Grace Poe. Anak ng Panday. Minamahal ng (halos) lahat. Mabango sa publiko. Namamayagpag ang ratings.
Pero kahapon 'yan.
Biglang nagising si Grace na makulimlim ang bagong umaga (pahiram ng campaign jingle niya). Hindi pala bangungot lamang ang kinasasadlakan niyang gusot sa residency at citizenship.
Okey lang sana kung kasama niyang lumuluha ang masang Pilipino, pero tila keber lang ang mga tao sa problema niya.
Bakit tila kumukupas ang dati’y maningning niyang bituin? Dahil ba salawahan ang publiko at pinagsawaan na ang unica hija ni FPJ?
Balikan natin ang kasaysayan ng mga "darling of the masses." Andyan si Gloria Arroyo na habang senadora at bise presidente ay itinuring na Nora Aunor ng pulitika. Di nagtagal, nahulas ang La Aunor maskara at naiwan sa alaala ang ringtone na "Hello Garci."
Si Loren Legarda, bitbit sa Senado ang ningning ng pagiging brodkaster nang mahabang panahon. Lagi rin siyang topnotcher sa popularity surveys. Hanggang nag-ambisyon siyang magbise-presidente at humarap sa mga TV camera na lumilipad ang buhok (dahil sa bentilador) na parang dyosa.
At lalayo pa ba tayo sa ka-tandem ni Grace na si Chiz Escudero? Inasam ni Chiz ang maging pangulo noong 2010 nguni’t biglang nag-iba ang kwento nang mismong pamilya ng dati niyang ninong sa pulitkika ang nagsabing “ingrata” siya.
Lahat sila, tila naniwala sa sariling press release.
Kailangang patunayan ni Grace na di siya nasilaw sa sariling kasikatan at nag-ambisyong maging presidente kahit “bagito” pa. Kailangang ipakita niyang bisyon para sa bayan at hindi gatong ng mga nakapaligid ang nagtulak sa kanyang tumakbo.
Ayaw ng Pinoy ng ambisyoso. Ayaw din ng Pinoy ng di nakatapak sa lupa. Authenticity – eto ngayon ang buzzword sa Internet. Pero sa Pinoy, dati na itong bukambibig. Dati na itong pundasyon ng matibay na pagsasama. Kaya nga sumikat ang linyang “Magpakatotoo ka!”
Eto rin ang sangkap sa pagsikat ni Rody Duterte. Sa kabila ng mga kontrobersyal niyang asta sa Papa, sa human rights violations at sa marami niyang nobya, walang kupas ang pagsamba ng kanyang mga tagahanga. Dahil sawa na sila sa puro kwento na wala namang kwenta. Sawa na sila sa puro porma.
Mula teflon biglang naging velcro ng problema si Grace.
Sa kabila ng paulit-ulit niyang hinaing na siya’y inaapi, hindi pa rin maka-relate ang masa. Gagap ba ng pangkaraniwang tao sa kalye ang #richproblems ni Grace?
Residency issues ba 'ka mo? Hindi 'yan ka-level ng walang matirhan dahil nawasak ng bagyo ang barong-barong.
Mahirap talakayin ang natural-born status sa isang taong natural-born dirt-poor at kumakalam ang sikmura.
Ibang iba ang pagdurusa ng DH sa Dubai na inaapi ng amo sa isang immigrant na sumumpang maging mamamayan ng Estados Unidos at ngayo’y binabara sa pagtakbong pangulo.
Kahit pa tawagin ni Grace ang sarili na OFW, sa mata ng dukha, iba ang OFW sa nag-migrate sa 'Tate.
Panahon na para baguhin ni Grace ang “narrative” ng kampanya niya. Ibalik niya ang nagustuhan ng tao sa kanya at sa kanyang tatay: matapang at hindi nagpapaapi, hindi lugmok sa sariling problema, at may panahong ipagtanggol ang masa.
Grace, tuloy man o hindi ang iyong kandidatura, ibalik mo na ang kwento sa taumbayan. Sabi nga, "It's not about you." – Rappler.com