na bangka na mula din sa Español na “lancha” o launch o small boat. Ang malaking barca ay barco/barko.
Pero ang pinakamalalim na naiwan sa ating kultura ng bangka/banca/barca ay ang pagkakaroon natin ng salitang “barkada.”
Barkada. Sa Español, “barcada.” Boat load sa Ingles. Boat load ang barcada. Isang bangkang puno ng sakay. Maaaring kargada o pasahero. Pero sa konteksto ng kulturang Filipino, ang barcada na naging barkada bandang huli ay magkakaibigang matalik. Barkadahan. Magkakasama sa isang bangka.
Eh ano naman kung magkakasama sa isang bangka? Hindi gaya ng isang limitadong espasyo na puwedeng lumisan ang isang kasapi ng pagkakaibigan, ang barcada/barkada ay mahihirapang mag-iwanan lalo pa’t nasa kalagitnaan ng, figuratively, dagat o ilog ang barca. O gaya ng literal na isyu ng binanggang bangka, walang iwanan mula sa laot hanggang pampang hanggang kinausap (o inareglo, depende uli sa paniniwala mo) na ng emisaryo ng pamahalaan ang mga biktimang nakipag-fist bump pa sa kasama ng emisaryo (ng Tsina o pamahalaan natin, bahala ka na muling mag-decide).
Lulubog o malulunod nang sama-sama o marararating sa pupuntahan – pagtatagumpay? –nang sama-sama ang magkakabarkada. Ang ganda ng prinsipyo ng barkadahan, di ba? Iyan tayo, magkakabarkadang hindi mag-iiwanan.
Kaya nga sumikat noon ang isang kanta, na naging theme song ng magkakainumang barkada, ang “Iisang Bangka” ng bandang The Dawn.
Una itong pinasikat kasama ng patalastas ng isang sikat na tatak ng beer. Ang ganda ng tema. Iisang bangka tayo. Magkakabarkada. For better or worse, magkakabarkada. Kaya sa isyu ng pagsakay sa bangka at pagbangga sa bangka, puwede nating masalamin ang iba’t ibang antas ng kahulugan ng bangka bilang lunsaran ng ating pagkatao. Tiyak na may barkada tayo. Kasama sa buhay na iisang bangka ang turing. At sa insidenteng nangyari sa bangka at sa mangingisda, malinaw din na magkabarkada ang ating pamahalaan at iyong pamahalaan ng nambangga. Iisa ang kanilang bangka. Nagtutulungan eh.
Kaya sa susunod ninyong paghimig ng tropa mo sa mataas na tono ng kantang “Iisang Bangka,” isipin: dahil kayo ay barkada, kaya iisang bangka ninyong “tatawirin, daluyong ng dagat” para “anuman ang mithiin ay makakamtan [natin].” Oo, may harang mang sibat o may mambangga mang bangka mula sa Palasyo o sa Tsina. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.