Bakit ramdam natin ang sinapit ng mga mangingisda ng Gem-Ver sa kamay ng mga Intsik?
Bakit b’wisit tayo sa mga opisyal na nambraso sa kapitan ng Gem-Ver upang “bumaliktad” sa kanyang pahayag na sinadya silang pinalubog ng mg Instik? Masisisi ’nyo ba si Kap, gayong pinaligiran ng mga pulis ang bahay niya?
Bakit balisa tayo sa pagkikibit-balikat ng Gabinete at ni Pangulong Rodrigo Duterte na “maritime incident” lang ito – na parang banggaan lamang ito ng dalawang sasakyan sa Edsa?
Dahil mahal natin ang bayan at ayaw nating inaapi ng mga banyaga ang mga kababayan natin.
Alam natin na si Duterte ay bungangero, bastos sa kababaihan, palaaway, at pasimuno ng pinakamadugong kampanya kontra-droga na nauwi sa pagkamatay ng tinatantsang 27,000. Okey lang ’yan sa 79% ng ating mga kababayan, sabi ng survey.
Pinalampas ito ng mga Pinoy dahil lahat ng ito’y ginagawa niya umano sa ngalan ng pagmamahal sa bayan – kahit sa baluktot na paraan.
Hanggang sa lumubog ang Gem-Ver sa Recto Bank, wala tayong duda na siya’y makabayan.
Pero tila may “selective outrage” ang Pangulo.
Naalala ’nyo ba ang Godfather sa pelikula? Hindi ba nakakayanig isipin na may ninong ang ninong?
May dinidiyos pala ang taong di nag-atubiling hamakin mismo ang Diyos at ang Santo Papa. ’Yan ang mahusay na ipinaliwanag sa komentaryong ito: “Alam ni Duterte, na isang ring padrino, kung ano ang inaasahan ng kanyang padrino – utang na loob, pagpaparaya kahit na nasaktan, at paniniyak na makababawi ang panginoon sa ibang paraan.”
Sa mundo ni Duterte, ’yan ang realidad. Bilyon-bilyon na ang investment ng Tsina sa Pilipinas. Nakaangkla sa pagkakaibigang ito ang tagumpay ng ekonomiya at katuparan ng mga pangako sa natitirang 3 taon. Alangan namang bigla s’yang maging BFF ng mga Amerikano matapos niyang alipustahin ang mga ito mula ulo hanggang paa?
Dito’y dapat nating banggitin na hindi naman nalalayo ang komunistang Vietnam sa sitwasyon natin, pero ibang-iba ang reaksiyon nila sa pananalakay at pangingisdang walang pahintulot sa kanilang karagatan.
Sasabihin ng iba r’yan na nasyonalismo ang umiwas sa giyera laban sa Tsina. Isa pa ’yan sa mga agiw sa imahinasyon ng Presidente (at ng kanyang keyboard army) na kailangan nating walisin.
Wala na tayo sa Middle Ages, na kung saan sinakop ni Genghis Khan ang malaking teritoryo ng Asya. Nasa panahon na tayo ng imperyalismo at global hegemony.
Natikman na natin ang imperyalismo ng Estados Unidos – at minsan na nating itinakwil ito nang pinalayas natin ang mga base militar ng mga Kano. Heto ngayon ang imperyalismo ng Tsina – ang Belt and Road initiative na naglalayong magpaluhod sa mga maliliit na bansa sa pamamamagitan ng pautang. Imperyalismo rin ang paninindak at agawan-base sa West Philippine Sea.
Pero paano tayo tumindig sa hamon ng makabagong pandaigdigang pulitika? Para tayong pinabili ng suka na naligaw sa mesa ng mga negosyador. Hindi black and white ang usaping foreign relations. Pero ang alkaldeng bihasa sa small-town politics, namili kaagad ng kakampihang bully.
Mahina man tayo sa kagamitang pang-giyera, nanalo naman tayo sa arbitration sa harap ng pandaigdigang korte. May tratado rin tayo sa US. Sa makatuwid, maraming arsenal na panlaban – hindi lang pangangayupapa at pagiging maamong tupa.
Pang-brain surgeon ang diskarte na 'yan, at sa bandang huli, butcher o mangangatay sa palengke ang inihalal nating pinakamataas na opisyal.
Hunyo ang buwan na ipinagdiriwang natin ang kasarinlan ng Pilipinas. Ito rin ang buwan ng kaarawan ni Gat Jose Rizal, ang pambansang bayani.
Higit kailanman, napapanahon ang tunay na nasyonalismo. Kasama rito ang pagtatanggol sa eksklusibong karapatan nating mangisda sa ating Exclusive Economic Zone.
Maging ang usapin ng “joint probe” ay malaking kahunghangan kung titingnan sa lente ng kasarinlan. Dapat ba tayong pumaloob sa panel na kung saan didiktahan lamang tayo ng mga Intsik? Tingin ’nyo ba, papalag sa mga Instik ang mga “yes men” na sina Manny Piñol, Alfonso Cusi, o Delfin Lorenzana?
Nasyonalismo ang dunong at husay makipagpatintero sa mga sangganong imperyalista at mag-iwan ng isang malinaw na mensahe: hindi kami magpapaalipusta.
Nakalulungkot, pero mukhang may hangganan pala ang pagkamakabayan ang ating Presidente. –Rappler.com