Magkaibigan kayo simula high school hanggang ngayong pareho na kayong nagtatrabaho at pareho nang may pamilya. Sa dumadalang na pagkakataong nagkikita kayo, hindi katulad noong mas bata at mas malaya pa, nakakapagkumustahan at nagkakabalitaan over bottles of beer and sisig chicharon cholesterol binge.
Pero kapalit ng dumadalang na pagkikita ay ang ugnayan naman sa social media: nagkakasilipan ng newsfeed, nagla-like at heart-heart reax, nagpapadala ng mga pinagsaluhang memories mula noong idine-develop pa ang larawan buhat sa film na may 36 shots (may bonus na 3) hanggang pumasok na kita-pati-buhok-sa-ilong megapixel smartphone camera. At hindi kayo nakalilimot magpadala ng standard na pagbati tuwing kaarawan ng isa’t isa at kung Pasko at Bagong Taon at Father’s Day.
Sa mahabang panahon, mistulang alam mo ang likaw ng bituka ng iyong kaibigan. Halos wala nang itatago – hanggang sa pakawalan ng social media ang kaniyang ikinukubling primal instincts, lalo pagdating sa paborito niyang basketball team at artista. Lalong-lalo pagdating sa pulitika. Lalo pagdating sa mga isyung kinasasangkutan ng idolo niyang pulitiko. Iilan lamang itong pulitikong ito. Halos buhat lang sa iilang pamilya at partido.
Sa itinagal-tagal mong pagsubaybay sa social media account niya, alam mong malalim ang loyalty niya sa sinusuportahang pulitiko. Ikinampanya pa niya ito sa iyo noon. Madalas mo siyang makitang mag-share ng meme ng pulitiko; mga quotation na minsan wala naman talagang pinanggalingan maliban sa may katabing larawan lang ng pulitiko. Tapos, unti-unti nang napapansin mong nagbabago ang kaibigan mo.
Makanti lang ng iba ang opinyon sa thread, magagalit. Nambubuluyaw, ALL CAPS PA. Tatawagin ang sinumang bobo o adik, o “Ikaw kaya ang mag<insert posisyong kinauupuan ng kaniyang paboritong pulitiko>!” o “Buti pa si <insert pangalan ng ibang pulitikong iniidolo> may nagawa, eh ikaw? Ano na nagawa mo para sa bayan?” o “Eh di ikaw makipaggiyera, ikaw pala matapang eh!” Or many varied but equally vile ad hominem and false dichotomy versions thereof.
Alam mong nagse-share siya ng fake news mula sa mga pabrika ng pekeng balita o iyong mga political Facebook group or page na nagpupunla ng meme para patubuin at palaguin ng mga supporters of the troll kind. Pero dahil kaibigan mo, maghahangad ka ng kabutihan para sa kaniya. Baka biktima lang din siya ng fake news.
Pahahalagahan mo ang pinagsaluhang masasayang sandali gaya ng pagka-cutting classes ninyo nang sabay noong pre-internet at pre-SMS college days para uminom ng serbesa sa isang madilim na sulok ng university belt para lang matuklasang naroon din, lango sa beer, ang propesor ninyo sa klaseng hindi ninyo pinasukan. Maaalala mo ang sabay ninyong pag-aanak sa binyag, sabay magninong sa kasal, hanggang sa sabay na pagbili ng gamot laban sa high blood. Pahahalagahan mong lahat ito dahil mabuti kang kaibigan sa loob o labas man ng Facebook.
Kaya hindi ka kaagad nag-unfriend o nam-block. Ni hindi nga nag-unfollow. Tuturuan mo muna siya dahil baka hindi niya alam na fake news ang mga isini-share niyang link o impormasyon (na kadalasan nga, in a form of meme). Dahil mabuti kang kaibigan, susubukan mo munang i-flag. Baka kasi biktima rin siya ng disinformation. Hindi niya alam na peke. (PANOORIN: Documentary | Fake news in the Philippines: Dissecting the propaganda machine)
Sayang ang pakikipag-ugnayan sa kapwa. Sayang ang pagkakaibigan. Saka, baka marami pa siyang mapaniwala. Dahil mabuti kang kaibigan, hindi mo muna susukuan. Pero ayaw mo ring makasakit ng damdamin. Ngayon, paano na ang gagawin?
Heto ang mga mungkahi kong script. Puwede mong i-comment sa thread ang alinman dito. O kaya ay i-PM para hindi ma-offend ang iyong kaibigang nag-share ng fake news:
1. Hello, P’re. Napansin ko na fake news ang nai-share mong status. Heads up lang para maging aware ka in case na hindi mo pa alam. Salamat. I care for you.
2. Hi. Nangangamba akong baka may maniwala sa link you shared. Baka lang po hindi ninyo napansin na fake news ang nai-share mo. Concerned lang po. As always. Inom tayo minsan.
3. Hi. Kumusta? Maraming naglipanang fake news. Minsan hindi na natin alam kung alin ang totoo o hindi. Gusto ko lang maging aware ka na fake news ang nai-share mo. <then insert link>
4. Hello. May conscious effort buhat sa iba't ibang panig na magpalaganap ng fake news. Minsan, sa dami ng impormasyon sa internet, lalo sa social media, mahirap nang malaman kung alin ang totoo o hindi. Napansin ko na hindi totoong balita ang nai-share mo batay sa <cite your sources, na sana hindi rin fake news>. Paalala lang ito. Not meant to discredit you.
5. Hi. Huwag ka sana ma-offend, pero napansin kong fake news ang nasa wall mo. Oo, marami nang nabiktima ng maling impormasyon, pero dahil kaibigan kita, gusto kong hindi ka maging biktima ng disinformation.
Ngayon, kung sa kabila nito, nagkakalat pa rin ng fake news ang kaibigan mong ito, o kaya ay binulyawan ka pa rin sa pagsasabing kaya mo siya sinita ay dahil kasapi ka ng kinakalaban niyang partido o grupo, puwede mo nang i-block dahil kasangkapan na sa pangmamangmang ang kaibigan mo. O kaya, huwag mo nang isama sa inuman ni kausapin kapag may pagkakataon.
Pero ikonsidera mo sana: karamihan sa maiingay sa social media, tahimik sa personal. Ilang beses ko itong napatunayan nang makaharap ang ibang kung magmura at mang-insulto ay marumi pa sa pundilyo ni Satanas ang bunganga, pero kapag kaharap na, tahimik na. Natatawa. Parang hindi makabasag-pinggan o, siguro, sa lagay ng iyong kumpare, hindi makabasag-bote.
Tulad ng madalas kong sabihin kapag may pagkakataong maglinaw hinggil sa social media in a form of public lecture, madalas iba ang pagkatao ng iba sa atin sa birtuwal at tunay na buhay. Mas may restraint ang totoong buhay higit sa birtuwal.
Kaibigang putik as content creators
Social media fuels our desire, our longing, pati na ang pagpapasidhi ng ating damdamin hinggil sa tindig natin sa mga isyung karaniwan ay tungkol sa pulitika o kulturang popular. May umaapi sa paborito mong artista? Makipagbangayan. Sa pulitiko? Makipagmurahan sa thread o PM. Sa iyong pananampalataya? Kondenahin hanggang impiyerno.
Oo, platform lang ang social media, at ikaw, kasama ng ilang milyon pang indibiduwal, ang nagbibigay dito ng content. Ikaw ang nagdedesisyon kung ano ang gusto mong mabasa kahit pa tambakan ka ng Facebook ng tonetoneladang patalastas in the guise of suggested pages na nakabatay sa mga previous searches mo – meaning, kilala ka ng social media. Oo, alam ng Facebook ang pagkatao mo.
Puwede mong tanggihan, puwedeng mong hindi tangkilikin ang mga dumadaan sa iyong newsfeed; ang totoo, puwede mong bawasan o tuluyan nang hindi mag-social media! Pero dahil bahagi ka ng milyong-milyong kababayan natin na nag-uukol ng mahigit 4 na oras kada araw para sa social media, hindi mo magagawang iwan ang iyong account.
Ikaw ang kumukonsumo ng impormasyon, o sa tahasang disinformation with the proliferation of fake news and fake claims. Kung walang tumatangkilik, hindi basta-basta kakalat. At ito na mismo ang problema.
May pinaniniwalaan kang lihis, halimbawa, sa pinaniniwalaan ng iyong kaibigan o ka-Facebook. Naiinis ka. Nagagalit. Pero pagod ka nang makipagpalitan ng kapakipakinabang na opinyon. Pagod ka nang masabihang kabilang sa kung anong grupong pampulitika dahil lihis ang iyong opinyon sa pinaniniwalaan ng iyong kakilala. Pagod ka nang mangumbinsi o dumepensa. Kaya ang pinakamabisang gawin, i-unfollow. Kung hindi mo matiis ang birtuwal na pagkatao, unfriend o block.
Marami nito. Kung minsan, matalik na magkaibigan sa personal o magkakamag-anak (kaya siguro mas dumarami ang awkward moments sa family reunion). Mabuti na nga lamang, may unfollow, unfriend, o block option ang Facebook. Salamat. Kombinyente. May peace of mind ka na. Payapa. Masaya na uli. O iyon ang akala mo. (PAKINGGAN: PODCASTS: Duterte, ruler of a divided nation)
Dahil fini-filter mo ang matutunghayan sa newsfeed – i-unfollow, unfriend, block ang mga stressor, sundin lamang ang pinaniniwalaan – lalong lumalalim ang bias mo hinggil sa mga usapin. At sa paglalim ng iyong paniniwala, gaya ng kaibigan mong die-hard fan (redundant alert!) ng pulitiko, mas nagiging hindi na balanse ang pagtataya mo sa usapin. Thereby, malamang, isa ka na rin sa ayaw mong tao na hindi tumatanggap ng katuwirang lihis sa iyong pinaniniwalaan.
Mapanghati ang mga pulitiko, lalo na iyong mga nasa top of the Philippine government totem. Bawat buka ng bibig ay mistulang panawagang paniwalaan o kamuhian sila. Wala nang middle ground. Lalo’t ang polisiya ng mga pulitikong ito ay lagi nang nakaangkla sa false binary o iyong extreme na resulta ng bawat pagpili.
Maikli ang pasensya ng karamihan sa atin para makapagpaliwanag, para magkaroon ng makabuluhang diskurso sa thread. Madalas, nauuwi pa nga sa bastusan, insulto, pagmumura. Paano’y ganoon din ang mga namumuno. Norm? Huwag naman sana. (BASAHIN: Duterte's cursing is affecting the youth, experts say)
Kaya rin papahirap nang papahirap magturo ng kabutihang asal sa mga paaralan. Mas bantad na kasi ang karamihan sa social media na abenida ng nagmamadaling paliwanag at pag-intindi sa kapwa, kung mayroon pa mang magtatangkang magpaliwanag sa kadiliman ng birtuwal na mundong ginigiliw nating lahat. – Rappler.com
Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. Delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.